MAUNDY THURSDAY: Virus ng Pagmamalinis

PAGBASA: Jn 13: 1-15 Ano kaya ang pakiramdam kapag hinugasan ka ng paa ng isang tao? May mga taong naluluha kapag ginawa ito sa kanila sa Misa ng Huwebes Santo. May nangangatog. May nahihiya. Siguro ganito din ang pakiramdam ni Pedro noon. Kaya tuloy, tumanggi siyang mahugasan ng paa. Kailangan tuloy ipaliwanag ng Panginoong Hesus na lahat sila ay dapat mahugasan ng paa. Lahat sila ay dapat linisin bago makibahagi sa Huling Hapunan. Bagamat hindi natin laging iniisip, pero minsan akala natin okey na tayo. Puwede na tayo. Katanggap-tanggap na tayo sa harap ng Diyos. Pero hindi pala. Kailangan na maranasan natin ang paglilinis ni Hesus, ang kanyang paglilingkod, ang kanyang pagpapakumbaba, ang kanyang pag-aalay ng buhay para sa atin. Nakakahiya man, dapat nating hayaan ang Diyos na mahalin tayo. Nakakakilabot man, dapat nating maranasan ang kanyang haplos. Nakakaiyak man, dapat nating maranasan na walang malinis sa harap ng Diyos kung hindi dadaan sa paglilinis ni Hesus… ng kanyang dugo sa Krus. Panginoon, puksain mo po sa akin ang virus ng pagmamalinis. Ipakita mo po sa akin ang pangangailangan ko sa iyong pagliligtas upang tunay akong magbago, maging mas mabuti, at tunay na malinis sa mata mo. Sa gabing ng Huwebes Santo ginagawa ang pagtatanod sa Banal na Sakramento hanggang alas-dose ng hatinggabi. Dito ginagawa ang Visita Iglesia ng marami. Dahil hindi mo ito magagawa sa simbahan ngayon, maglaan ng mahahalagang sandali sa harap ng altar sa iyong bahay. Tahimik na magbasa ng Bible, magnilay, at makiiisa sa sakripisyo ng Panginoon.   #ourparishpriest 2020 Share on FacebookTweet Total Views: 323