IKA-APAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON – B (CANDELARIA)
NARITO ANG IYONG LIWANAG (CANDELARIA)
Sa araw na ito, ginugunita ng maraming madre at mga relihyoso ang kanilang panata sa Diyos, dala ang mga kandilang may sindi sagisag ng pagbibigay nila ng sarili sa Diyos. Sa katotohanan, tayong lahat ay nagsimulang magdala ng kandilang nakasindi noong tayo ay binyagan.
Sa Mabuting Balita, gitnang-gitna ang posisyon ng liwanag. Si Simeon, isang matandang lalaki, ay matagal nang naghihintay sa kaganapan ng pangako ng Panginoon. Nang makita niya ang sanggol at ang mga magulang nito, lumakas ang tibok ng kanyang puso. Tila may nagbulong sa kanya na ito na nga ang “liwanag ng mga bansa, at kaluwalhatian ng Israel.” (Lk 2:32). Punung-puno ng saya, naipagdasal niyang handa na siyang mamatay.
Ganito rin kay Anna, ang matandang babaeng katulad ni Simeon ay nakatutok sa paghihintay sa pangako ng Diyos. Kahit hindi binanggit sa ebanghelyo, palagay ko, ang panalangin niya ay tulad din ng pasasalamat, papuri at pagiging handang mamatay tulad ng kay Simeon.
Sa araw na ito, dala natin ang mga kandila natin upang mabasbasan. Mahalaga sa atin ang mga kandilang ito kasi ginagamit natin ito sa panalangin. Sinisindihan natin ito sa gitna ng takot sa mga panganib ng bagyo, lindol at mga personal na trahedya sa buhay natin.
Ang mga kandila ay pang araw-araw na paalala na dumadalaw ang Diyos sa ating buhay ngayon tulad ng dumalaw siya sa templo, at na patuloy tayong kinakalinga at minamahal niya tulad ng paglingap niya kay Simeon at Anna.
Higit sa lahat, ang kandila ay hudyat ng ating ugnayan o relasyon sa Panginoon. Tunay nga na ipinadala ng Diyos sa atin ang liwanag, ang kanyang Anak, bilang patunay ng kanyang dakilang pagmamahal sa atin. Nakita ng Diyos kung paano tayo matumba at mapatid sa kadiliman, kung gaano kadilim ang ating lipunan, ang simbahan, ang mga pamilya at maging ang ating mga puso. Ang Diyos ang nagkusa na magsindi ng kandila at mag-alay ng malinaw na daang tatahakin natin. Si Hesus ang kaloob ng Ama na liwanag para sa mga taong naghihintay sa dilim.
Ang kandila din ang tanda ng ating tugon sa Panginoon. Handa tayong tanggapin ang kandila at gawin itong sariling atin. Tulad ni Simeon at Anna, gusto nating makalaya sa kaguluhan at kawalang-kahulugan ng ating ating paligid. Nais nating makaalpas sa kadiliman kaya ipinagkakatiwala natin ang ating sarili sa liwanag ni Kristo. Tinatanggap natin ang liwanag na handog ng Diyos kay Kristo upang maging makabuluhan ang ating paglalakbay sa buhay.
Buong kagalakan nating hingin sa Diyos ang liwanag ng ating puso, ng ating buhay. Naway kumalat ito sa buong daigdig sa pamamagitan ng ating buhay.