HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)
ANG BANAL NA MISA
PAMBUNGAD NA AWIT
Pari: Sa ngalan ng Ama, at ng anak, at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
P. Sumainyo ang Panginoon.
B. At sumainyo rin.
P. Mga kapatid, aminin nating ang ating mga kasalanan upang tayo’y maging marapat sa pagdiriwang ng banal na paghahaing ito.
Sinugong Tagapagpagaling sa mga nagsisisi,
Panginoon, kaawaan mo kami.
B. Panginoon, kaawaan mo kami.
P. Dumating na Tagapag-anyayang mga makasalana’y magsisi,
Kristo, kaawaan mo kami.
B. Kristo, kaawaan mo kami.
P. Nakaluklok ka sa kanan ng Diyos Ama para ipamagitan kami
Panginoon, kaawaan mo kami.
B. Panginoon, kaawaan mo kami.
P. Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,
Patawarin tayo sa ating mga kasalanan,
At patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.
B. Amen.
GLORIA/ LUWALHATI (Linggo at mga pista)
Papuri sa Diyos sa kaitaasan
At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya
Pinupuri ka namin
Dinarangal ka namin
Sinasamba ka namin
Ipinagbubunyi ka namin dahil sa dakila mong angking kapurihan
Panginoong Diyos Hari ng langit
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat
Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan
maawa ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan
Tanggapin mo ang aming kahilingan
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama
maawa ka sa amin
Sapagkat Ikaw lamang ang banal
Ikaw lamang ang Panginoon
Ikaw lamang, O Hesukristo, ang Kataas-taasan
Kasama ng Espiritu Santo
Sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen.
PANALANGING PAMBUNGAD
P. Manalangin tayo. (mula sa Aklat ng Pagmimisa)
Ama naming makapangyarihan… sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Amen.
PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS
UNANG PAGBASA (mula sa Aklat ng mga Pagbasa)
Pagbasa mula sa…
Ang Salita ng Diyos.
B. Salamat sa Diyos.
SALMONG TUGUNAN (batay sa Aklat ng mga Pagbasa)
N. Ang ating pong itutugon: …. (batay sa Aklat ng mga Pagbasa)
B. (tutugon)
N. …
IKALAWANG PAGBASA (kung Linggo at mga kapistahan)
Pagbasa mula sa…
Ang Salita ng Diyos.
B. Salamat sa Diyos
ALELUYA
MABUTING BALITA
P. Sumainyo ang Panginoon.
B. At sumainyo rin.
P. + Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San …
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
B. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo
PANGARAL
Credo
Sumasampalataya ako sa Diyos
Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa.
Sumasampalataya ako kay
Hesukristo, iisang Anak ng Diyos,
Panginoon nating lahat.
Nagkatawang-tao siya
lalang ng Espiritu Santo, ipina-
nganak ni Santa Mariang Birhen.
Pinagpakasakit ni Poncio Pilato,
ipinako sa krus, namatay, inilibing.
Nanaog sa kinaroroonan ng mga
yumao. Nang may ikatlong araw
nabuhay na mag-uli. Umakyat sa
langit. Naluluklok sa kanan ng
Diyos Amang makapangyarihan
sa lahat. Doon magmumulang
paririto at huhukom sa nangabu-
buhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman
ako sa Diyos Espiritu Santo, sa
banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal, sa
kapatawaran ng mga kasalanan,
sa pagkabuhay na muli ng na-
ngamatay na tao at sa buhay na
walang hanggan. Amen!
PANALANGING PANGKALAHATAN
(maaaring gumawa ng sariling mga kahilingang
angkop sa okasyon ng MIsa)
Pari: Mga kapatid,
halina’t manalangin nang buong pananalig
sa Diyos Amang makapangyarihan.
Sa bawat kahilingan ang ating itutugon,
“Panginoon, dinggin Mo kami.”
Bayan: Panginoon, dinggin mo kami.
Namumuno:
Para sa mga namumuno sa ating Simbahan
upang sila ay maging tunay na lingkod at huwaran.
Manalangin tayo sa Panginoon.
B. Panginoon, dinggin mo kami.
N. Para sa mga namumuno sa ating pamahalaan at bayan
Upang laging isaalang-alang ang kapakanan ng tanan,
Higit sa lahat ng mga dukha at nahihirapan.
Manalangin tayo sa Panginoon.
B. Panginoon, dinggin mo kami.
N. Para sa mga maysakit, may suliranin, at may
Iba’t-ibang pangangailangan sa buhay
Na tapat na umaasa sa Diyos.
Manalangin tayo sa Panginoon.
B. Panginoon, dinggin mo kami.
N. Para sa mga yumao nating kapatid
At sa lahat ng mga kaluluwa sa Purgatoryo.
Manalangin tayo sa Panginoon.
B. Panginoon, dinggin mo kami.
N. Tahimik nating idalangin ang ating
Mga pansariling kahilingan para sa sarili at
Sa mga mahal sa buhay.
(sandaling katahimikan)
Manalangin tayo sa Panginoon.
B. Panginoon, dinggin mo kami.
P. Ama naming mapagkalinga,
dinggin mo po ang pagsusumamo
ng iyong bayan at lingapin kami ng
Iyong pag-ibig at kapayapaan
sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristong
Anak mo, kasama mo at ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
B. Amen.
AWIT SA PAG-AALAY
PAGDIRIWANG NG HULING HAPUNAN
(tahimik na paghahaluin ng pari ang alak at tubig)
P. Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.
Sa iyong kagandahang-loob,
narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa ang tinapay na ito
para maging pagkaing nagbibigay-buhay.
B. Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailan man!
P. Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.
Sa iyong kagandahang-loob,
narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas at bunga ng aming paggawa ang alak na ito para maging inuming nagbibigay ng iyong Espiritu.
B. Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailan man!
Pagkatapos, yuyuko ang pari habang dinarasal niya nang pabulong:
Diyos Amang Lumikha
nakikiusap kaming mga makasalanan.
Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
Pagkatapos ang pari’y pupunta sa gilid ng dambana, maghuhugas siya ng mga kamay samantalang pabulong niyang dinarasal:
Diyos kong minamahal,
kasalanan ko’y hugasan
at linisin mong lubusan
ang nagawa kong pagsuway.
P. Manalangin kayo, mga kapatid,
upang ang paghahain natin ay kalugdan
ng Diyos Amang makapangyarihan.
B. Tanggapin nawa ng Panginoon
itong paghahain sa iyong mga kamay
sa kapurihan niya at karangalan
sa ating kapakinabangan
at sa buong Sambayanan niyang banal.
PANALANGIN SA MGA ALAY (batay sa Aklat sa Pagmimisa)
P. Ama naming… magpasawalang hanggan.
B. Amen.
PAGBUBUNYI O PREPASYO
(batay sa Aklat sa Pagmimisa – angkop sa okasyon)
P. Sumainyo ang Panginoon
B. At sumainyo rin.
P. Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.
B. Itinaas na naming sa Panginoon.
P. Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.
B. Marapat na siya ay pasalamatan.
P. Ama naming makapangyarihan…
Kaya kaisa ng mga anghel
na nagsisiawit ng papuri sa iyo
nang walang humpay sa kalangitan,
kami’y nagbubunyi sa iyong kadakilaan:
B. Santo… (aawitin or bibigkasin)
Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos na makapangyarihan
Napupuno ang langit at lupa ng kaluwalhatian mo
Osana sa kaitaasan
Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon
Osana sa kaitaasan
PANALANGING EUKARISTIKO II
P. Ama naming banal,
Ikaw ang bukal ng tanang kabanalan.
Kaya’t sa pamamagitan ng iyong Espiritu
gawin mong banal ang mga kaloob na ito
Upang para sa ami’y maging Katawan at Dugo +
ng aming Panginoong Hesukristo.
Bago niya pinagtiisang kusang loob
na maging handog,
Hinawakan niya ang tinapay,
pinasalamatan ka niya,
pinaghati – hati niya iyon,
iniabot sa kanyang mga alagad
at sinabi:
TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:
ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,
hinawakan niya ang kalis,
muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad
at sinabi:
TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:
ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.
GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALAALA SA AKIN.
Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.
B. Si Kristo’y namatay!
Si Kristo’y nabuhay!
Si Kristo’y babalik sa wakes ng panahon.
P. Ama,
ginagawa namin ngayon ang pag – alala
sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Anak
kaya’t iniaalay naming sa iyo
ang tinapay na nagbibigay-buhay
at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan.
Kami’y nagpapasalamat
dahil kami’y iyong minarapat
na tumayo sa harap mo
para maglingkod sa iyo.
Isinasamo naming kaming magsasalu-salo
sa Katawan at Dugo ni Kristo
ay mabuklod sa pagkakaisa
sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ama,
lingapin mo ang iyong Simbahang
laganap sa buong daigdig.
Puspusin mo kami sa pag-ibig
kaisa ni N.,na aming Papa,
at ni N., na aming Obispo
at ng tanang kaparian.
Alalahanin mo si N., na tinawag mo
mula sa daigdig na ito.
Noong siya’y binyagan,
siya’y nakaisa ni Kristo sa pagkamatay.
Ngayong siya’y pumanaw,
nawa’y makaisa siya ni Kristo sa pagkabuhay.
Alalahanin mo rin
ang mga kapatid naming nahimlay
nang may pag-asang sila’y muling mabubuhay
gayun din ang lahat ng mga pumanaw.
Kaawaan mo sila
ay patuluyin sa iyong kaliwanagan.
Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat
na makasalo sa iyong buhay na walang wakas.
Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos,
kaisa ng mga apostol at ng lahat ng mga banal.
Na namuhay dito sa daigdig
nang kalugud-lugod sa iyo,
maipagdiwang nawa naming
ang pagpupuri sa ikararangal mo,
s pamamagitan ng iyong Anak
na aming Panginoong Hesukristo.
Sa pamamagitan ni Kristo,
kasama niya, at sa kanya
ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo,
Diyos Amang makapangyarihan,
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Amen.
ANG PAKIKINABANG
Ipahahayag ng pari nang magkadaop ang mga kamay:
P. Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos
At turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos
Ipahayag natin nang lakas-loob:
Ama namin, sumasalangit ka.
Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin sa araw – araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.
Hinihiling naming
kami’y iadya sa lahat ng masama,
pagkalooban ng kapayapaan araw – araw,
iligtas sa kasalanan
at ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.
B. Sapagka’t iyo ang kaharian
at ang kapangyarihan at ang kapurihan
magpakailan man! Amen.
P. Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming mga pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban.
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang – hanggan.
B. Amen.
P. Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.
B. At Sumainyo rin.
P. Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.
Hahati-hatiin ng pari ang ostiya at isasawak niya ang kaputol sa kalis habang pabulong niyang dinarasal:
Sa pagsasawak na ito
ng katawan sa Dugo
ng aming Panginoong Hesukristo
tanggapin nawa naming sa pakikinabang
ang buhay na walang hanggan.
Samantalang ginaganap ang paghahati sa ostiya, aawitin o darasalin ang paghulog na ito:
Kordero ng Diyos,
na nag – aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos,
na nag – aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos,
na nag – aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.
Magdaraop ang mga kamay ng pari sa pabulong ng pagdarasal:
Ang pakikinabang sa Katawan at Dugo mo,
Panginoong Hesukristo,
ay huwag nawang magdulot
ng paghuhukom at parusa sa kasalanan ko.
Alang – alang sa iyong dakilang pag-ibig
nawa’y aking matanggap
ang pagkupkop mo sa akin at kaloob
mong lunas.
Ito ang Kordero ng Diyos,
Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan
sa kanyang piging.
Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:
Panginoon, hindi ako karapat-dapat
na magpatuloy sa iyo
nguni’t sa isang salita mo lamang
ay gagaling na ako
Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang pabulong na nagdarasal:
Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo
para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo.
Pagkatapos, hahawakan ng pari ang kalis at pabulong na magdarasal:
Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo
para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo.
AWIT SA PAKIKINABANG
Sa bawat nakikinabang sasabihin ng pari:
Katawan ni Kristo.
Ang nakikinabang ay tutugon:
Amen
PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
P. Manalangin tayo. (batay sa Aklat ng Pagmimisa)
Ama naming… magpasawalang hanggan.
B. Amen.
PAGBABASBAS
P. Sumainyo ang Panginoon
B. At sumainyo rin.
P. Pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos
(+) Ama, Anak at Espiritu Santo
B. Amen.
P. Tapos na ang Misa. Humayo kayo sa kapayapaan.
B. Salamat sa Diyos.
PANGWAKAS NA AWIT
–>