IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, K
KAAKIT-AKIT NA KABABAANG-LOOB
Kay daming mga katangian sa ating ugnayan sa Panginoon. Dahil sa kanyang pagbibigay, nagiging mapagpasalamat tayo. Sa kanyang pagpapatawad sa paulit-ulit nating mga kasalanan at pagkakamali, natututo tayong maging mapagmatyag at maingat sa kilos at gawa. Sa tuwing diringgin ang ating mga panalangin, lalo naman tayong sumasalalay sa kanyang kapangyarihan at awa.
Sa mabuting balita tinuturuan tayo ng isang tanging katangian at saloobin na kailangan nating angkinin sa ating ugnayan sa Panginoon. May katangi-tanging pasahero sa bangka si Pedro noon. Halos magiging isang simpleng paglalayag na lang sana ang biyahe niya dahil wala namang mahuling isda. Matumal ang negosyo, eka nga. Subalit nang ipakita ng Panginoong Hesus ang kanyang kapangyarihan sa tubig at sa mga nilalang dito, hindi makaya ni Pedro at mga kasama na hanguin sa dagat ang kanilang napakaraming nahuling isda.
Hindi sumigaw si Pedro: Ang galing mo, Lord! Hindi din siya napabulalas ng: Salamat, Lord! Hindi siya nagsabi: Patawarin mo po ako, Panginoon! Ang tanging namutawi sa kanyang mga labi ay ang laman ng puso: “Lumayo ka sa akin Panginoon, makasalanan po ako.” Ipinahayag niya ang kanyang kababaang-loob sa harapan ng Diyos na dati kilala lamang niya sa pananampalataya at ngayon, ay nakasakay sa kanyang bangka.
Gusto ko talaga ang paglalarawan ni San Lukas nang sabihin niyang napaluhod si Pedro sa harap ni Hesus. Nakaupo noon si Hesus sa bangka, at si Pedro ay bumagsak sa harapan niya. Isipin na lang kung paano ang matipuno at malakas na taong ito ay nakaluhod na kinilala na may mas magaling kaysa sa kanyang sarili. Sa kanyang pagkaunawa ng himala, napuno si Pedro ng kababaang-loob at nasambit niya ang distansyang naglalayo sa kanya at sa Diyos – “lumayo po kayo sa akin!”
Hindi mapapalampas ni Hesus ang pusong mapagkumbaba. Lagi siyang naghahanap ng taong may mababang-puso. Ito rin kasi ang katangian niya sa harap ng kanyang Ama, at katangian na ipinamalas niya sa lahat ng nakasalamuha niya. Hindi niya pinansin ang hiling ni Pedro na lisanin siya kundi sa halip, lalo niyang hinila papalapit si Pedro. Tila sinabi ng Panginoon kay Pedro: “Napansin mo palang malayo ang distansya ng kapangyarihan ko at ng kahinaan mo? Ngayon naman ipinapahayag ko sa iyo ang pagkakalapit nating dalawa. Halika at gagawin kitang alagad ko.” Tunay na naaakit ang Diyos sa taong mababang-loob at hindi hambog!
Turuan nawa tayo ni San Pedro sa kaniyang halimbawa. Ang tunay na kababaang-loob ay wala sa panlabas na anyo o magandang pananalita. Ang kababaang-loob ay katangian ng puso. Sabi ni San Francisco de Sales: “Ang maipapayo ko sa iyo ay maghinay-hinay lang sa pagpapahayag ng kababaang-loob, at tiyakin na ang iyong tunay na malalim na saloobin ay naaayon sa sinasabi mo sa panlabas.” Ang galing ng pagkakasabi! Panginoon, pagkalooban mo po ako ng pusong kumikilala sa iyong kapangyarihan at lakas.
–>