Home » Blog » ANG SANTO NGAYON: SAN CARLOS LUWANGA AT MGA KASAMA, MGA MARTIR

ANG SANTO NGAYON: SAN CARLOS LUWANGA AT MGA KASAMA, MGA MARTIR

HUNYO 3


A. KUWENTO NG BUHAY
Sa maraming bahagi ng Africa ngayon, mapanganib pa rin na mabuhay bilang Kristiyano dahil sa karahasan na nagaganap doon laban sa mga tagasunod ng Panginoong Hesukristo. Maaaring humuhugot ng lakas at katatagan ang mga Kristiyano sa Africa mula sa magandang simulain at matatag na halimbawa ng kanilang mga martir.
Tatlong grupo ng mga martir ang pinatay sa Uganda sa iba’t-ibang okasyon: Mayo 26, 1886, Hunyo 3, 1886 at Enero 27, 1887.  Sa araw ng Hunyo 3, Si San Carlos Lwanga, na kinikilalang pinuno ng grupo, ay pinatay sa pamamagitan ng torture at pagsunog sa kanya habang buhay pa siya.
Sa kabuuan, 22 lahat ang mga martir na kinikilala ngayon. Bukod kay San Carlos, nariyan sina Mateo Mulumba, Jose Mkasa at iba pa. Naganap ang pagtuligsa sa mga mananampalataya sa panunungkulan ni Haring Mwanga (1885-87). Ilan sa mga nasangkot sa poot ng hari ay sarili niyang mga kamag-anak na naging Kristiyano. Dati ay malalapit sila sa hari at kinakasihan ng hari subalit nawala lahat ang pabor na ito nang magsimula ang pagtuligsa sa kanila.
Sa pagtuligsang ito, kapwa Katoliko man o Protestante ay nasangkot at nagbuwis ng buhay.
Unang nahikayat sa pananampalatayang Kristiyano ang Uganda sa tulong nga mga misyonerong tinatawag na “White Fathers.”  Ang mga misyonerong ito mula sa Europa ay magigiting na kawal na Kristo sa pagtuturo sa mga Aprikano tungkol sa landas ng katotohanan. Pinalayas ng hari ang mga misyonero noong 1882, pero muling inanyayahang magbalik pagkatapos ng dalawang taon.
Nagbago ang ihip ng hangin nang magsimula ang galit ng hari laban sa mga Kristiyano.  Pinagbintangan niya ang mga ito na mga espiya ng kanyang mga kalaban. Dahil dito, isandaang Protestante sa pamumuno ng kanilang obispo, na isang Anglican, ang pinatay.
Pinatay din ang mga kabataang Katoliko na naglilingkod sa hari sa pangunguna ni Jose Mkasa. Ang dahilang ibinigay ay tila nakakatawa: nahuli daw ang mga ito na nagdarasal sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang libro. Maaaring tinutukoy dito ang aklat ng Bibliya o anumang dasalan o prayer book ng mga Kristiyano.
Noong patayin si Carlos Lwanga, kasama niya ang isang labing-tatlong taong gulang na bata, sii Kizito. Kasama rin si Mateo Mulumba, na dating nahikayat bilang Muslim, pagkatapos bilang Protestante at noong huli ay naging Katoliko. Nagbuwis sila ng buhay malapit sa Rubaga, ngayon ay Kampala, ang sentro ng bansang Uganda noong 1886.
Sila ang unang mga martir ng Black Africa. Naganap ang kanilang kanonisasyon o pagpapahayag ng kanilang pagigiging mga santo noong Second Vatican Council, 1964.
B. HAMON SA BUHAY
Handa ka bang ipagpalit ang isang panatag at masayang buhay para ipaglaban ang iyong pananampalataya? Handa ka bang mawala sa iyo ang tiwala at mga pribilehiyo mula sa iyong mga kaibigan at kaanak para lalong mapalapit sa Panginoon?
K. KATAGA NG BUHAY
Karunungan 3: 5-6
Mahalaga ang kanilang kinamtan pagkatapos ng kaunting pagtitiis, sapagkat sinubok sila ng Diyos at napatunayang karapat-dapat sa kanya; makaraang subukin silang tulad ng ginto sa apuyan, tinanggap sila ng Diyos na waring handog na sinunog.