PARANGAL NI SAN BERNARDO SA MAHAL NA BIRHENG MARIA -2
Siya, sinasabi ko, ang maliwanag at maningning na tala, lubhang kinakailangan, inilagay sa ibabaw ng malaki at malawak na dagat ng buhay, kumikinang sa kahalagahan, nagliliwanag sa halimbawang ating tutularan. O, sinuman sa inyong nadaramang siya, dini sa makamundong buhay, ay tila palutang-lutang sa mapanganib na mga tubig, at nasa kamay ng mga buhawi at alon, sa halip na naglalakad sa matatag na lupa, huwag nawang alisin ang mga mata mula sa kaluwalhatian nitong talang gabay, maliban kung nais ninyong ilubog ng unos! Kung dumating ang mga bagyo ng tukso sa iyo, kung nakikita mong inaanod ka sa mga batuhan ng pagsubok, tumingin sa tala, tumawag kay Maria. Kung sinasalanta ng usok ng pagkahambog, o ambisyon, o pagkamuhi, o inggit, tumingin sa tala, tumawag kay Maria. Kung ang galit, o pagkagahaman, o pagnanasang makalaman ay nagnanasang salakayin ang lalagyan ng iyong kaluluwa, tumingin sa tala, tumawag kay Maria. Kung nababagabag ng kasuklam-suklam mong mga kasalanan, nanlulumo sa karumihan ng iyong budhi, at nasisindak sa inaalalang malupit na hatol na darating, ikaw ay nagsisimulang lumubog sa walang hanggang bangin ng kalungkutan at lulunin sa lalim ng kasiphayuan, isipin si Maria. Sa mga panganib, sa pag-aalinlangan, sa mga kahirapan, isipin si Maria, tumawag kay Maria. Huwag nawang mawala sa mga labi ang kanyang ngalan, huwag pabayaang mawalay sa iyong puso. At upang higit na makamtan ang pagtulong ng kanyang panalangin, sikapin na tumahak sa kanyang mga yapak. Kasama siya bilang gabay, hindi ka maliligaw; habang tumatawag sa kanya, hindi ka panghihinaan ng puso; habang siya ay nasa isipan, hindi ka malilinlang; habang hawak niya ang iyong kamay, hindi ka babagsak; sa ilalim ng kanyang pangangalaga, walang kang ikatatakot; kung nauuna siya sa iyong paglakad, hindi ka mapapagod; kung kalulugdan ka niya, mararating mo ang siyang pakay. (sariling salin ng ourparishpriest blog) (congratulations, sis josie castillo) –> Share on FacebookTweet Total Views: 199
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed