Home » Blog » UNANG LINGGO NG KUWARESMA K

UNANG LINGGO NG KUWARESMA K

BAKIT PA KAILANGAN ANG PAG-AALAY?

Maraming hindi nakakaunawa kung bakit dapat mag-alay sa Panginoon. Kamakailan lang, nilibak ng isang pinuno ng bansa ang gawing pag-aalay sa simbahan at nagkalat pa ng alingasngas na baka ninanakaw lang ng mga pari ang mga alay. Tulad ng dati, nanahimik lang ang mga Katoliko natin habang walang galang na niyuyurakan ang kanilang pananampalataya. O baka kasi sila mismo ay hindi nakakaunawa kung bakit dapat mag-alay sa Diyos at sa pamayanan ng yaman, galing at panahon.

Sa ating pagsisimula ng Kuwaresma, nililinaw ng unang pagbasa mula sa Deuteronomio na ang alay, bagamat sariling kusa at galing sa puso dapat, ay isang bagay na inaasahan ng Panginoon sa ating kaugnayan sa kanya. Kapag tayo ay nag-alay, hindi ang Diyos ang nabibiyayaan. Ang tunay na gana ay sa atin, dahil naaalala natin kung sino tayo at kung ano ang ginagawa ng Panginoon para sa atin araw-araw.

Tuwing mag-aalay ka, kahit na pinakasimpleng handog, naaalala mo na ikaw ay mahalagang nilalang, paboritong anak, na inililigtas at iniingatan mula sa maraming mga pagsubok at paghihirap na dumarating sa ating buhay. Dahil ang Diyos ay mabuting loob sa atin, dapat lang tayong maging bukas-palad sa pagkilalala at pasasalamat. Tanungin mo nga ang sarili mo, kung kailan ka totoong pinabayaan ng Diyos?

Sa mabuting balita, ang paksa naman ay tukso. Tinukso si Hesus. Nakikipagbuno tayo araw-araw sa mga tuksong naglalayong dalhin tayo sa kasalanan at nang masira ang ating ugnayan sa Panginoon, sa kapwa-tao at maging sa ating sarili! Ang halimbawa ng Panginoon ay malinaw. Nilabanan niya bawat tukso sa simula nito. Hindi niya hinayaan pumasok ang mga ito sa puso at isip niya.

Sabi ni San Ignacio iyon ang tama. Kapag dumarating ang mga tukso, pigilin agad upang makita mo kung ano talaga ang anyo ng kaaway ng ating kaluluwa – isang mahinang manunukso na nagiging malakas lamang kapag hinahayaan natin siya.

Bakit hindi natin labanan ang mga tukso sa pamamagitan ng pag-aalay sa Diyos araw-araw? Paggising pa lang, ialay ang maghapon sa Panginoon. Sa buong araw, manatiling malapit sa kanya sa maiikling mga dasal at mga pagpapahayag ng tiwala. Sa mga panahon ng tukso, tumakbo sa paanan ng krus at ialay ang iyong hangarin na huwag kailanman mawalay sa kanyang pag-ibig. O Panginoon ko, pagkalooban mo po ako ng biyayang malupig ang mga tukso ng aking buhay sa tulong ng pag-aalay at sakripisyo ko para sa iyo!

–>