Home » Blog » PEACE OF MIND BA ANG NAIS MO? PAGNILAYAN PO ITO!

PEACE OF MIND BA ANG NAIS MO? PAGNILAYAN PO ITO!

Manatiling Payapa mga panalangin ni SAN FRANCISCO DE SALES 
(kapistahan, Enero 24; isa sa mga Paborito kong Santo)

 

Huwag mong haraping may takot ang mga pagbabago sa buhay;
sa halip, tingnan mong may buong pag-asa ang mga ito kung dumating man;
Ang Diyos na nagmamay-ari sa iyo, ang aakay sa iyo na ligtas sa gitna ng lahat ng bagay;
At kung hindi mo na kaya, kakargahin ka ng Diyos sa kanyang mga bisig.
Huwag matakot sa magaganap bukas;
siya ring maunawaing Ama na nangangalaga sa iyo ngayon ang mag-aalaga sa iyo bukas at araw-araw.
Maaaring ilayo ka niya sa mga paghihirap o kaya naman bigyan ka ng lakas na harapin ang mga ito.
Manatiling payapa, at ilayo mo sa sarili ang mga maligalig na alalahanin at mga hinagap.

 

SA MAHAL NA BIRHENG MARIA
O Mahal na Birhen, minamahal kong ina, nagpupugay ako sa iyo, at iginagalang ka ng buo kong puso.
Ina ng awa, ipanalangin mo ako.
Reyna ng Langit, sa iyo inihahabilin ko ang aking kaluluwa.
O magiliw na Ina, kamtin mo nawang mahalin ako ng iyong Anak.
Pag-asang matimyas na kasama ni Hesus, matamis na takbuhan ng mga makasalanan, naninikluhod ako sa iyong paanan.
Gawin mo nawang maranasan ko ang mga bunga ng kapangyarihang taglay mo mula sa Diyos na Iisa sa Tatlong Persona, O Mahal na Birheng Maria.
Amen.
PARA SA NATATANGING PANGANGAILANGAN 
(SA MAHAL NA BIRHEN)
Huwag mong sabihin, mahabaging Birhen, na hindi mo ako kayang tulungan;
Dahil ibinigay sa iyo ng iyong minamahal na Anak ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa.
Huwag mong sabihin na hindi mo ako kailangang tulungan;
Dahil ikaw ang Ina ng mga abang anak ni Adan, lalo na ako.
Yayamang ikaw, mahabaging Birhen, ang aking Ina at ang lubhang makapangyarihan, ano ang dahilang hindi mo ako mabibigyan ng tuwang?
Masdan mo, aking Ina, masdan, dapat lamang na ako’y pagbigyan sa kahilingan, at magpaunlak sa aking pagsusumamo.