EPIFANIA, TATLONG HARI, B
PALITAN NG REGALO
Ang ganda ng larawang dala ng mabuting balita ngayon. Parang isang party na may exchange gifts. Hindi ba exciting lagi ang exchange gifts?
Ang mga pantas ay may dalang ginto, kamanyang at mira.
Si Maria ay may regalong sinapupunan, ang kanyang Oo at ang kanyang puso.
Si Jose ay may handog na regalo ng isang tahanan at isang maka-amang pagmamahal.
May makapapantay ba sa regalo ng Ama? Ibinigay niya ang buo niyang sarili sa pamamagitan ng kaisa-isa niyang anak, si Hesus ang Kristo!
Sa mga pantas, dala ni Hesus ang Mesiyas na inaasam nila…
Kay Maria, alay ni Hesus ang kaloob ng isang mabuting Anak…
Kay Jose, handog ni Hesus ang karangalan at pagbabasbas sa kanyang buong lahi at angkan…
Kay ganda kapag may maibibigay ka… at kapag may natatanggap ka rin. Pero paano kung sinasabi nating wala tayong maireregalo? Wala tayong maibibigay, walang maibabahagi sa Diyos? O sa kapwa, dahil wala tayong pera, talento o kakayahan man lamang?
Kung ganoon, ikaw – ang sarili mo mismo – ang regalo! Ikaw ang hinihintay ng Panginoon. ikaw ang hinihintay ng iyong pamilya at mga mahal sa buhay. Huwag nang mag-alala na wala kang materyal na bagay, hindi ito ang pinakamahalaga.
Sa katunayan, para sa Diyos, maging kahinaan, kasalanan, pagkakamali, at takot ay maaari nating ialay. At kung may kaunting pag-ibig, kagalakan, pagmamalasakit sa ating puso, ito ay maaaring malaking regalo na sa mga naghahanap nito.
Tulad ni Jose at Maria, at ng mga pantas, ihandog mo kung anong mayroon ka, kung ano ka, iyon ang mas maigi. At mararanasan mo ang regalo ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak at sa pamamagitan ng mga taong nasa paligid mo.