PAANO NAGING “TERROR OF DEMONS” SI SAN JOSE?

    Ngayong taon ni San Jose o Year of Saint Joseph, napakagandang unawain ang kahulugan ng isang taguri o title ng ating santo. Madalas marinig ngayon ang mga salitang: Saint Joseph, Terror of Demons – San Jose: Sindak ng mga demonyo, Kilabot ng mga masasamang espiritu.  Ibig sabihin ay takot, nanginginig at iniilagan ng mga masasamang espiritu si San Jose.   Pero ano ba talaga ang kahulugan ng mga salitang ito? Iyong iba kasi ay biglang lundag sa pang-unawa na si San Jose ay tila ba isang exorcist na nagpapalayas ng mga demonyo o nangwawasak ng masasamang espiritu at ng kanilang mga gawain sa mundo at sa buhay ng mga tao.   Ang hilig pa naman ngayon ng mga tao sa mga horror stories kaya ang dami ding nahuhumaling sa mundo ng exorcism. Hindi naman ito masama dahil bahagi ito ng misyon ng Panginoong Hesukristo at ng Simbahan. Subalit ito ba ang kahulugan ng “terror of demons” na title ni San Jose?   Balikan muna natin ang kasaysayan ng kaligtasan natin. Dito makikita nating sa simula pa ang demonyo ay ama ng kasinungalingan at panlilinlang. Una niyang niloko si Eba sa Paraiso upang sumuway sa utos ng Panginoong Diyos. Dahil dito, si Adan din ay nalinlang at nahulog sa kasalanan.   Agad namang kumilos ang Diyos at nagpasyang ayusin at itayo muli ang nasirang ugnayan ng Diyos at ng tao. Sinabi ng Diyos na sasagipin ang tao mula sa kasalanan, kasamaan at kamatayan. Isang babae ang maglilihi at magsisilang ng sanggol na siyang magiging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang Tagapagligtas na iyan ang ang ating Panginoong Hesukristo.   Mula noon, laging nagmamatyag ang demonyo kung ano ang susunod na hakbang ng Diyos. Nagbabantay siya kung magaganap na ba ang pangako ng Panginoon. Bakit? Gusto kasi niya itong pigilan. Gusto niya itong sirain at wasakin. Malaking hamon sa kanya nang pumasok sa eksena ang ikalawang Eba, ang Mahal na Birheng Maria.   Hindi alam ng demonyo kung ano ang iniisip ng tao; kung ano ang laman ng ating puso. Iyan ay pinangangalagaan ng Diyos sa pamamagitan ng kalayaang kaloob ng Diyos sa atin. Subalit alam ng masasamang espiritu ang nagaganap sa paligid. Kaya alam ng demonyo na dumalaw ang Arkanghel Gabriel sa Mahal na Birheng Maria. Pero hindi niya alam ang laman ng kanilang usapan dahil ito ay sikreto, malalim na lihim na pinakaingatan ng Diyos.   Dito pumapasok si San Jose. Dahil si Maria ay may katipan, dahil si Maria ay ikakasal na kay San Jose, hindi nagduda ang demonyo na si Maria ang magiging Ina ng Diyos, Ina ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus, ang ating Panginoon.   Karaniwan noon ang pangalang Hesus sa mga batang lalaki. At dahil nariyan si San Jose, ang akala ng demonyo, ang magiging anak ni Maria ay ordinaryong bunga ng pagmamahalan nila ni Jose. Hindi ba pati ang kanilang mga kamag-anak at kapitbahay ay walang anumang alam sa naganap na himala ng Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos?   Alam ng demonyo na si Maria ay malinis at dalisay at galit na galit siya dito. Alam din niya na mabuti at dalisay din si San Jose, at suklam na suklam siya dito. Pero dahil sila ay ikakasal, hindi nagduda ang demonyo na nagaganap na pala ang pangako at plano ng Diyos.   Ito ang kahulugan ng “terror of demons” o sindak ng masasamang espiritu: si San Jose ay ginamit ng Diyos upang pangalagaan si Maria sa pagsasakatuparan ng kanyang pangako. Si San Jose ang pananggalang upang mabulag ang demonyo na nagkatawang-tao na ang Anak ng Diyos.     Nabulag ang demonyo at hindi niya nalaman na ang isinilang sa Betlehem ay ang Anak ng Diyos. Iyan ay dahil akala niya si San Jose ang tunay na ama ng bata. Nakaligtas sa paningin ng demonyo ang napakadakilang himala ng Diyos sa sabsaban sa Belen.   Si San Ignacio ng Antioquia (hindi Antique ha?) ay nagpaliwanag sa isa niyang sulat bago siya mamatay bilang martir. Sa kanyang panulat unang lumitaw ang salitang “simbahang Katolika.” Pero higit na mahalaga ang kanyang isinulat tungkol kay Hesus bilang Diyos.   Sabi ni San Ignacio: Tatlong misteryo ang naitago sa pagmamatyag ng demonyo – ang pagka-birhen ni Maria (dahil akala niya si Maria ay nakipagtalik sa lalaki kaya nagdalang-tao); ang pagsilang ng Panginoong Hesus (dahil akala niya ay karaniwang bata ang isinilang sa Belen); at ang kamatayan ni Hesus sa krus (dahil akala niya ay natalo niya ang kapangyarihan ni Hesus). Ang tatlong misteryong ito ay naganap sa gitna ng katahimikan ng Diyos.   At dalawa sa mga misteryong ito (ang pananatiling birhen ni Maria at ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo ay pinangalagaan ni San Jose bilang kasangkapan ng Diyos upang tumulong sa pagsasakatuparan ng kanyang plano sa mundo.   Iyan ang “theological meaning” ng “terror of demons.” Si San Jose ay naging instrument para mabulagan ang demonyo at hindi makita ang nagaganap na plano ng Diyos. Ang manloloko ay naloko at nalinlang ng isang simpleng tao na puno ng kabutihan at kabanalan.   Galit ang demonyo sa plano ng Diyos. Galit siya sa Pagkakatawang-tao ni Hesus. Gusto niyang sabihin sa mga tao na walang misteryo sa mundong ito, walang katangi-tanging gawain ang Diyos sa mundo at sa buhay ng mga tao; na walang magandang plano ng kaligtasan para sa lahat. Gusto niyang paniwalain ang mga tao na walang pagkakaiba ang mga relihyon – pare-pareho lang daw lahat ang mga iyan; na walang mabuti at masama kilo – pantay-pantay lang daw iyan; at walang mararating ang pagpapakabuti – sayang lang daw iyan. Subalit nagkamali siya dahil naganap ang plano ng Diyos na hindi niya alam. Natatag ang tunay na pananampalatay na di niya napansin. Nagbunga ang kabutihan laban sa kasamaan at kasalanan na lingid sa kanyang pagmamatyag.   Kapag natutukso tayo sa mga ganitong bagay; kapag nag-aalinlangan tayo kung mahal pa ba tayong Diyos; kapag iniisip nating huwang mag-seryoso sa ating pananampalatayang Katoliko; o kapag nagdududa tayo kung tama lang bang magpakabuti at magpakabanal – tumawag … Continue reading PAANO NAGING “TERROR OF DEMONS” SI SAN JOSE?