Home » Blog » IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

PAALAM… PAGBATI!

Nakaratay siya sa kama ng ospital sa ICU… medyo ngiwi ang mukha dahil sa tubo sa bibig pero nakilala ko pa rin siya.

Lumapit ako para marinig niyang maigi. Sabi ng nars, aktibo daw ang pandinig niya kahit bagsak na ang iba niyang senses.

Nagpakilala ako at sinabing narito na ang kanyang kaibigan dumadalaw. 
Nagulat ako sa aking nasaksihan at nabatid kong totoo ngang kilala niya ang aking boses.

Pinilit niyang itaas ang kanyang katawan na parang gusto akong salubungin at yakapin. Nagsimula akong i-pray over siya. 
 Sa gitna ng panalangin, isang munting luha ang pumatak sa kanang mata niya.

Makalipas ang isang linggo, ang kaibigan kong si Eileen ay bumalik na sa pinagmulan niya… sa puso ng Diyos, payapa at masaya sa presensya ng Panginoon na kanyang minahal at pinaglingkuran sa kanyang pamilya, simbahan at pamayanan.

Bihira ang taon na walang namamatay sa ating mga kakilala, kamag-anak at kaibigan. At napakahirap mamaalam pag ganun. 
Nang makita ko ang luha ni Eileen, alam kong tila piniga din ang aking puso sa hinagpis. Ito na kasi ang huling pagtatagpo, pag-uusap, pagkikita.

Sa panahong ito ng taon, inaalala natin ang mga yumaong minamahal. Sa simula ng Nobyembre ang pagdalaw sa sementeryo at sa buong buwan naman ang panalangin para sa kanilang mga kaluluwa.

Sa ebanghelyo (Lk 20: 34-38) isinasalarawan kung ano ang mangyayari sa ibayo ng mundong ito. Binubuksan sa atin ng Panginoong Hesus, Diyos ng Buhay at Buhay na Walang Hanggan, ang pananaw ng isang kinabukasan na kapiling siya sa langit.

Sabi ng Panginoon sa langit wala nang kasal, walang bisa ang kasal. Alam naman natin ito sa mismong pangako sa kasal: “hanggang sa dulo ng aking buhay.” 
Pag narating na ang dulo, pag namatay na, tapos na ang kasal. Kaya nga pwede nang magpaligaw si babae, at pwede na manuyo ng iba si lalaki.

Ang mga kaluluwa ay hindi na kailangan ang kasal kasi ang kasal ay sakramento sa lupa na isang tanda ng pag-ibig ng Diyos. 
Sa langit, ang pag-ibig ay hindi na sagisag o tanda kundi sobrang tunay, sobrang makapangyarihan, sobrang diretso at sobrang kahanga-hanga, na wala nang iba pang pagtutuunan ng pansin ang kaluluwa maliban sa Panginoon. 
Hindi ko po alam kung sa langit ang tawag ng Diyos sa mga tao ay Mr and Mrs ganito o ganire.

Sa langit ang mga kaluluwa ay hindi kilala bilang mag-asawa, kundi bilang mga anak sa harap ng trono ng kanilang Ama; ayon din yan sa ebanghelyo ngayon.

Tapos, sabi ni Hesus na sa langit mabubuhay tayo tulad ng mga anghel. 
Ano ba ang gawain ng isang anghel doon? 
Sa Aklat ng Pahayag makikita ang mga anghel na nakapalibot sa trono ng Diyos, umaawit, sumasamba, lumuluwalhati sa kanya na walang humpay. Kung ganyan ang buhay mo, naku busy at makabuluhan talaga. Ito kasi ang dahilan bakit tayo nilikha, ang tanggapin at ibalik ang pag-ibig na ibinibigay sa atin ng Diyos.

Sa wakas, ang pahayag ng Panginoon na ang mga kaluluwa sa langit ay mabubuhay muli. Di ba yan ang kasama sa dasal natin: “sumasampalataya ako sa pagkabuhay ng mga namatay”? Sa wakas ng panahon, kung matupad na ang plano ng Diyos (paano at kailan, siya lang ang nakakaalam) babalik si Hesus upang pangasiwaan ang pagkabuhay ng mga namatay na tapat sa kanya.

Sabi sa Bible si Hesus ang unang bunga ng Pagkabuhay kasi tayo balang araw ang susunod naman sa kanyang karanasan. Hindi iyan pangarap, hiling o pag-asa lang. Iyan ay pangako ng Panginoon.

Lahat ito ay magaganap sa mga kaluluwang nasa langit na. At dito sa lupa sinisimulan ang paghahanda para sa langit na darating.

Masasabi kong nagtagumpay si Eileen sa hamon ng isang broken marriage, sa pagpapalaki ng mga anak na mag-isa, sa paglilingkod sa parokya at pamayanan na may katapatang bunga ng matibay na pananampalataya. naaalala kong lagi siyang nakangiti, positibo at kaaya-aya. Sa dulo ng buhay niya, batbat ng karamdaman, patuloy pa rin ang kanyang tiwala at pag-asa sa Diyos lamang.

At habang nasabi kong “paalam” sa kanya, dapat ko din namang isunod ay “congratulations, pagbati” dahil narating na niya ang kanyang inaasam – buhay sa piling ni Hesus kailanman.

Sa buwang ito, sa ating “me”-time, prayer time, tahimik time, kahit paano nawa ay pag-isipan at pagnilayan natin kung paano tayo nabubuhay ngayon, paano natin nais wakasan ito at paano natin pinaghahandaan ang pagdiriwang ng saya sa langit kasama ng Panginoon… balang araw!

(paki-share sa isang kaibigan…)

–>