Home » Blog » PASKO NG PAGKABUHAY, B

PASKO NG PAGKABUHAY, B

 

IPAGDIWANG ANG IYONG “PANG ARAW-ARAW” NA PAGKABUHAY

 


 

 

Sa simula ng Kuwaresma, may nagsabi na dapat daw italaga bilang “pambansang” Kuwaresma ang Kuwaresma 2020 hanggang Kuwaresma 2021. Sobrang hirap ang dinanas natin sa personal, pinansyal, pampamilya at pambansang trahedya dahil sa pandemya. Ang tagal nito at hindi pa nga ganap na tapos. Pero ang aking reaksyon sa mungkahing “pambansang” Kuwaresma ay isang malaking pagtutol. Hindi Kuwaresm ang destinasyon natin; dumadaan lang tayo dito para salubungin ang Pagkabuhay ni Kristo! Ang Pagkabuhay ang pakay ng ating buhay!

 

Ngayon nga, muli tayong tinatawag ng ating pananampalataya na ipagdiwang ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan – ang Pagkabuhay at tagumpay ng ating Panginoong Hesukristo laban sa puwersa ng kamatayan, pagkawasak at pagkakasala. Aleluya! Nabuhay siyang muli! Hindi kaya ng krus na itali si Hesus dito nang higit pa sa ilang oras. Hindi kayang lamunin ng libingan si Hesus nang higit pa sa tatlong araw. Ang pagmamahal ng Diyos ay hamak na makapangyarihan kaysa anumang nakikita o di nakikitang puwersa sa mundo o sa ating buhay. Ang awa ng Panginoon ay matagumpay! Ang kapatawaran niya ay nagdadala ng bagong buhay! Isinilang tayo para dito – sa bagong buhay – kahit pa nangangahulugan ito ng bagong normal.

 

Ipinaalala sa akin ng asawa ng pinsan ko na isang taon na mula nang magka covid ang asawa niya, ma-ospital ng sobrang tagal, at lumabas na buhay at masigla matapos ang 60 araw. Isang kaibigan ang tumawag upang ibahagi na matapos siyang makaranas ng heartbreak sa pag-ibig, natuklasan niya muli ang bokasyon niya at ngayon malapit na siyang ma-ordinahan bilang pari. Ang ama ng isang batang yumao ang nagsabi sa akin na bagamat nasa langit na ang anak niya, naramdaman niyang sa pagkakasakit nito, nahila ang buong pamilya sa mas lalong malapit na ugnayan sa Diyos.

 

Ito ang kahulugan ng Pagkabuhay! Ito ay ilaw mula sa madilim na anino, liwanag mula sa kadiliman, ngiti mula sa mukhang napapagal, pagtayo mula sa pagkabagsak, pananampalatayang natagpuan sa gitna ng pagsubok, awa at patawad na naranasan matapos ang kasalanan, pag-asa at tapang laban sa panlulupaypay.  Ang Pagkabuhay ay pagbangon sa karanasan ng krus at libingan ng ating mga buhay, tulad ni Hesus at kasama Niya. Kung ang buhay ay panay tagumpay, hayahay, comfort, kayamanan, kalusugan at kabuuan, ang Pagkabuhay ay hindi mararanasan ninuman.

 

Hindi natin kailangan ang “pambansang” Kuwaresma. Kasama ang Diyos, anuman ang ibato ng mundo sa atin, kaya nating maranasan ang “pang araw-araw na Pagkabuhay! Ano ang karanasan mo ng Pagkabuhay ngayong taon? Pasalamatan mo ang Panginoong Hesus para dito at panghawakan mo ito bilang pangako ng mas mabuti pang darating. Ibahagi mo ang galak at pag-asa sa iba pang naglalakbay pa lamang upang marating ang Muling Pagkabuhay na inaasam!

 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY sa inyong lahat!

 

 

 

Paki-share po sa isang kaibigan… Salamat sa internet sa photo sa itaas!