IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
–>
PAGTUUNAN NG PANSIN ANG “GITNA”
Masaya kapag nararating natin ang dulo. Maging dulo ng telenovela, o ng isang aklat, o paglalakbay o ng problema. Pag nasa dulo na, masaya na tayo.
May isang dulo na nakakatakot para sa atin, ang dulo ng kasaysayan, ang wakas ng daigdig. Ang dami pa namang mga propeta nagpapanggap na alam ang wakas ng mundo. Sa Mabuting Balita, makikita nating ang karaniwang patunay nila sa wakas na mundo ay hindi akma sa turo ng Panginoong Hesukristo.
Dadagsa daw ang mga mangangaral sa ngalan ng Panginoon. Pero hindi ito ang wakas. Magkakaroon ng maraming giyera at hidwaan. Pero hindi rin ito ang dulo ng lahat. Kabi-kabila ang sakuna at kalamidad. Pero muli, hindi pa ito ang katapusan. Daranas ng hirap ang maraming tao, kasama na ang mga Kristiyano, pero hindi nagbigay ng payo ang Panginoon ukol sa wakas ng buhay kundi tungkol sa pagsusumikap at katapatan sa harap ng pagsubok.
Sa panahon ni San Pablo ang daming mga tao na wala nang ginawa kundi mag-usap tungkol sa katapusan ng mundo. At hindi na sila nagtrabaho dahil dito. Kaya si San Pablo ay nag-anyaya sa mga tao na tahimik at matiyagang magtrabaho at gumawa upang maging kapaki-pakinabang ang buhay. Ang Diyos lang ang nakakaalam ng wakas ng lahat. Ang gawain natin ay gawing mayabong ang kasalukuyan nating buhay.
Takot ka rin ba sa katapusan ng mundo? O katapusan ng buhay mo? O sa wakas ng mga pangarap mo? Sabi ng mga pagbasa ngayon, huwag matakot at huwag mag-alala sa mga bagay na ito. Ang kailangan ay tiwala sa Panginoon at tulad ni San Pablo, maging tapat at tahimik na manggagawa para sa Kaharian ng Diyos.
Isinagawa ng Panginoon ang simula ng Kaharian. Nasa kamay ng Diyos ang wakas na hindi natin alam. Ang hawak natin ay hindi ang simula o wakas, kundi ang “gitna”, ang ngayon, ang kasalukuyan ng ating buhay.