Home » Blog » IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

BANAL NA KARUNUNGAN

 

image from the internet

 

 

Ang babaw na talaga ng marami ngayon! Dati sabi dulot daw ito ng sobrang panonood ng tv na tinatawag ding “boob tube” (ang kahulugan kasi ng boob ay “tanga” o bobo). Ngayon naman, hindi kaya dahil ito sa isa pang tube? Ang” youtube” na kay daming walang kuwentang content na pinanonood ng mga tao.

 

Siyempre dulot din itong kababawan natin ng ibang social media. Sapat na sa mga tao ang may mapanood na video, may comment na maisulat, mag scroll sa mga photos at mag receive or send ng messages. Gustong gusto natin mag-like, mag-emoji, mag-aprub at magtanggol ng mga ideyang nasa social media natin.

 

Di bale kung hindi totoo; konti lang ang nagsusuri kung tunay o gawa-gawa lang ang mga ito. Ang nakalulungkot lang ay sunud-sunuran lamang tayo sa laman ng social media. Mas nakalulungkot ay ang karamihang walang kwentang content, ginawang ma-intriga, nagsisinungaling pa at walang saysay – yan pa ang mas maraming views. Ang dami ding naloloko ng fake news!

 

Sa unang pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan (ch. 6) ipinaaalala sa atin ang isang lubhang mahalagang bagay sa mata ng Diyos at lubhang mahalaga din naman sa ating buhay na dapat natin laging taglay – ang karunungan. Ang karunungang ito ay higit sa katalinuhan o galing ng isip ng tao.

 

Ang karunungan ay isang kaloob ng Espiritu Santo na nag-aakay sa atin sa katotohanan; hindi lang upang matutunan ang katotohanan kundi upang maunawaan kung paano ito makakatulong na ma-ugnay tayo sa Diyos at paano nito magagawang maayos ang ating mundo.

 

Subalit kahit ang karunungan ay kaloob, kailangan pa rin natin ito tanggapin sa ating puso. Kailangang hanapin, at pag natagpuan, iayon ang ating buhay sa mga hamon nito. Taglay ang karunungan, pinalalawak ng Diyos ang ating kaalaman at pinalalalim ang ating pagninilay. Hindi tayo basta “react” lamang sa mga pangyayari,  kundi ang tugon natin ay “reflect.”

 

Kung walang karunungan, panay react lang tayo na hindi nag-iisip. Husga na hindi sumusuri. Sumasamba sa mga taong nakahumalingan dahil sa kanilang kayabangan at kasinungaligan. Lingid sa ating kaalaman, nilalabanan natin ang mabuti, ang banal, ang tama.

 

Ito ang nasasaad sa Mabuting Balita ni Mateo (ch 25), kung saan ang mga marurunong na dalaga ay nagpahalaga sa karunungan at ang mga hangal naman ay nagpabaya dito. Nagbibigay ang Diyos ng karunungan sa mga humihingi nito, kaya natatagpuan ito sa paanan ng krus, habang nakaluhod tayo, hawak ang Salita ng Diyos at taglay ang kanyang inspirasyon sa ating mga puso.

 

Maraming nagtaka nang mabalitaan na kamakailan lamang ay itinanghal na “blessed” ang isang 15 year old na binatilyo na namatay sa leukemia noong 2006. Ano ba ang kayang ibigay ni Blessed Carlo Acutis sa simbahan at sa mundo sa napakaikli niyang buhay? Pero marami din ang hindi nagsadyang tuklasin ang kadalisayan, sakripisyo, at esprituwal na maturity ng kabataang ito. Kung tutuusin, higit na marunong si Blessed Carlo sa mga nakatatanda sa kanya pagdating sa larangan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa tao, noong panahon niya at maging ngayon sa panahon natin.

 

Sa internet, laganap ang kaalaman. Sa teknolohiya, umaapaw ang impormasyon. Sa social media, lumalangoy tayo sa dagat ng sangkatutak na salita at larawan.

 

Duda ako na may makukuha tayong karunungang banal sa mga ito. Tanging sa Panginoong Hesus lamang matatagpuan ang karunungang makalangit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

 

Simulang magdasal para sa karunungan. Hanapin ito sa panalangin at pagninilay. Isabuhay ito at ibahagi sa kapwa.

 

 

(paki-share sa kaibigan…)

 

(ang ika-500 taong ng Kristiyanismo sa ating bansa ay ipagdiriwang na. Magbasa at tuklasin kung gaano tayo kapalad mabiyayaan ng pananampalataya sa ating bayan…)