LINGGO NG PALASPAS – A
Ang simula ng mga Mahal na Araw ay isang prusisyon ng mga palaspas. Ito ay masayang prusiyon dahil matagumpay si Jesus na sinalubong ng mga tao sa Jerusalem na may galak at pagtanggap. Narito na ang Hari na hinihintay ng lahat!
Pero para kay Jesus, ang prusisyon niya ay malayo sa pagkakaunawa ng mga tao. Ito ay prusisyon ng kababaang-loob. Hari siya, oo. Tagumpay siya, oo. Manlulupig siya, oo din! Subalit bilang Mesiyas, eto siya at dumarating na mababang-loob, nakasakay sa asno at hindi sa kabayo.
Prusisyon ito ng kababaang-loob para kay Jesus dahil sisikapin niyang hamunin ang pang-unawa ng mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos – hindi tungkol sa mga hari, giyera, kapangyarihan. Aakayin niya ang mga tao na padalisayin ang kanilang isip at puso at subukang lumakad sa pag-ibig, pagpapatawad, pagbabago at paglilingkod. Siya ang unang pumasok at dito niya tayo nais dalhin at akayin.
Ang prusisyong ito din ay isang masakit na prusisyon para sa Panginoon. Sa dulo nito ay hindi trono ang naghihintay kundi krus ng kamatayan. Siguro takot din siya at nanginginig. Pero patuloy niyang tinahak ang prusisyong ito dahil kasama niya ang Diyos.
Mahilig tayo sa prusisyon ng palaspas pero kaya ba nating lumayo sa panglabas lamang at pumasok sa panloob na prusisyon ng puso? Saang paraan tayo inaanyayahan ng Panginoon na lumakad ngayon sa kababaang-loob? Kailangan ba nating tanggapin ang ating kahinaan at pagkukulang upang maka-ugnay natin ang ating mga kapatid?
Saang paraan tayo hinahamon ng Panginoon na lumakad sa prusisyon ng sakit? Handa ba tayong dalhin ang gulo ng isip at puso, ang sakit ng katawan, ang bigat sa kaluluwa? Medyo mahirap harapin ang maraming bagay subalit kapag pinasan natin ang krus, doon lamang tayo makakasumpong ng kapatawaran at paglaya.