Home » Blog » UNANG LINGGO NG ADBIYENTO, K

UNANG LINGGO NG ADBIYENTO, K

DARATING SIYA


Eto na naman ang Adbiyento… ang panahon ng paghihintay! Naghihintay tayo sa isang kinagigiliwan.  Alam nating malapit na ang Pasko at araw-araw sa Eat Bulaga, ina-announce ni Baeby Baste: 46 days na lang Pasko na!
Pero ang Adbiyento ay hindi lamang pananabik sa isang ispesyal na araw, isang araw na may kabuluhang relihiyoso, tradisyunal o pampamilya man.  Ang Adbiyento ay pananabik kay Kristo na Panginoon natin upang dumating muli sa ating buhay at sa ating daigdig. Ngayon higit sa lahat ng panahon, mas kailangan natin si Hesus na dumating upang ayusin nag ating buhay, buuin ang nawasak at ibalik ang ating pag-asa.
Seryoso ka bang naghihintay kay Hesus? O sa tingin mo ay natagpuan mo na siya at hindi na kailangang maghintay pa? O naranasan mo na siya at dahil doon, walang kuwenta ang manabik pa sa kanya? Anuman ang iyong pakiramdam o iniisip, ang totoo ay maraming naghihintay… at naghihintay sila hindi sa gitna ng ginhawa kundi sa gitna ng pagkabalisa.
Iyong malala ang karamdaman ay naghihintay na makauwi na sa langit na puno ng kapayapaan at pahinga. Iyong trabahador sa ibang bansa ay nananabik na yakapin muli ang asawa at mga anak. Ang matandang ina ay umaasang makapiling ang anak na nasa rehab o nasa bilangguan. Ang binatang bagong graduate ay naghihintay ng tawag mula sa kumpanya kung saan siya nag-apply.
Naghihintay ka rin ba sa isang tao o ng isang bagay? Sa iyong puso, ano ba ang inaasam mo para sa panahong ito? O baka may inaasam ka  para sa pamilya mo?
Hindi madali ang maghintay nang ganito. Para sa marami, may kasamang pait, sakit, pagtitimpi at pagkapagod. Si Hesus lamang ang nakakaunawa ng ating paghihintay sa gitna ng dilim at ginaw. Ito ang dahilan kung bakit dumating siya 2000 taon na ang nakakaraan. Ito ang dahilan din kung bakit darating siyang muli, at hindi magsasawang dumating upang tuparin ang kanyang mga pangako.
Halina Panginoon, at hanguin mo kami sa hirap ng paghihintay…