Home » Blog » DAKILANG PASKO NG PAGSILANG 2018

DAKILANG PASKO NG PAGSILANG 2018

SANGGOL SA SABSABAN

Maraming tila natural na nagaganap kapag Pasko. Madaling ngumiti at humalakhak pag Pasko. Nagsisikap tayong magregalo at masaya din naman kung may matatanggap. Naaalala nating magbahagi sa mga dukha at nangangailangan sa panahong ito ng pagbibigayan. Maraming panalangin at pasasalamat ang alay sa Diyos sa bawat simbang gabi, sa Midnight Mass at maging sa simpleng pagdalaw sa adoration chapel o tahimik na simbahan. At sino ba sa atin ang hindi napapakanta o nakikinig man lang ng isa sa mga paborito ng lahat: “Silent Night”?

Sa taong ito, sa ating pagdiriwang ng pagsilang ng ating Panginoong Hesukristo, inaalala din natin ang awit na isinulat para sa kanya at unang itinanghal, ng isang pari at ng katambal niyang guro 200 taon na ang nagdaan sa isang nayon malapit sa Salzburg sa bansang Austria. Ang awit na alay kay Hesus at sa kapayapaan ay naririnig sa lahat ng dako kung saan nakararating ang diwa ng Pasko. Pagnilayan natin bahagya ang kahulugan ng Pagkakatawang-tao ng Panginoon sa tulong ng awit na ito.

Silent night, holy night

All is calm, all is bright

‘Round yon virgin Mother and Child

Holy infant so tender and mild

Sleep in heavenly peace

Sleep in heavenly peace

Sa bansang tulad sa atin, hindi naman talaga tahimik ang Pasko dahil sa di mabilang na pagsasalo at kasiyahan, caroling at pamamasyal, at mga pailaw at paputok. Sa mabuting balita ni Lukas ipinaaalala sa atin ang gabi, gabing madilim at maginaw, kung kailan nakapinid na ang mga pinto at nakahiga na ang mga tao, at wala nang inaasahan magaganap kundi ang darating na lamang na bukas. Subalit kumikilos ang Diyos sa katahimikan ng gabi, banayad at hindi kapansin-pansin. Hindi nga ba’t madalas nating makatagpo ang Diyos kapag tahimik tayong nananalanging, o mag-isang naglalakad pauwi ng bahay, o kung panatag na at tulog na ang lahat ng kasambahay? Doon natin nauunawaan ang maraming bagay, natutuklasan ang dapat gampanan, at natatanto ang kalooban ng Diyos.

Maglaan tayo ng quality time sa pamilya at magbawas ng time sa social media o gadgets, o sa pakikigimik sa barkada. Ang mga salitang “Virgin Mother and Child” ay paalala sa atin na ang pinakamahalaga sa lahat ay ugnayan – sa Diyos at sa mga minamahal.

Silent night, holy night!

Shepherds quake at the sight!

Glories stream from heaven afar;

Heavenly hosts sing Al-le-lu-ia!

Christ the Savior is born!

Christ the Savior is born!

Kahit tulog na ang lahat sa malamig na gabi, mayroong gising pa din. Siguro lumitaw ang mga anghel sa mga pastol dahil gising pa ang mga ito sa parang. Tila nagpapaalala sa atin na sa kabila ng ating pagpapahinga at paglilibang at pagsasaya, may mga taong hindi maaaring tumigil sa trabaho dala ng pangangailangang mabuhay. Kaya, pansinin at pasalamatan ang mga waiter sa kainan, sa mga tauhan sa gasolinahan, sa mga security guard, sa pedicab driver, at sa mga katulong sa bahay na nagliligpit pag tapos na ang lahat. Sila ang mga makabagong “pastol” dahil sila din ay mahalaga sa mata ng Diyos. Sa kabutihan mo sa kanila, ibinabahagi mo ang mensahe ng awit – “Christ the Savior is born!”

Silent night, holy night

Son of God, oh, love’s pure light

Radiant beams from Thy holy face

With the dawn of redeeming grace

Jesus, Lord at Thy birth

Jesus, Lord at Thy birth

Ang Pasko ang panahon upang tumingin at tumitig, magmasid at kumilala; manatili at humanga sa kagandahang-loob ng Panginoon. Paano gagawin ito sa gitna ng pressure ng pamimili at paghahanda? Kaya kailangan din nating humulagpos upang makatagpo ang Sanggol na siyang tampok sa ating pamaskong awit – si Hesus, Anak ng Diyos, at Panginoon ng kasaysayan. Sa pagka-abala sa maraming bagay ngayong Pasko, magnakaw kaya tayo ng panahong magdasal sandali, magbasa ng Bibliya, magsimba, o dumalaw sa adoration chapel nang mag-isa at tahimik sa harap ng Diyos na dumarating sa ating buhay. Birheng Maria, ibigay mo sa amin ang kanyang pagmamahal! San Jose, ibahagi mo sa amin ang iyong kagalakan! Jesus, Panginoon naming at Diyos, punuin mo kami ng iyong nag-uumapaw na mga biyaya!

Mapayapa at Mapagpalang Kapaskuhan sa lahat!

thanks Sis Josie!

SILENT NIGHT (TAGALOG VERSION, not literal translation)

Natanaw na sa Silangan

Ang Talang Patnubay

Nang gabing katahimikang

Ang Sanggol sa lupa’y isilang

Ng Birheng matimtiman,

Sa hamak na sabsaban.

H-m-m-m-!  H-m-m-m-!

H-m-m-m-!  H-m-m-m-!

Tulog na, Oh sanggol na hirang,

Hilig na sa sutlang kandungan

Ng Birheng mamtimtiman,

Ikaw ay aawitan.

–>