Home » Blog » IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B

IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B

ANG KARAHASAN NG PAG-IBIG


Habang nagninilay ako sa Mabuting Balita, tila naunawaan ko na ang mga Hudyo. Ilang linggo na natin pinagmamasdan sila sa kanilang reaksyon sa himala ng tinapay at sa pangaral ni Hesus ukol sa Tinapay mula sa Langit.  At hindi nila ito maunawaan.  Hindi nila makita ang punto. Nagsimula na silang mag-bulungan at mag-reklamo.  May bagay sa mga salita ni Hesus na nakakabagabag sa kanila. Ano ba iyon?

Hindi madaling tanggapin ang turo ng Panginoon tungkol sa Tinapay ng Buhay. Maraming karahasan sa likod ng aral na ito. Sabi ng Panginoon: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bubuhayin ko siya sa huling araw.
Isipin nga natin ang mga salitang ito. Balik-balikan. Suriin dahan-dahan. “Kainin ang aking laman… inumin ang aking dugo…” Nakupo! May kailangang mamatay kung totoo ito! At ito ang hindi matanggap ng mga Hudyo. Magsasaya, magpipista, mabubuhay dahil may namatay para mag-enjoy kami?! Ganito rin ang feeling ko e. Mas madaling magdiwang kung alam kong walang nasaktan para lang ako mag-enjoy!
Subalit ang sinasabi sa atin ng Panginoon ay ito: ang tunay na pagmamahal ay handang mag-alay ng lahat. At ang ganap na pagmamahal ay nagbibigay ng ganap, kahit lahat pa, kahit masakit pa, kahit mamatay pa. namamatay ang mga sundalo sa Middle East para makauwi lang ang mga bihag ng ISIS. Ang mga Overseas Filipino Workers natin nangungulila at nag-iisa para magkaroon lang tayo ng pagkain, gamot, edukasyon at bahay. Iyong isa kong kaibigan, mas ninais mamatay para lang ligtas na ipanganak ang kanyang bunso!
Sukdulan ang sinasabi ng Panginoon. kung talagang nagmamahal, handa kang dumaan sa kamatayan, sa maraming sakripisyo. Naiisip mo ba ito pag tumatanggap ng Komunyon? Siguro kung seryoso natin itong iisipin, ang Tinapay na Katawan ni Kristo ay hindi tila lamang biskwit na ibinigay ng pari. Ito ang handog ng pinakadakilang pagmamahal ng Isang namatay dahil mahal niya tayo hanggang sa kahuli-hulihan!
At kung mapagtanto natin ito, pagkatapos ng Misa, mapupuno din ba tayo ng lakas, tapang, at pagnanasang mamatay upang mabuhay ang ating kapwa?  Kaya ba nating pigilin ang ating dila para sumaya ang araw ng iba? Kaya ba nating iwanan ang luho para guminhawa ng iba? Kaya ba nating ngumiti man lang para magkaroon ng saya sa paligid? Kaya ba nating mabuhay ng simple para mabuhay din ang mga dukha sa lipunan?
Panginoon Hesus, Tinapay ng Buhay, salamat po sa Inyong pagmamahal. Dahil sa Iyong pag-ibig, ibinigay mo lahat para maranasan ko ang lahat ng mabubuting bagay. Sa pagtanggap sa Iyo ngayon, hipuin mo po ang aking puso upang maging tinapay ng buhay ako para sa iba, sa aking maliit na paraan man lamang. Amen.