IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY B
SALAMAT AT MAY BFF!
Jn 15: 9-17
Ang isang tunay na kaibigan ay pambihirang kayamanan. Isipin mo na lang, hindi mo kadugo o kasama sa bahay, pero kay dali mong napalapit at nagtiwala sa kanya! Sa piling ng isang kaibigan, masaya ang bawat sandali, naibabahagi ang mga sikreto, nakakapakinig tayo ng mga salitang nagpapasigla, nagpapakalma, at minsan ay nagtutuwid pa sa atin. Hindi laging magkasundo sa lahat ng bagay, pero masaya ang mga magkaibigan tuwing magkasama at magkakulitan.
Sa Mabuting Balita ngayon, sinasabi ng ating Panginoong Hesus na hindi na niya itinuturing ang mga alagad na alipin kundi kaibigan. Pero kailan nga ba niya itinuring silang alipin? Tila, never naman yata! Subalit ang ginagawa niya talaga ay itinutuwid ang pag-iisip ng mga ito dahil para sa kanila, ang Diyos ay malayo, walang pakialam o hindi interesado sa buhay nila. Sinasabi ni Hesus na palitan ang ganitong pag-iisip at magsimulang masdan ang Diyos sa kakaibang paraan. Nag-aalay si Hesus ng panibagong uri ng ugnayan ng Diyos at ng tao – pagkakaibigan!
Ang pagkakaibigan ay nabubuo sa pagitan ng mga taong may parehong pinagtutuunan ng pansin at naglalaho ang pagkakaibigan kapag wala nang parehong interes ang mga tao. Magkaiba man ng ugali, katayuan, pinag-aralan, lahi o relihyon, nagiging magkaibigan kapag pareho ang hilig sa sports, libangan, trabaho, o paksa ng kuwentuhan. Para kay Hesus at mga alagad, ang parehong interes nila ay ang Kaharian ng Ama. Kapwa nila nais hanapin ito at gawin lahat upang maipangaral ito sa buong mundo.
Ang isang kaibigan ay bukal ng buhay, kahit hindi niya ito alam. Inspirasyon siya upang lumigaya at lumakas ng loob ng kanyang kaibigan. Nandyan ang tunay na kaibigan kapag malungkot, nagluluksa, maysakit, o walang-wala ka sa buhay. Hindi siya takot o nahihiyang tabihan ka kung iniwan ka ng iba. Ang iba ay nandyan pag kainan o pasyalan, pero naglalaho naman kapag may gusot o problema na.
Ngayong ika-anim na Linggo ng Pagkabuhay, nagpapakilala ang Panginoong Hesus bilang tunay nating Kaibigan, tunay na nagmamalasakit at nagmamahal. Tanggap ba natin ang pakikipag-kaibigan niyang ito? bukas ba ang puso natin para makapasok at makiulayaw siya sa atin? Sa linggong ito ay sariwain natin ang ating pakikipag-kaibigan kay Hesus at mag-isip kung paano ito mas lalago. Alalahanin din natin ang mga kaibigang matiyagang na nasa tabi natin sa panahong ito ng kagipitan at kalituhan at magparamdam tayo ng pasasalamat at paglingap. Sa huli, sikapin nating maging kaibigan sa sinumang naghahanap ng masasandigan at matatakbuhan. Pagpalain kayo ng Diyos!
paki-share sa kaibigan… salamat sa internet sa ginamit na photo…