IKA-LABING-ISANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
–>
SA HARAP NG PAG-IBIG
Ang babae sa Mabuting Balita ay hindi naman kailangang pumasok sa piging kung saan naroon ang Panginoong Hesus. Pero, pumasok siya kahit hindi inaanyayahan. At kahit hindi nagsasalita, ipinadama ng babae ang kanyang puso kay Hesus: umiyak sa kanyang paanan, pinunasan ang kanyang paa, pinaliguan ng langis ang paa ng Panginoon.
Tanging ang Panginoong Hesus lang ang nakaunawa ng ginagawa ng babae. Isinusuko niya ang kanyang mga kasalanan sa isang tunay na nagmamahal. Binabasag niya ang pader o depensa ng kanyang buhay para makapasok ang dakilang awa ng Diyos. Nagbabalik siya sa bukal ng pag-ibig na kanyang dating iniwanan. At sinabi ni Hesus: pinatawad na ang iyong mga kasalanan.
Sa unang pagbasa, nakikinig si haring David sa mga paratang ng kasalanan mula sa propeta Natan. Maaari namang iwasan niya ang propeta. Maaaring takpan niya ang kanyang tenga para hindi niya marinig ang kanyang kasalanan at kamalian. Sa halip, nakinig ang hari at nabagbag ang kanyang puso upang humingi ng tawad. At ibinigay ito ng Diyos sa kanya. Natunaw ang kanyang kasalanan sa umaagos na pag-ibig at awa ng Diyos.
Maraming beses natutukso tayong magtayo ng mga depensa sa ating mga kasalanan at kamalian. Itinatanggi natin. Nangangatuwiran tayo. Itinuturo ang iba. Nagtatago tayo. Kunwari, wala tayong alam. Pero ang depensa ay nag-aanyaya ng lalong atake ng kaaway. At lalong inaatake, lalo din tayong nagde-depensa.
Kung tatahakin natin ang landas ng pag-ibig, hindi kailangan ang depensa. Tinatanggap ng pag-ibig ang lahat. Pinapatawad ng pag-ibig ang lahat. Pinalalaya ng pag-ibig ang lahat. Binabago ng pag-ibig ang lahat. Pinalalaya tayo ng pag-ibig ng Diyos. Sinisira ng Diyos ang pader ng matigas na puso at isip, hinuhubad ang ating kayabangan at dinadamitan tayo ng bagong karangalan bilang mga anak ng Diyos ulit.
Makasalanan tayo pero narito ang Diyos sa harapan natin. Huwag na tayong mag-depensa pa sa harap niya. Sa halip, magpakumbaba, magtiwala at magbukas ng puso sa kanya. Tulad ni David, tayo ay lalaya. Tulad ng babaeng makasalanan, magbabago ang ating buhay.