Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY, K

IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY, K

–>

LABAN PA!

Nagugulat tayo sa mga kilos ni Pedro at mga kasama. Pagkatapos ng kamatayan sa krus ni Hesus, balik dagat na naman siya. Dati na siyang tumigil sa pangingisda upang maging alagad.  Ngayon, balik na naman siya sa laot.

Dito natin makikita ang kahinaan ni Pedro, at nating lahat. Kapag nasiphayo, nawalan ng pag-asa, tila ayaw na natin at suko na agad! Mas mabuti pang umatras kaysa umabante. Mas masarap sa dating maginhawang buhay kaysa umukit ng bagong daan.

Sa pangingisda nakilala ni Pedro si Hesus at nakita ang tunay niyang kapangyarihan. Ang himalang huli ng napakaraming isda ang nagbunsod sa kanya na iwanan ang dagat at maging mangingisda o mamamalakaya ng mga tao, tulad ng sinabi ng Panginoong Hesus sa kanya.  Pero ngayon, eto siya at nasa laot ulit, para ituloy ang natigilang hanapbuhay niya.

Kay dali nating mahulog sa ganitong patibong. Kapag malungkot o nalilito, takot o nalalabuan tungkol sa kinabukasan, mas madali tayong magpasya na umatras sa dati nating buhay.

Pero ang Panginoon ay isang Diyos na makulit. Gusto niya tayong matutong tumapang. Binibigyan niya tayo ng pag-asa.  Binubuhay niya ang ating mga pangarap at pinalalakas tayo na umabante sa buhay. kaya nga binisita niya ulit si Pedro sa binalikan niyang hanapbuhay, sa gitna ng kanyang takot at pangamba. Itinutulak niya si Pedro ngayon na magtalaga ng sarili para sa isang mas mabuti, mas magaling, mas dakilang bagay. At sumagot naman ulit si Pedro, isang OO na mas determinado, matatag at magiting, isang OO na hangangg huli ng kanyang buhay.

Ngayong Pagkabuhay, nakikita ba nating paatras tayo mula sa landas ng kabutihan, asenso, luwalhati at kagitingan na inihahandog ng Panginoon para sa atin? Dahil ba may nalubak sa buhay natin, handa na tayong iwanan ang mga pangako sa atin ng Diyos?

Tinatagpo tayo muli ni Hesus kung saan tayo nagkita noong una. Narito siya upang palakasin tayo at hikayatin muli na lumaban at manalig sa kanyang kapangyarihan, pagmamahal at biyaya. Hahayaan mo ba ang lubak na ilayo ka a tagumpay at pagpapalang nakalaan sa iyo kay Hesus?

Tulad ni Pedro, maniwala muli tayo! Lumaban ulit tayo!