IKA-LIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
DALAWANG ASPEKTO NG PUSO NI HESUS
Ipinapakita ng Mabuting Balita ngayon kung gaano ka-abala ang Panginoong Hesus (Mk. 1:29-39). Una, pinagaling niya ang biyenang babae ni San Pedro. Tila mabilis kumalat ang balita at lahat ng maysakit at pinahihirapan ng masasamang espiritu ay dumating sa bahay noong gabing iyon. Halos lahat ng tao ay nasa pintuan ng bahay ni San Pedro. At hindi nabigo ang mga tao dahil sa sobrang atensyon na ibinigay ng Panginoong Hesus sa kanila. Pinagaling ang maysakit, pinalaya ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu.
Ito ang unang katangian ng puso ni Hesus – habag! Awa! Malasakit! Ang kanyang habag ay napakatindi. Hinihipo niya tayo kung saan tayo nasasaktan, kung saan tayo naguguluhan, kung saan tayo pinahihirapan o inaalipin. Ang awa ng Panginoong Hesus ay nagpapahilom, nagpapatahimik, nagpapabalik sa normal sa mga tao. Ang puso niya ay puno ng malasakit sa nahihirapan sa puso, isip at katawan.
Subalit gaano man ka-abala ang Panginoong Hesus sa pagtatalaga ng sarili niya sa mga tao, napansin ni San Marcos na “maaga pa lamang bago ang bukang-liwayway” ang Panginoon ay bumangon na at naghanap ng tahimik na lugar upang magdasal sa kanyang Ama sa langit.
Ito ang ikalawang aspekto ng puso ni Hesus – pakikipagkaisa sa Diyos, panalangin at katahimikan! Ang kanyang pagiging malapit sa mga tao ay dito talaga nanggagaling. Abala nga siya sa mga tao, pero hindi mawawaglit kailanman ang panalangin at pagninilay. Babad siya sa paghihirap ng mga tao, pero lalo siyang babad din sa panalangin. Habang nagdarasal siya, lalo siyang lumalakas sa pagbabahagi ng buhay niya sa mga nangangailangan ng tulong at atensyon niya.
Malaking pag-asa ito para sa atin. Napakalapit sa atin ni Hesus kapag nakakaranas tayo ng pagdurusa. Alam niya ang ating nararamdaman at nararanasan kapag tayo ay nasa gitna ng paghihirap. Subalit ang ating pagkababad sa mga pagsubok natin ay isang paanyaya na lalong palalimin ang ating pananampalataya sa Diyos. Imbitasyon ito upang lalong lumapit sa Panginoon sa panalangin at pakikipag-uganayan na magbibigay kahulugan sa ating mga karanasan. Sana ang dalawang katangian ng Panginoong Hesus ay maging pundasyon din ng ating mga buhay ngayon. Amen!