Parokya ng Facebook at ang Katedral ng Youtube
Simbahang Buhay sa Gitna ng Malagim na Covid19
Ano nga ba ang ginagawa ng ating Simbahan sa panahon na nayanig ang buong bansa, at buong mundo sa banta ng covid19 virus?
Ang pinakamadaling sagot ay dumami ang mga Misa sa Facebook at sa Youtube. At dahil hindi tayo makasimba sa ating mga parokya o paboritong shrines o chapels, doon natutok ang atensyon ng mga tao tuwing Linggo.
Marami pa nga ang natutong magsimba araw-araw dahil walang masamang magsimba online lalo na at wala namang ibang gagawin sa panahon ng lockdown.
Nakatutuwang naging creative ang ilang mga parokya sa pamumuno ng mga kura paroko at mga lingkod, na subukan ang isang bagay na maaaring ngayon lang nila naisipang pasukin.
Kaya habang sarado ang Parish of Our Lady of Fatima, ang Parish of Saint Anthony o ang Parish of Saint Joseph, at gayundin ang Cathedral of the Sacred Heart, o ano pa mang pangalan ng mga iyan, nagbigay daan naman iyan sa Parish of St. Facebook at Cathedral of St. Youtube.
Itinuloy ng social media ang dapat sana’y natigil nang mga pagdiriwang ng pananampalataya, dasal at debosyon ng mga Katoliko. Dati rati, mas maraming presensya ng mga non-Catholics sa social media. Pero ngayon, tila nakahabol naman ang mga Katoliko.
Kapag natapos ang malungkot na yugtong ito ng ating buhay, na sa panahon pa naman natin tumapat, hindi masasabi ninuman na iniwan sila ng Diyos, na pinabayaan sila ng simbahan, na kinalimutan sila ng Panginoon. Narito siya – sa isang bagong pamamaraan!
Hindi rin masasabi ng ilang sector sa lipunan na nawalan ng saysay, humina ang impluwensya, nabura ang presensya ng simbahan dahil sa covid19. Nakahahanga ang mga frontliners pero hindi lang gamot o pagkain ang kailangan ng mga tao. Kailangan ng lahat lalo na, ang Diyos sa kanilang buhay ngayon!
Bukod dito sa mga Misa at dasal at mga pagninilay sa social media, ano pa ba ang ginawa at patuloy na ginagawa ng simbahan para sa mga tao? Tunghayan natin:
1. Pope Francis
Nanguna si Pope Francis na magsabing sumunod sa mga awtoridad ang mga tao upang makatulong sa pagsugpo ng virus.
Ipinasara niya ang mga simbahan sa Rome at ipinatigil ang mga pagtitipon ng maraming tao para sa mga sakramento upang makaiwas sa pagkalat ng virus.
Walang tigil ang kanyang mga panalangin para sa paghupa ng epidemya, para sa mga nagkasakit na, sa mga healthworkers at frontliners, sa mga pamilya ng maysakit, sa mga Katolikong hindi makalabas upang magsimba, at sa mga nasawi dahil sa virus.
Nang pinabuksan niya ang ilang simbahan sa Rome, siniguro niyang magiging malinis at ligtas ang mga lugar upang magdasal nang tahimik ang mga tao, na may pagsunod sa social distancing.
Nag-pilgrimage si Pope Francis sa mga mahahalagang shrines sa Rome upang ipagdasal ang intensyong ito. Nanguna siya sa malawakang pagdarasal ng Rosaryo para sa mga Katolko at ng Our Father kasama ang ibang mga Kristiyano ng mundo.
Patuloy na nagiging ama ng pananampalataya ang Santo Papa. Nagbigay siya ng indulhensya para sa mga apektado ng virus. Nagpalabas din ng pahayag tungkol sa maaaring gawin kung hindi makakapagkumpisal ngayong Kuwaresmang ito.
Hindi alam ng marami na ang Vatican mismo ay maraming nai-donate na tulong sa mga lugar na hirap ang situwasyon dahil sa covid19. Isang halimbawa: Mula pa January 2020, nagpapadala na ito ng tulong sa mahihirap na lugar sa China. Kaya nga, ng mag-lockdown sa Italy, ang mga Katolikong Chinese naman ang nag-donate ng face masks sa Vatican at Italy bilang pasasalamat. (https://cruxnow.com/church-in-asia/2020/03/chinese-diocese-donates-masks-to-vatican-italy-to-help-fight-covid-19/).
2. Ilang Bishops
Ang mga bishops ang unang nagpatigil ng maramihang pagtitipon ng kanilang mga simbahan bilang pagsuporta sa kampanya laban sa covid19.
Subalit madali din silang nagpalabas ng mga paalala sa mga pari kung paano matutulungan ang mga tao sa kanilang pananampalataya at mga pangangailangan. Nanawagan din sila na huwag kalimutan ang mga dukha.
Bagamat kakaiba ang Holy Week na darating, nauna nang ipinahayag ng mga bishops kung paano magiging makabuluhan ang mga pagdiriwang kahit may mga ilang pagbabago.
Si Cardinal Chito Tagle ay patuloy na nagbibigay ng mga mensaheng nagpapalakas loob sa mga tao kahit na siya ay nasa kanyang bagong tahanan sa Rome. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng social media.
Nag-offer din ang mga bishops ng accomodation sa mga medical frontliners na walang tirahan.
3. Mga Pari
Maraming pari ang nagpakita ng matinding malasakit sa panahon ng covid19. Bukod sa mga Misa online, may mga lumibot sa mga tao (laging may social distancing) upang basbasan ang mga pamayanan.
Tahimik man at walang malaking grupo, nagpunta ang mga pari sa mga maysakit o mga namatay upang patuloy na magdulot ng lubag-loob at pagmamahal ng Diyos.
May mga parokyang naging aktibo sa pamimigay ng relief goods at gamot sa tulong ng mga volunteers at sponsors.
Natural lang din naman na may mga paring nanatili lamang sa kanilang mga kumbento at hindi nagparamdam sa kanilang mga nasasakupan sa panahon na ito. Sayang naman…
tunghayan ang videong ito:
tunghayan ang videong ito:
(Fr Edgardo Coroza ng San Juan Nepomuceno Parish, Malibay, Pasay)
4. Catholic Schools
Ilang Catholic schools sa siyudad ang naging tahanan naman ng mga taong lansangan. Binuksan nila ang kanilang mga pintuan upang ampunin sumandali ang mga nasa kalye at walang proteksyon sa sakit. Mababanggit diyan ang De La Salle University, St. Benilde, at St. Scholastica’s College na ilang lamang sa mga gumawa nito, sa tulong na din ng mga SVD. (https://cbcpnews.net/cbcpnews/catholic-schools-open-homeless-shelters-amid-virus-lockdown/).
5. Sakripisyo ng mga Mongha/ Contemplative Communities
Lalong naging maigting ang mga panalangin ng mga mongha sa kani-kanilang mga monastery. Dahil panalangin ang kanilang misyon sa simbahan, lalong pinag-ibayo ng mga mongha ang kanilang panalangin kalakip ng kanilang mga sakripisyo sa Kuwaresma para sa buong bansa at buong mundo.
Hindi natin nakikita ang ginagawa ng mga kapatid nating ito, pero nadarama natin ang kanilang tapat na pakikiisa sa ating paghihirap at ang malakas na epekto ng kanilang mga panalangin para sa atin.
6. Pagdurusa ng mga Pari/ Madre na Nahawahan, Nagkasakit o Namatay sa Covid19
Nasa news sa Italy ang pagkamatay ng higit 20 pari sa isang diocese pa lamang. Ganun din ang naganap sa Amerika kung saan ang unang kleriko na namatay sa covid19 ay isang deacon ng mga Franciscans.
Hindi lamang sila nagdasal o nagsakripisyo para sa covid19, kundi naranasan nila mismo at sumuko ang kanilang katawan sa marahas na pagsalakay ng virus na ito.
May mga pari din diumano na nahawa lamang sa mga maysakit na kanilang dinalaw at binasbasan.
May dalawang kumbento ng mga madre sa Italy na maraming madre ay nagkaroon ng infection ng virus. Kabilang dito ang kumbento ng mga madreng Camillians, na karamihan ay mga nurses na nag-aalaga ng maysakit. Ito marahil ang dahilan ng kanilang pagkakahawa; frontliners talaga!
7. Caritas Manila
Nanguna ang Caritas Manila sa paglulunsad ng kampanya para sa mga mahihirap na apektado ng lockdown. Ang kampanyang ito na totoong pinagtitiwalaan ng mga tao ay nagdulot ng pamamahagi ng mga basic needs ng mga mahihirap sa gitna ng quarantine period. Kakaiba sa ibang namimigay ng tulong na noodles at sardinas lamang, ang Caritas Manila ay maalagang nagbibigay ng tulong na talagang maaasahan at walang halong pulitika o pagmamayabang sa news man o social media.
pls share to your friends… or post on your fb. thanks po. God bless!