Home » Blog » PAGBIBINYAG SA PANGINOON A

PAGBIBINYAG SA PANGINOON A

BINYAG NI BIEBER

Bihira ko makita sa tv is Justin Bieber na nagpapatawa.

Kaya minsan, sa isang comedy show, pinanood ko siya, at medyo magaling pala naman siya sa humor.

Sa dulo ng kanyang mga jokes sinabi niyang may seryoso siyang mensahe at ito ang sinabi niya: Salamat Panginoon dahil sa iyong biyaya at dahil sa hindi mo ako pinababayaan.

Nabasa ko minsan na isa nang masugid na Kristiyano si Justin pero ngayon ko lang na-witness ito!

Ngayon ang pagdiriwang ng Pagbibinyag sa Panginoong Hesukristo sa Ilog ng Jordan.

Isa itong misteryong patuloy na ibinabahagi sa atin habang tayo rin ay nakakaranas ng bagong buhay sa tubig ng sakramento.

Maraming Katoliko ang binyagan bilang mga sanggol o bata, sa kanilang mga parokya. (Si Justin nga pala ay bininyagan ng kanyang pastor sa isang higanteng bath tub).

Ang kahulugan ng seremonyang ito ay nawawala sa atin habang lumalaki tayo, lalo na at naghahagilap ng anumang gusto natin at anumang direksyong nais tahakin.

Ang sinabi ni Justin Bieber ay nagpa-alala sa akin ng kahulugan ng binyag.

At ito ay ang pagiging karugtong natin sa buhay ni Kristo; na mahal niya tayo; na inaalagaan niya tayo; na binabago niya tayo kung papayagan natin siya; na siya ang galak ng ating buhay.

Mahalagang mabatid natin ang katotohanang ito – at maibahagi natin ito sa iba!

Naging matibay na tradisyon natin ang binyag sa simbahan pero nawawala naman ang kahulugan nito sa mga binibinyagan, hanggang dumating ang panahon ng krisis sa buhay.

Pagdating ng mga pagsubok, doon natin nalalasap ang pananampalataya at ibinabahagi ito sa iba.

Bilang mga Katoliko hindi tayo sanay na magsalita ukol sa pananampalataya tulad ng ibang mga Kristiyano.

At tiyak hindi naman kailangang gayahin natin sila, o si Justin!

Isinasabuhay natin at ibinabahagi ang pananampalataya sa maraming paraan – lalo na sa paraang makapagpapadama sa kapwa ng pagmamahal, kabutihan at pagpapatawad ng Diyos.

Ang ibang tao ay sadyang masalita tungkol sa kanilang ugnayan sa Panginoon.

Ang iba naman ay tahimik lang na namumuhay nang banayad, mababang-loob at simple.

Ang iba ay nagpapakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng paglilingkod sa simbahan o sa mga mahihirap.

Isang kaibigang pari ang nagkuwento sa akin ng karanasan ng kanyang parishioner na nagbagong lubos matapos ang isang malaking krisis na personal at pampamilya.

Noong una, ang tao daw ay walang pakialam sa buhay, at laging nakikipaglaro sa mga masasamang bisyo.

Dumating ang punto na nais na niyang magbago, kaya bumalik siya sa pananampalataya niya at nagsimulang magdasal at mag-alay ng serbisyo sa kanyang parokya.

Nagulat ang lahat na ang isang pusakal na makasalanan ay tinanggap ng parokya para maglingkod. Subalit nagbago na ang buhay ng tao. Siya at ang kanyang pamilya at payapa at masigla na sa ugnayan nila sa Diyos at sa isa-t-isa.

Dahil nabinyagan,  laging may pag-asa sa buhay ng isang tao upang magbago… balang araw… tulad ni Justin Bieber, at tulad natin…

Bakit hindi natin pasalamatan ngayon ang Panginoon sa kanyang dakilang pagmamahal, na nag-anyaya sa atin na makibahagi sa Binyag ni Hesus?

Tapos, isipin natin kung ano ba ang mga hamon ng Diyos sa atin sa ngayon.

Paano ba tayo tinatawag na isabuhay ang pananampalataya sa gitna ng mga pagsubok natin sa buhay?

Sa anong paraan ba natin maibabahagi ang pananampalataya sa mga taong nakapaligid sa atin?

—–

 PLS HELP BOOST THIS BLOG’S PERFORMANCE BY BEING A “FOLLOWER”  IN 3 SIMPLE STEPS:

 first, go to my blog: ourparishpriest.blogspot.com (you are here now);

 second, click the bar at the top of main page; 

 third, then when the “followers” appear on the side, click there too. 



hope you’ll have time for this short thing today. thanks po. God bless po!