Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI, B

DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI, B

ANG PRUSISYON NG HARI


Bawat taon, dumadaan tayo sa Kapistahan ng Kristong Hari. Maringal na okasyon ito sa ating bayan, na may kasamang mga dasal, prusisyon, bihilya, at Banal na Misa. Nakaayos ang mga bahay na dadaanan ng prusisyon, ng mga kandila, bandera, bulaklak at altar. Sa pagdaan ng pari, dala niya ang Hari na nasa Santissimo Sakramento.
Minsan sa isang taon, natatandaan natin kung sino talaga ang hari at ang dapat maghari, upang huwag nating malimutan na bigyan siya ng puwang sa puso natin.
Ang prusisyon ng Kristong Hari ay makabuluhan. Ramdam natin na tayo ay pinagpala. Nag-aalay tayo ng dasal ng pasasalamat at pamimintuho. Eto si Hesus sa ating mga lansangan at ang biyaya niya ay bumabagsak sa mga taong naghihintay sa Kanya.
Ang prusisyong ito ay siyang pinakatampok sa dulo ng ating kalendaryo. Ito rin ang tulay patungo sa Adbiyento, sa mga pangako na darating nga ang Anak ng Diyos sa ating buhay.
Ang mensahe ng prusisyong ito ay kasama natin ang ating Hari. Hindi siya nasa isang palasyo lamang. Hindi siya kuntento lamang sa kayamanan at kaluwalhatian. Dumadalaw siya sa atin. Tinatagpo niya tayo. Hinahanap niya tayo ngayon.
Naglalakad nga si Hesus sa lansangan ng ating buhay. Dito niya inaalo ang mga nagdadalamhati sa France, Iraq at Syria na biktima ng terorismo. Hinihipo niya ang mga nararatay sa banig ng karamdaman sa mga tahanan at ospital. Niyayakap niya ang mga walang tirahan at natutulog lamang sa kalsada. Kinakausap niya ang mga nasasaktan, naguguluhan, walang pag-asa, natatakot, at walang nagmamahal.
Ang ating Hari ay kasama natin at walang dapat ikatakot. Dala niya ay pag-ibig at kapayapaan. Si Hesus, ang Hari, ay kapiling natin sa araw-araw na paglalakbay sa gitna ng pakikibaka at pakikipagtunggali sa buhay.