Home » Blog » LINGGO NG PALASPAS A

LINGGO NG PALASPAS A

–>

MISTERYO NG TAHIMIK NA DIYOS

Sa bago at napakagandang pelikulang “Silence” ni Martin Scorsese, batay sa nobelang ganito rin ang pamagat, ang bida ay isang misyonero mula sa Europa. Nagdusa siya dahil nakita niya ang paghihirap ng pinag-uusig na mga mahihirap, mahihina at walang kalaban-labang mga Kristiyano sa Japan. Sa puso niya nabuo ang isang tunggalian. Alam niyang mapagmahal ang Diyos pero bakit tila hindi niya tinutulungan ang kanyang mga anak? Bakit kapag nagdarasal siya, walang ibang tugon kundi “katahimikan” lamang?

Ngayong mga Mahal na Araw ito siguro ang tanong din sa puso natin. Nagdasal si Hesus sa Getsemane. Di tulad sa dasal niya noong dati, mabigat at madilim ang panalangin sa hardin. Hiniling niyang alisin sa kanya ang kopa ng paghihirap pero walang sagot sa kanyang panalangin.

Sa krus, habang nakapako, ang isip ni Hesus ay nakatuon sa isa lamang – sa Ama. Ililigtas kaya siya? Tutulungan kaya siya? “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Tulad sa Getsemane, isa lang ang tugon – katahimikan.

Ano kaya ang naglalaro noon sa isip ni Hesus? Humiling na iligtas pero lalong ipinahamak ng mga kaaway. Humingi ng konting lugod pero ang napala ay pagpapako sa krus? Naghanap ng kakampi pero nagdusa, naghirap mag-isa, iniwan ng mga alagad, at tila iniwan din ng Ama.

Ito rin siguro ang tanong sa puso natin. Ilang beses ba tayong iniwan gayung nagdasal tayo ng suporta? Ilang beses ba tayong umiyak sa gabi at walang dumamay sa atin? Gaano katagal tayo lumuhod sa altar at umuwing walang sagot na dala maliban sa katahimikan?

Pero pagmasdan nating mabuti si Hesus upang maunawaan ang misteryo ng katahimikan. Sa Getsemane, nagdasal siyang maligtas pero walang sagot. Noong bandang huli, hindi ba’t tumayo siyang malakas ang loob at hinarap ang mga kaaway pati ang kamatayan? Sa krus, nag-iisa nga siya pero hindi ba ang sigaw niya ay “Diyos KO,” “Ama KO?” Kahit sa gitna ng katahimikan ng Ama, sa puso ni Hesus, nag-umapaw ang tiwala sa Ama. Misteryo ang katahimikan ng Diyos pero misteryo din ang tiwala sa puso ni Hesus.

Ngayong mga Mahal na Araw, kumuha tayo ng lakas sa halimbawa ng Panginoon. Maaaring kalaban natin ang buong mundo, at tila pati Diyos iniwan na tayo. Pero sa gitna ng lahat, ilabas nating todo-todo ang tiwala sa ating puso para tulad ni Hesus, patuloy tayong maniwala at umasa sa Ama. Pagkatapos ng Krus darating ang Pagkabuhay!