Home » Blog » PARING PINOY NILIBOT ANG BUONG PAROKYA UPANG BASBASAN LABAN SA COVID19

PARING PINOY NILIBOT ANG BUONG PAROKYA UPANG BASBASAN LABAN SA COVID19

Madalas ikalat sa social media, lalo na sa Youtube ang mga kuwento ng mga pari sa Italy o sa USA na lumabas ng simbahan dala ang Blessed Sacrament upang bendisyunan ang mga tahanan sa parokya nila.

Dito sa Pilipinas, ang madalas namang nakikita ng mga tao ay ang creative na livestreaming Mass ng mga pari na nagmimisa sa kani-kanilang mga simbahan na walang kasamang mga parishioners, maliban sa iilang naglilingkod bilang sacristan at lectors.

Lingid sa kaalaman ng marami, nauna pa sa mga napabalitang kaganapan ng mga paring banyaga sa pagbebendisyon ng mga parokya nila, may isang paring Pilipino na ginawa ito nang tahimik at walang masyadong anunsyo sa social media, maliban sa kanilang parish FB. Subalit ang kanyang ginawa ay kakaiba at kahanga-hanga.

Hindi pa naia-announce ang enhanced community quarantine sa buong Luzon, noong ikatlong Linggo ng Kuwaresma, noong Marso 15, 2020, nai-plano na ni Fr Reynold Oliveros kasama ang mga lingkod simbahan at ang mga barangay captains ng kanilang mga barangay na nasasakupan, na magsagawa ng isang malawakang motorcade.

Wala nang Misa noon sa diocese ng Cabanatuan kaya nagpasya si Fr Reynold na siya na ang magdadala sa mga tao sa Panginoong Hesukristo. Alam niya na sobrang sipag magsimba ng mga parishioners ng Our Lady of the Rosary sa Calaba, San Isidro, Nueva Ecija. Nang ipahayag nang araw ng Sabado na walang Misa nang Linggo, agad naisipan ni Fr Reynold na mami-miss ng mga tao ang kanilang lingguhang pagtitipon sa parokya.

Bunga ng panalangin, naisipan niyang ilabas sa pamamagitan ng motorcade ang Banal na Sakramento, at ang mga patron ng bawat barangay na bumubuo sa parokya – Our Lady of the Rosary, Santo Cristo at San Roque. Buo ang suporta ng mga barangay captains, at mga parish workers sa planong ito. 

Lumabas ang motorcade ika-8 ng umaga at nakabalik sa simbahan matapos ang 3 oras. Sa bawat dinadaanan, binabasbasan ng pari ang mga tao. Tuwang-tuwa ang mga tao na nakaabang sa mga trangkahan ng kanilang mga bahay. Ang iba ay tumitigil sa kalsada upang mag-krus at magdasal. Ang iba ay umiiyak sa tuwa. May ilang mga bata na sumigaw: Hindi ba si Jesus iyon?

Hindi makakalimutan ng mga parishioners ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish ang karanasang ito. Dahil dito, anila, walang anumang kaso ng COVID19 sa kanilang buong parokya.

Nang maipatupad ang enhanced community quarantine at hindi na makalabas ang mga tao sa tahanan, naisip ng lahat kung gaano kahalaga ang maagap at mabilis na pagsasagawa ng motorcade of blessings na pinangunahan ng kanilang parish priest.

(i-share nating bilang inspirasyon sa panahong ito)