Home » Blog » IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

 

BUKAL NG PAG-ASA

 


 (image from the internet)

 

Sagutin mo nga ang mga tanong na ito: ano ang mainam na gawin sa murderer? Sa prostitute? Sa satanista? Sa korap na pulitiko? Sa drug adik?

 

Marahil ang sagot ng marami ay: bitayin ang nakapatay ng tao; iwasan ang prostitute; palayasin ang satanista; tanggalin ang korap; i-tokhang ang adik!

 

Sa unang pagbasa ngayon inilalalahad ang sagot ng Panginoong Diyos sa mga tanong na ito; pero hindi kasing lupit ng sagot natin ang sa kanya. Sabi niya: “ang aking isip ay hindi tulad ng inyong isip, ang inyong kilos ay hindi parehas sa akin.” Kung ang makasalanan, ang masama, ang tiwaling tao ay biglang magpasyang hanapin ang tumawag sa Panginoon, makakamtan niya ang awa at tatanggap siya ng patawad (Is 55:6-9).

 

Bakit ganito mag-isip ang Diyos? Ito ay dahil bago ang lahat, siya ay Ama, isang malingap at mapagpatawad na Ama sa atin. Oo nagagalit siya. Natural nagtutuwid siya at nagpaparusa. Tama na siya ay demanding minsan.

 

Subalit ang Ama natin  sa langit ay ganito upang gisingin tayo sa ating kamalian, liwanagan tayo tungo sa landas na tumpak, at gabayan tayo sa bagong buhay na puno ng pag-asa, pagbabago at pagkakasundo sa kanya at sa bawat isa.

 

Para sa Diyos, walang kalsadang sarado, walang tsyansang tapos na, walang pagkakataong hindi magbubukas pa. Sa pag-ibig ng Diyos, ang makasalanan ay nagiging banal, ang korap nagiging matuwid, ang nagluluko ay nagiging maayos, ang nawala ay natatagpuang muli.

 

Ito ang pagmamahal niyang alay sa atin lalo na sa mga sakramento. Kapag natuklasan natin ang Kumpisal, nararanasan natin ang matinding yakap ng Diyos; kapag nag-Komunyon tayo nagiging mahigpit ang ating pakikipagkaibigan sa kanya.

 

Si Jacques Fesch ay dating nagnakaw at nakapatay kaya siya nakulong. Doon sa kulungan niya nakilala si Hesus at nagsisi. Ngayon nasa hanay siya ng mga magiging santo. Si Mary of Egypt ay lumayas sa bahay bilang teenager at naging prostitute. Nang mapunta siya sa Jerusalem nagbago ang landas ng kanyang buhay at ngayon siya ay si St. Mary of Egypt.

 

Si Bartolo Longo ay naging kasapi at naging ministro ng kulto mga satanista dahil sa galit niya sa simbahan. Natagpuan niya muli ang Diyos sa tulong ng isang pari at naging masugid na alagad at promoter siya ng Santo Rosaryo. Sa kaniya nagmula ang mga “Misteyo ng Liwanag” ng Rosaryo at ngayon siya si Blessed Bartolo.

 

Si Mateo ay kinasusuklaman na maniningil ng buwis. Dahil sa paanyaya ni Hesus nagbago siya at naging apostol San Mateo na sumulat ng Ebanghelyo. Ang Chinese na si Mark Ji Tianxiang naman ay adik sa opium buong buhay niya. Pero hindi siya bumitiw sa pananampalataya at namatay pa bilang martir na nagtanggol sa pananampalataya noong panahon ng pag-uusig sa China. Ngayon siya si St. Mark Ji.

 

Ilang halimbawa lang ito na malakas na nagpapakita na walang sinuman ang nasa labas ng tanaw at damdamin ng Diyos. Ang pinakamakasalanan sa atin ay pinakamalapit din sa puso niya. Kaya kapag nagustuhan nilang bumalik, nagsisi, ang Panginoong Hesus ay hindi lamang tumatanggap kundi nagbibigay pa sa kanila ng biyayang maging banal, maging mga santo.

 

Sa puso ng Diyos, walang ligaw, walang kulelat, walang laos na. Lagi siyang nasa pinto at naghihintay. Laging nagbubukas sa mga kumakatok. Laging tumatanggap sa bumabalik. Minsan ang hirap unawain ng ganitong kabaitan at pagka-bukas palad niya. Pero kung wala ito, saan tayo tutungo para makasumpong ng kaligtasan?

 

Ang Mabuting Balita ngayon ay nagpapakita din ng pusong bukas ng Diyos para sa lahat niyang mga anak. Bukas puso din ba tayo sa kanyang paanyaya? Handa ba ang ating puso na mayakap niya?

 

Paki-share sa kaibigan…

mungkahing Youtube site: