SAINTS OF DECEMBER: SAN JUAN NG KETY
DISYEMBRE 23
SAN JUAN DE KETY ( ST. JOHN OF KANTY), PARI
A. KUWENTO NG BUHAY
Kababayan ng kilala nating Papa Santo Juan Pablo II ang tampok na santo para sa araw na ito. Ipinanganak sa bayan ng Kanty sa Diyosesis ng Cracow, Poland si San Juan de Kety noong 1390. Nang lumaki siya ay nagpari si San Juan at naging kilala sa katalinuhan. Natapos niya ang kanyang Doctorate in Philosophy sa Universityof Cracow noong 1418 at nagsimula siyang magturo.
Una siyang nagturo sa isang paaralan sa loob ng kumbento sa loob ng 8 taon at pagkatapos nito ay lumipat siya sa University of Cracow kung saan siya ay naging Dean ng faculty doon. Lalong nakilala sa kagalingang magturo si San Juan.
Naghawak din siya ng gawaing pastoral o pam-parokya subalit sandali lamang at bumalik siya muli sa pagtuturo, ang kanyang natatanging talino at pagka-bihasa. Ang kanyang pagtuturo ay walang bahid ng maling aral sa pananampalataya. Maging ang mga estudyante niya ang nagpatunay na isa siyang mabuting halimbawa sa kanila, lalo na sa kabanalan at pagmamahal sa kapwa tao. Si San Juan ay naglaan ng sarili niya sa kawanggawa at paglingap sa mga mahihirap sa kanyang paligid.
Nang malapit nang dumating ang panganib ng heresy o maling turo at schism o pagtiwalag sa simbahan, ang mga turo ni San Juan ay ibang-iba dahil ito ay matapat sa katotohanan ng pananampalatayang Katoliko. Pati ang kanyang pangangaral sa simbahan ay naging inspirasyon upang lalong tumaas ang antas ng kabanalan ng mga nakikinig at mga nagsisimba. Sa tuwing siya ay mangangaral, halata na ito ay bunga ng kanyang kababaang-loob, kalinisan ng puso, awa at malasakit sa kapwa at ng sarili niyang sakripisyo sa sarili niyang katawan. Tunay na si San Juan de Kety ay isang pari na may dedikasyon; isang napapanahong apostol para sa kanyang pinaglilingkuran.
Malaking kontribusyon ang kanyang pagiging guro sa reputasyon ng lahat ng mga propesor sa unibersidad. Dahil sa kanya ay lalong naging sikat ang paaralang ito. Malaking inspirasyon siya ng mga kapwa guro dahil sa kanyang
katapatan sa propesyon. Sa kanyang halimbawa, ang dangal at luwalhati ng Diyos ang lagi niyang nag-iisang pakay.
Kahit bantog bilang guro si San Juan de Kety, napansin din ang kanyang kababaang-loob. Siya ang mas may nalalaman sa larangan na kanyang itinuturo subalit hindi niya kailanman itinuring na mas mataas siya sa iba. Sa halip, ang tingin niya sa sarili niya ay para bang walang halaga. Kahit may naririnig siyang insulto o masasakit na puna mula sa mga nagagalit o naiinis sa kanya, hindi niya ito pinapansin o pinapatulan.
May pusong-bata at simple din si San Juan de Kety. Kahit hindi niya pagkakamali ang isang bagay, ipinagdarasal niya at ihinihingi ito ng awa sa Diyos sa panalangin. Pagkatapos ng klase niya, ang una niyang pinupuntahan ay ang simbahan upang magdasal. Mahabang oras ang ginugugol ni San Juan sa harap ng Blessed Sacrament sa simbahan. Naisulat ni Papa Clemente XIII tungkol kay San Juan de Kety: “Ang Diyos sa kanyang puso at ang Diyos sa kanyang mga labi ay pareho at iisa lamang.”
Namatay si San Juan de Kety sa taong 1473.
B. HAMON SA BUHAY
Ang dedikasyon sa pagtuturo ang natatanging talento ni San Juan. Ipagdasal natin ang mga guro na pumatnubay sa atin noong bata pa tayo. Ipagdasal natin ang ating mga guro ngayon. Nawa tayo din sa ating maliit na paraan ay maging mabuting guro na nag-aakay sa ating kapwa sa katotohanan at kabanalan.
Ngayong Adbiyento, maging bukas nawa tayong matuto ng mabubuting bagay mula sa mga ipinadadala sa atin ng Diyos na gabay at guro, tulad ni San Juan de Kety.
K. KATAGA NG BUHAY
Filipos 4:8-9
Bukod dito, mga kapatid, piliin ninyo ang lahat ng totoo, dakila, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig at marangal, ang anumang dapat hangaan at purihin. Isagawa ninyo ang inyong natutuhan at natanggap, ang narinig at nakita ninyo sa akin. At saainyo ang Diyos na mapayapa.