Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK

DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK

ANG PAMILYA BILANG MISTERYO

Ang pamilya ay bahagi ng isang misteryo. Kahit ang Diyos ay nangailangan ng pamilya nang dumating siya sa ating makasalanang mundo. Sa Mabuting Balita ay makikita nating maging ang Banal na Mag-Anak ay hindi naligtas sa mga alalahanin ng isang pamilya. Nagkaroon din sila ng mga problema tulad natin, halimbawa, nang mawala ang batang si Hesus sa templo ng Jerusalem. Ang Panginoong Hesus ang unang naging problema nina Maria at Jose, buti na lang at madaling natagpuan siya pagkatapos ng ilang araw. Kahit na nawalay si Hesus samandali sa kanyang mga magulang, bumalik siya sa pamilyang ito at naging masunurin, mapagmahal at matapat. Sa pamilyang ito, lalong lumalim ang pusong madasalin ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamilyang ito naging lalong matapat na lingkod ng Diyos si Jose.
Ang pamilya ay importante sa Diyos dahil ang Diyos din ay isang pamilya. Paano ba natin nakikilala ang Diyos? Hindi ba, bilang Ama, Anak at Espiritu Santo? Hindi ba mga salitang pam-pamilya ang mga ito? Ama-Anak, sa pamilya matatagpuan. Espiritu – ibig sabihin ang diwa ng pagmamahal at pagkakaisa, mga damdaming bumubukal sa isang tunay na pamilya.
Kaya bilang mga Kristiyano, pinahahalagahan natin ang mga pamilya, pinalalago natin ang pamilya, inaalagaan natin ang pamilya. Ang Simbahah, ang pamilya ng Diyos sa mundo, ay may mahalagang misyon na ipagtanggol ang pamilya ngayon. Marami kasing naninira ng pamilya. Nariyan ang diborsyo, pananakit, karahasan, kontrasepsyon, aborsyon at iba pa. Pinupunit nito ang kagandahan ng pamilya. Ginagawa nitong mapanira ang pamilya sa halip na mapagpalaya.
Walang perpektong pamilya mundong ito, subalit, paalala sa atin ng Panginoon na gawing sentro ang Diyos ng bawat pamilya upang matagpuan ang kapayapaan, pagkakaisa at kagalakan. Alalahanin natin ang ating pamilya. Ipagdasal natin ang ating pamilya. Tulungan natin ang ating pamilya upang makilalang lubog ang Panginoong Hesus na siyang Prinsipe ng Kapayapaan.