Home » Blog » IKA-LIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-LIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

–>

NATATAGO PERO HINDI NATATAHIMIK

Nabasa ko ang libro ni Kurosawa na ngayon ay isa nang pelikula ni Martin Scorsese, ang “Silence.” Tungkol ito sa mga “nagtatagong Kristiyano” ng Japan. Sa bansang ito kasi, ang paglaganap ng pananampalataya ay sinundan ng matinding pag-uusig sa mga Katoliko. Kaya lagi silang umiiwas na makilala o matagpuan ng mga maykapangyarihan. Natuto silang maging “nagtatagong Kristiyano” upang patuloy mabuhay ang kanilang pananampalataya.

Tiyak nauunawaan ng Panginoong Hesus kung bakit maraming pinag-uusig na mga kapatid niya ay dapat itago ang kanilang pananampalataya. Pero ang diwa nito ay kailanman hindi dapat at hindi kayang itago. Sa Mabuting Balita ngayon (Mt. 5: 13-16) ibinunyag ni Hesus ang kanyang pangarap para sa mga alagad – kayo ang asin… kayo ang ilaw ng sanlibutan.

Ang pagiging asin at ilaw ay hindi nangangahulugan na paglago sa kayabangan at palabas na pagpapamalas ng pananalig. Ibig sabihin nito ay paglago sa pag-ibig sa kapwa na marka ng isang Kristiyano. Sabi sa unang pagbasa (Is 58), darating ang liwanag kung magpapakita ng pagmamahal sa mga nagugutom, walang damit at mga nangangailangan. Ang asin at ilaw ay mga larawan na nagpapaalala sa atin na hingin ang biyaya na madagdagan ang ating pag-ibig at paglilingkod.

Ang pagiging asin at ilaw ay hindi kahulugan na pagiging palaban tungkol sa pananampalataya. Ang dami ngayong mga grupo na agresibo sa pagiging Katoliko dahil matatag daw sila, matapang daw sila, at handa daw silang makipaglaban sa iba tungkol sa pananampalataya nila. Ang ikalawang pagbasa (1 Cor 2) ay nagsasabing si San Pablo man ay walang anumang sandata, maliban sa kanyang pananalig kay Jesukristo, “na nakapako sa krus.” Ang tanging sandata niya ay ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Si Ka Luring ay isang simpleng katekista na nagturo sa mga bata sa public school, dumalaw sa mga dukha sa squatters area, nagbahagi ng anumang mayroong siya, at nagdasal para sa mga lumalapit sa kanya. Kahit matagal nang yumao, patuloy pa rin siyang inaalaa bilang modelo ng mga katekista, hindi dahil makapangyarihan o magaling siya kundi dahil tapat siya sa pananampalataya. Kagaya ng sinabi ng Panginoong, si Ka Luring ay naging asin at ilaw ng daigdig. Nawa’y maging tulad tayo ng babaeng ito na nagbigay kulay sa buhay ng iba.

Ipagdasal natin ang mga Kristiyanong pinag-uusig saanman sa daigdig.