Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO, K

IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO, K


AALISIN NG DIYOS ANG MGA HADLANG


Sa Mabuting Balita, hindi lamang pangako ang dala ni Juan Bautista kundi isang katuparan! Nagaganap na ngayon! Ginagawa ng Diyos ang imposible upang iligtas at tipunin ang kanyang mga minamahal. Aauyusin ng Diyos ang mga hadlang, upang maipahayag at maging mabisa ang kanyang balak para sa ating buhay.
Ano pa bang mas higit na hadlang kaysa layo ng langit sa lupa, ng banal na Diyos at makasalanang tao? Subalit nalampasan ito ng ipinadala ng Panginoon ang kanyang bugtong na Anak na si Hesus, ang ating Tagapagligtas. Kung nagawa ito ng Diyos, isang tila imposibleng maganap, magagawa niya ang lahat upang mailapit tayo sa kanya.
Habang papalapit ang Pasko, alok ng Panginoon na tingnan natin ang ating buhay at kilalanin ang mga hadlang sa kagalakan, kapayapaan at makabuluhang pagdiriwang.  Ano ba yun? Ano ba ang naglalayo sa atin sa ating mga pangarap, sa tunay na buhay na nais ng Diyos para sa atin?
Para sa iba, ito ay mga problemang hindi pa nalulutas. O kaya, sakit ng paghihiwalay at pag-aaway ng mga dating magkasundo at nagmamahalan. O kaya naman kalusugan, pananalapi, pangalan o mga takot na dala ng mga dating karanasan.
Narito si Juan Bautista upang sabihing mahal tayo ng Diyos, at aalisin niya ang mga hadlang na iyan. Bigyan natin ng pagkakataon ang Panginoon. hayaan nating ipakita niya ang kanyang kapangyarihan. Makiisa tayo sa kanyang biyaya.
Naniniwala ka ba na kayang tanggalin ng Diyos ang mga hadlang sa iyong ganap, maligaya at banal na buhay? Kung ganoon, tulad ni Juan Bautista, tulad ni Propeta Baruk, mananabik ka din habang papalapit ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Naniniwala ako sa Diyos na mas malakas kaysa anumang hadlang!!!


EXCURSUS: PAGMUMURA NI DUTERTE SA SANTO PAPA
(nagtatanong ang ilan bakit pinapansin ng mga Katoliko ang pagmumura ni Duterte sa Santo Papa)

(Siguro nga ugali talaga niya na magmura. Pero iba kapag nagmura ka habang iniaalay mo ang sarili mo bilang kandidato sa pinakamataas na posisyon ng bansa. Tiyak na mapupuna ka ng mga tao kasi gusto mong maging kinatawan ng buong bayan. Kung kandidato ka pa lang e kaya mo nang murahin ang isang lider espirituwal at lider ng isang kinikilalang bansa, ano pa ang makakapigil sa iyo na saktan sa salita man o gawa ang mga taong  mas mababa ang katungkulan sa lipunan kapag nakaupo  ka na. Tandaan natin na ang dala ng Santo Papa sa atin ay pag-asa at pag-ibig ni Kristo pagkatapos ng Yolanda. Dapat bang murahin ang isang taong nagpapakita lang ng malasakit sa mga mahihirap at sanhi ng laking galak sa buong sambayanan? Mas mali kung hindi mo sasabihin na mali si Duterte dahil likas siyang palamura. Kahit si Roxas pa o si Poe ang gagawa nito, dapat silang maging handa sa reaksyon ng mga taong masasaktan ang damdamin sa gagawin nila. Ang pambansang lider ay sasagot sa pambansang saloobin. Kung nais niyang maging presidente, dapat niyang malaman iyan nang maaga. Isa pa, kahit ang tatay ko ang murahin niya nang ganoon, aalma din ako at hindi iyon palalampasin.)