MIYERKULES NG ABO
ITONG MGA ABANG ABO
Ngayon ang buong Kristiyanismo ay nagsisimula ng isang bagong panahon, Kuwaresma. Nakakapagtaka na sa simula nito, na nagdadala sa atin sa dulo ng pagpapakasakit, kamatayan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, ang simbolo ay simpleng abo lamang. E ano ba naman ang abo kundi alaala ng pagiging walang kwenta at walang silbi. Kailangan natin ng kahoy, kailangan natin ng uling. Pero abo? Itinatapon lang yan at tinatangay ng hangin.
Iba ang Diyos. habang ipinaaalala niyang tayo ay tila mga abang abo lamang, sinasabi din niya sa sa huli, ang abo ay magliliyab, maglalagablab, magniningas! Ang walang kwenta ay magiging dakila. Ang walang silbi ay magiging kasangkapan ng kaligtasan. Ang abang abo ay magiging tulay sa pagtahak sa Muling Pagkabuhay.
Ito ay kung isasapuso natin ang kahulugan ng abo. Mahal natin ang abong ito dahil sa tradisyon, sa sentimiyento, sa sinasagisag nito. Pero mahal din ba natin ang abo dahil sa kapangyarihan nitong magpanibago?
Ngayon, ituon natin ang puso sa abo na kinatawan ng ating pagkatao sa harap ni Kristo. Tayo ay balewala subalit tingnan mo ang Diyos na yumuyuko upang dakutin ang abo sa kanyang palad, dahil may plano siya para sa abo.
Tayo ay walang kwenta pero heto ang Diyos at tinitipon ang abo upang hingahan ng bagong apoy, bagong kapangyarihan, sa diwa ng kanyang awa. Habang dinadaanan natin ang mga disiplina ang Kuwaresma, hayaan natin si Hesus na gawing maganda ang mga abo ng ating buhay. Ang mga karanasan ng sakit, pagtataksil, paghihiwalay, luha at kalungkutan – lahat ito ay mahalaga sa kanya na nakapako sa Krus. Dadalhin niya ang abong ito sa pagkabuhay niya mula sa kamatayan. Ang mga abo natin ay lulutang mataas pa sa mga ulap kapag hinipo at binasbasan ng Panginoon.
Hesus, pagpalain mo po ang mga abo ng buhay ko ngayon!