Home » Blog » SAINTS OF DECEMBER: SAN PEDRO CANISIO

SAINTS OF DECEMBER: SAN PEDRO CANISIO

DISYEMBRE 21
SAN PEDRO CANISIO (ST. PETER CANISIUS),
PARI AT PANTAS NG SIMBAHAN
A. KUWENTO NG BUHAY
Ang paring si San Pedro Canisio ay ipinanganak sa bansang Holland noong 1521. Nag-aral siya sa Cologne (Germany) at sa Louvain (Belgium). Sa edad na 23 pumasok siya sa Kapisanan ni Hesus (Society of Jesus), na itinatag ni San Ignacio ng Loyola at kinabilangan din ni San Francisco Javier.
Nang maging pari si San Pedro siya ay naglingkod bilang isang theologian (eksperto sa theology o sa pag-aaral tungkol sa Diyos) at bilang isang guro. Tinawag siya ni San Ignacio de Loyola sa Roma at doon siya ay naging ganap na Heswita o Jesuit(miyembro ng Society of Jesus) noong 1549.
Pagkatapos nito, nagtungo si San Pedro Canisio sa Germany kung saan sa loob ng 30 taon, walang sawa at walang pagod niyang hinarap ang gawain ng pagpapanariwa ng buhay ng mga Katoliko doon. Naging lider siya ng mga Jesuits doon sa ibat-ibang posisyon na hinawakan. Nagtatag siya ng mga paaralan doon na nanguna sa pagpapanibago ng simbahan sa Germany. Hindi  madali ang gawain niya sa Germany dahil noong panahong iyon ay may pagkakahati-hati ang mga Kristiyano dahil sa bagong sibol na Protestantismo.
Ginamit niya ang taglay niyang katalinuhan sa pagusulat ng mga aral ng simbahan upang pangalagaan at gabayan ang mga mananampalataya. Sa marami niyang naisulat, ang librong “Catechism  ang pinakasikat sa lahat.  Dumaan ang aklat na ito sa 55 edisyon at naisalin sa 9 na wika.
Ang paraan ng pagsusulat at pagtuturo ni San Pedro Canisio ay hindi sa pamamagitan ng agresibong labanan o debate ng mga kaisipan. Dahil mahusay siya sa Bibliya, sa turo ng mga Fathersof the Church at sa theology, maayos niyang naipapaliwanag at naipagtatanggol ang turo ng simbahan. Ang gamit niyang paraan ay paghimok puso at isipan at tamang pangangatuwiran.  Sanay siyang makipag-usap maging sa mga taong hindi kabilang sa simbahan.
Nang mamatay si San Pedro Canisio sa Switzerland noong 1597, umani siya ng papuri sa mga lider ng simbahan. Itinanghal siyang santo at pantas ng simbahan. Tinawag din siyang “pangalawang apostol” ng Germany dahil sa masidhi niyang paglilingkod sa bansang iyon. Ang unang apostol ng Germany ay si San Bonifacio na nagdala doon ng pananampalatayang Kristiyano.
B. HAMON SA BUHAY
Para tawagin bilang pangalawang apostol ng Germany, tiyak na sobrang sipag ni San Pedro Canisio sa kanyang atas na tinanggap upang gawing sariwa at bago ang pananampatalataya ng mga tao doon. Ganito rin ba ang kasipagan na ipinakikita natin kapag may tinanggap tayong mahalagang gawain lalo na sa pagtulong sa kapwa na maging mas malapit sa Diyos at malayo sa kapahamakan?
Ngayong Adbiyento, gawin nating inspirasyon si San Pedro Canisio sa isang buhay na masipag at masinop para sa kapakanan ng iba.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 10;16
Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati.