KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS; BAGONG TAON 2014
PAGNINILAYAN NATIN ANG TAONG DUMARATING
Ang Mahal na Birheng Maria ang ating kalakbay simula pa noong Adbiyento. Napakaraming pangyayari ang naganap sa kanyang buhay na isa-isa nating hinimay nitong mga simbang gabi sa ebanghelyo. At sa ganitong mga nakakahilong pangyayari, hindi kaya nahirapan ang Mahal na Birhen na malusutan bawat pagsubok?
Sa ebanghelyo ngayon matatagpuan natin ang lihim ng tagumpay ng Mahal na Birhen. Sabi dito: itinago ni Maria ang mga bagay na ito sa kanyang puso at pinagnilayan niya ang mga ito (Lk. 2:19).
Minsang nagtataka ako kung ano ang kaugnayan ng Mahal na Birhen sa Bagong Taon. Pero ngayon malinaw na tinatawag pala tayong hindi lamang salubungin ang mga pangyayaring dumating at darating pa sa ating buhay. Mas kailangan nating unawain at maintindihan ang kahulugan at mensahe ng Diyos para sa atin. Mahalagang magkaroon ng pananaw sa buhay na pagiging “mapagnilay”.
Marami pang magaganap sa ating buhay ngayong taong ito. Ang iba ay inaasahan, ang iba ay bulaga naman. Ang iba ay nagkataon lang pero marami din ang itinakda naman ng Panginoon. mapipilitan tayong huminto at magtanong, humanap ng sagot, at unawain ang paliwanag na matatagpuan natin.
Hindi psychology o counseling lang ang makakatulong para maging malinaw ang lahat para sa atin. Kailangan nating ng sagot na magdudulot ng kapayapaan at pang-matagalan. Kailangan natin ang presensya ng Diyos sa lahat ng magaganap.
Dito pumapasok ang gampanin ng Birheng Maria. Siya ang unang nag-isip, nagnilay at nagdasal sa kanyang puso. Siya ang unang tumitig sa mukha ng Anak ng Diyos na si Hesus. Ang kanyang kapayapaan, kabanalan at katatagan ay galing sa ugnayan niya sa kanyang Anak na galing sa kalangitan kasama ng Diyos Ama.
Kaya ba natin ang ganitong pananaw sa buhay o attitude? Magagawa ba nating pagnilayan at pagdasalan lahat ng handog ng Diyos sa taong nagsisimula na? Humingi tayo ng tulong sa Mahal na Birheng Maria sa pasimula ng Bagong Taon.