Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY

IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY

KASAMA NATIN ANG ESPIRITU NG DIYOS
Nakatagpo na ba kayo ng mga taong galit sa Diyos o sa Simbahan? Ang dami nilang tanong, akusasyon at pagpuna sa ating pananampalataya. Minsan hindi tuloy tayo makasagot.
Sa ikalawang pagbasa (1 Pedro 3:15), tinuturuan tayo kung paano ang gagawin sa harap ng mga ganitong tao: “Maging handa sa pagpapaliwanag sa sinumang nagtatanong ng dahilang ng inyong pag-asa.”  Paano? “Na may paggalang sa kapwa at pagiging banayad,” patuloy ng pagbasa. Noong una ang ating sagot dito ay mga debate at argumento laban sa mga hindi Katoliko o hindi Kristiyano. Pero wala itong nararating.
Ngayon, ang nais natin ay pumasok sa mabungang dialogue sa iba upang marinig natin hindi lamang ang kanilang nais sabihin kundi pati ang hindi nila nais sabihin nang diretso. Marami kasi sa mga galit sa Diyos at sa simbahan ay may mga sugat sa kanilang puso dahil sa mga karanasan nila. Kaya nga sa halip na argumento, mas maigi ang paliwanag. Sa halip na sigawan, mas mainam maging banayad.
Siguro iniisip natin: paano yun e hindi naman ako expert sa Bible o sa doktrina? Marami nga din akong hindi naiintindihan e.  Kaya ko ba yun?
Ito ang problema natin. Kaya tuloy tumatahimik na lang tayo o minsan nadadala pa tayo ng ating kausap. Pero ngayong Pasko ng Pagkabuhay, may dalang tulong ang ating Panginoong Hesus para sa atin. Pangako niya na hihingin mula sa Ama ang regalo, ang Espiritu Santo, na ating magiging kapanalig at katuwang. Siya ang Espiritu ng Katotohanan, na mag-aakay sa atin sa katotohanan at mananatili sa ating puso kailanman.
Mahalagang ugaliin na maging sensitive sa Espiritu Santo at hayaan siyang kumilos sa ating buhay upang maakay natin ang kapwa sa Panginoon.  Pero hindi niya tayo gagawing eksperto sa paliwanag at pang-unawa. Sa halip, mas maganda pa ang kanyang gagawin sa atin – sa pamamagitan ng ating buhay, kilos, salita, kabutihan, tiyaga, galak at mga ngiti, tayo ay gagawin niyang saksi kay Kristo at sa simbahan.
Hindi pa man Pentecost Sunday ay unti-unti na nating buksan ang ating puso sa regalo ng Ama at ng Anak.  Halina, Espiritu Santo!