Home » Blog » KAPISTAHAN NG EPIFANIA O TATLONG HARI, B

KAPISTAHAN NG EPIFANIA O TATLONG HARI, B

SI JOSE, LINGKOD NI HESUS

 

IMAGE FROM THE INTERNET
 

 

Ang anak ng isang simpleng kawani sa gobyerno ay pinalad na maging iskolar sa ibang bansa. Nakasama pa ito sa delegasyong ng paaralan nila upang makipagkita sa pangulo ng USA. Nagpadala ito ng litrato sa tatay niya katabi ang nasabing pangulo.

 

Kaya lubhang ipinagmamalaki ng ama ang kanyang anak. Dala dala nito ang larawan kahit saan magpunta. Ipinagmamayabang sa mga kaibigan. Naka-display din lagi sa lamesa niya sa opisina. At kapag may kausap na kliyente tiyak na ikukuwento ang anak. Ganyan ang galak, pagmamahal, at pagmamalaki ng isang ama!

 

Sa taong ito ni San Jose, pagnilayan natin ang ama-amahan ng ating Panginoong Hesukristo dito sa lupa. Katulad ng Mahal na Birhen, ang simpleng taong ito ay hindi lubos na naunawaan ang mensahe ng anghel ukol sa Anak ng Diyos. Ang gampanin niya ay basta sumunod at magtiwala. Pero alam din niyang may mahalaga siyang misyon sa buhay.

 

Tiyak ako na nang maisilang ang Sanggol na si Hesus, kay laking tuwa ni San Jose. Siya ang nagbigay ng pangalan, tulad ng sabi ng anghel. Nasaksihan niya ang pagdating ng mga panauhin upang sambahin ang Sanggol. Nariyan ang mga pastol at ang kanilang kuwento tungkol sa mga anghel na umaawit sa langit. Nariyan ang mga pantas (o tatlong hari) na nagsalaysay naman ng ng maningning na tala sa Silangan. Ngayong Epifania, alalahanin nating si Jose ang siyang sumalubong sa mga pantas na ito sa kanilang munting tahanan.

 

Maaaring si Jose din ang tumanggap at nagtabi ng mga kaloob ng mga pantas dahil abala si Maria sa pag-aaruga sa Banal na Sanggol. Naintindihan kaya ni San Jose na sagisag ang mga ito na si Hesus ang Hari, Pari at Propeta ng kaligtasan ng daigdig?

 

Hindi na siya mabubuhay pa upang makita ang araw na magaganap ang mga pangako ng Diyos. Pero tiyak na walang pagsidlan ang pagmamalaki sa puso niya sa kadakilaan at katangian ng kanyang Anak.

 

Nang umalis ang mga pantas, tinangka ni Herodes na patayin ang Sanggol. Si San Jose ang agad tumayong tagapagtanggol at tagapangalaga ni Hesus. Puno ng pagmamahal at pag-aalala, dinala niya ang kanyang pamilya sa Ehipto.

 

Si Herodes ang hari pero nasa kay Jose ang tunay na kayamanan. Galit na galit si Herodes samantalang puno ng pagsuyo naman si San Jose sa Sanggol. Kabado si Herodes na magkaroon ng katunggali pero payapang nagtitiwala naman si San Jose sa Salita ng Diyos.

 

Dito makikita ang kadakilaan ni San Jose. Simpleng tao, manggagawa, pamilyado – alam niya paano magtaya ng lahat para sa mga minamahal niya: para kay Mariang kanyang sinisinta, para kay Hesus na kanyang kayamanan ng puso. Ipinagtanggol niya ang dangal ni Maria. Iniligtas niya si Hesus sa tiyak na kamatayan.

 

Kay San Jose, ang kuwento ng Pasko ay may tahimik na saksing matutularan natin. Nasa kanya ang puso ng isang magulang, puso ng isang alagad, puso ng isang mananampalataya kay Kristo. Tulad niya, may mga tao din sa buhay natin na umaasa sa ating pag-aaruga at pag-suporta – maaaring isang maysakit, nakatatanda, nangangailangan ng gabay, mga anak na pinag-aaral, atbp.

 

HIlingin natin kay San Jose na turuan tayong pahalagahan ang mga taong ito tulad ng kanyang pagpapahalaga sa Panginoong Hesus at sa Mahal na Birheng Maria na inihabilin sa kanya ng Diyos. San Jose, ipanalangin mo kami!

 

Paki-share sa kaibigan… 

PARA SA MAKAPANGYARIHANG PANALANGIN KAY SAN JOSE, SANDALING PANOORIN ANG VIDEO SA IBABA.


 PARA SA MGA DAPAT GAWIN NGAYONG YEAR OF ST JOSEPH, PANOORIN: