Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY B

IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY B

KAALAMAN AT KAMANGMANGAN

LK. 24: 35-48

 

 


 

Nakapagtataka talaga! Paanong hindi nakilala ng dalawang alagad na si Hesus ang kalakbay nila patungong Emaus? Paanong hindi sila mapaniwalaan ng mga iba pang alagad nang ikuwento nila ang kanilang karanasan? Paanong inakala ng mga alagad na multo ang Panginoon nang magpakita sa kanila? Bakit kailangan pa nilang makita si Hesus na kumakain sa harap nila para lang maniwalang siya ay muling nabuhay?

 

Ilang taon nilang kasama ni Hesus. Tinuruan sila, pinangaralan, pinagpaliwanagan. Nadinig, nakita, nahawakan nila ang Panginoon. Kung tutuusin sila talaga ang mga eksperto tungkol kay Hesus, dahil sila ang hinubog at ginabayan sa pagdaan ng panahon.

 

Subalit ang dami pala nilang hindi alam. Hindi nila alam kung paano kikilos nang dinakip ang Panginoon. Hindi nila alam kung paano ipapaliwanag ang kanyang kamatayan sa krus. Hindi nila alam kung anong mukha ang ihaharap sa mga tao. Nagduda siguro sila kung totoo nga ang mga pangako ni Hesus at kaya hindi inasahan na babangon siyang muli sa libingan. Natakot sila, nagtago, nanghina ang pananampalataya.

 

Sa buhay natin, laging may tambalan ng “alam” at “hindi alam,” ng kaalaman at kamangmangan. Akala natin alam natin kasi napag-aralan na, nadinig na, nasabihan na tayo. Pero nasa utak lang pala lahat ito. Kung aasa lang tayo sa ating alam, minsan mapapako tayo. Wala nang puwang sa paglago, wala nang surpresa, wala nang pagkamangha.

 

Kaya nga, dapat nating aminin na marami pang di tayo alam. Ang kamangmangan na ito ang daan upang ang Diyos ang magturo sa atin ng mga bagong bagay, mag-akay sa mga bagong karanasan, at magdulot sa atin ng isang bagong pang-unawa. Ang kamangmangan ng mga alagad sa buong mensahe ni Hesus ang naging daan para ang Panginoon mismo ang magbukas ng kanilang mga mata at magdala sa kanila sa bagong pananaw. Dahil sila ay matapat at mababang-loob na umaming hindi nila alam lahat, binigyan sila ng Panginoon ng bagong dahilan upang maniwala, maging matapang, at mabuhay sa pag-asa.

 

Kung minsan na hindi mo maintindihan lahat ang nangyayari sa buhay mo, at pati ang pananampalatay mo ay tila walang dulot na sagot, tumawag ka sa Panginoong Hesus na hanguin ka sa kamangmangan at ipakita sa iyo ang daan ng surpresa, pagkamangha at pananabik sa mga bagong bagay na ihahayag niya sa buhay mo.

 

paki-share sa kaibigan… salamat sa internet sa photo ng ginamit sa itaas.