IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA – A
KAILANGAN NATIN ANG PANALANGIN
Bakit umakyat ng bundok si Hesus para magbagong-anyo? Kasi kakailanganin niya ang lakas para harapin ang krus. Bakit nandoon ang mga alagad? Kasi kakailanganin nila ang lakas para isabuhay at ipaglaban ang kanilang pananampalataya. Ang pagbabagong-anyo ay karanasan ng lakas para sa kanila.
Pero saan nagmula ang lakas na iyon? Hindi tahasang sinabi sa Mabuting Balita ni San Mateo ngayon, pero ipinahihiwatig sa atin na ito ay galing sa panalangin. Tulad ng dati, si Hesus ay umakyat sa bundok upang magdasal at makipag-usap sa kanyang Ama. Ipinagdasal niya ang kanyang nararating na sakripisyo, gayundin ang kanyang mga alagad na umaasa sa kanya.
Ngayong Kuwaresma, ipinaaalala sa atin ang mga mahahalagang disiplina ng buhay Kristiyano. Noong isang linggo, ang pag-aayuno o fasting. Ngayon naman, panalangin. Tila simple lang ang magdasal pero bakit tila ang hirap nito para sa maraming tao? Ang dami kasing nakakakuha ng atensyon natin. Bukod pa riyan, marami sa atin ang naniniwala na hindi nating kailangan ang tulong ng iba, tulong mula sa iba, para harapin ang mga pagsubok ng buhay. Kaya natin ito! Bilib tayo sa sarili! May kontrol tayo sa buhay!
At bakit nga hindi? Tayo ay nasa “kultura ng kontrol.” Kaya nating kontrolin ang lupa at langit, tubig at hangin, ngayon at bukas. Pero bakit nga ba hindi natin kayang kontrolin ang direksyon ng ating buhay-may asawa, ang ugali ng ating anak, ang paglaganap ng ating sakit? Hindi natin mapigil ang paglago ng kasamaan sa ating puso at sa ating kapwa tao at kapaligiran. Hindi natin kayang hilumin ang sugat ng ating mga isip, damdamin at puso.
Sa huli, dapat nating tanggapin na may mga bagay na lampas sa ating kapangyarihan. Kailangan natin ang isang tutulong sa atin na harapin at itama ang mga mali at sira sa ating mundo sa kanyang sariling kapangyarihan. Ang ating lakas ay limitado, ang ating karunungan ay may hangganan.
Kailangan natin ang lakas na natagpuan ni Hesus at mga alagad sa bundok sa oras ng kanilang pananalangin.
Kung ginagamot ng fasting ang ating ganid at sakim na pag-iisip, ginagamot din naman ng panalangin ang ating mayabang na pagkatao. Hinihilom ng panalangin sa pamamagitan ng pagkakatiwala ng sarili natin sa kamay ng Diyos na nagmamahal at nag-aaruga. Huwag tayong matakot magdasal. Sa tulong nito, kaya nating dalhin ang mga paghihirap na taglay ang lakas na nagmumula sa Diyos (cf. 2 Tim. 1:8b).
May kailangan ka bang ipagkatiwala sa Panginoon? Matapos mo gawin ang lahat ng iyong makakaya, meron bang bagay na siya lamang ang makakatulong sa iyo? Manalangin nang buong puso, nang may pagtitiwala, nang palagian. Tataglayin mo ang lakas na galing sa Panginoon upang harapin ang iyong mga pagsubok.