ANO ANG TUNAY NA MAHALAGA?
BAWAT ARAW KASAMA SI SAN FRANCISCO DE SALES 13
Naaalala mo pa ba noong bata ka, kukuha ka ng karton o kaya ng buhangin o lupa at gagawin itong mansion?
Kapag mayroong natisod dito o kaya ay sumira nito, durog din ang puso mo?
Subalit ngayon, tila mas nauunawaan na natin na ang dating nakadudurog ng puso natin bilang mga bata ay hindi naman pala ganoon kahalaga.
Hindi naman pala gumuho ang buhay kapag gumuho ang mga mansyong karton, buhangin o lupa.
Pero bakit eto na naman tayo at aligaga sa mga mansyon ng buhay natin bilang mga may edad na?
Guguho din ang mga iyan at hindi naman mahalaga kapag tiningnan natin sa salamin ng walang hanggan… ng forever.
Pero unti-unti ang ganitong pang-unawa nararating.
Ginugugol natin ang mga araw na ikot nang ikot, hayok sa libong mga bagay, akala natin ay lubha silang mahalaga sa ating kaligayahan.
Paano kung huminto ka muna at isipin mo ang tunay na walang hanggan… ang tunay na forever sa mata ng Diyos.
Makikita mo din kung gaano kawalang halaga ang maraming pinagkakaabalahan mo at umuukilkil sa isip mo at nagpapasikip ng puso mo ngayon.
Napakaliit na bagay ang mga ito kumpara sa inihahandog ng Diyos sa iyo.
Ngayong araw na ito:
Isipin: ano ba talaga ang mas mahalaga sa buhay mo?
Kung nakatulong ang post na ito, paki share sa mga kaibigan.