IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
‘WAG MAGING BASHER!
Mk 7: 1-18 14-15 21-23
Nang mamatay si Pres. Noynoy Aquino saka natuklasan ng mga tao ang mali nilang akala sa kanya noong nasa Malacañang pa siya. Isnabero daw at elitista, yun pala ay talagang mahiyaing. Wala daw pakialam at damdamin, yun pala ayaw lang niya mang-agaw atensyon sa mga dapat bigyan nito. Hindi daw madasalin tulad ni Tita Cory, yun pala talagang tahimik at mapagnilay sa sarili niyang paraan.
Tumbok ng Mabuting Balita ngayon ang uri ng ating pakikipag-kapwa. Kay dali nating manghusga kahit mababaw lang ang alam natin sa iba. Akala natin ang labas ng lalagyan ay pareho din ng laman sa loob nito. Nakikita natin ang kilos pero hindi sinusuri ang tunay na dahilan. Ano pa nga ba ang pagkakaiba natin sa mga Pariseo at mga eskriba sa panahon ng Panginoong Hesukristo?
Binuntutan at pinaligiran ng mga mapanghusga ang Panginoong Hesus. Siguro masasabi nating sila ang mga original na “bashers” sa Bible. Laging naninilip ng mali at kulang, ang mga kaaway na ito ng Panginoong Hesus ang mga modernong “trolls” na handang manira kahit hindi alam o nauunawaan ang iba. Ang nais lang nila ay magsindi ng galit, poot at pagkawasak ng kapwa.
Ang malungkot, relihyoso ang mga ito. Sa kanilang ginagawa, akala nila sinusunod nila ang Diyos. Ngayon, hindi maikakaila na marami tayong mga ka-brother at ka-sister sa mga parokya, bible study, organization – mga deboto at paladasal – na may mga matatalim at mapanlason na mga dila. Handang manlaslas at mamunit ng kapwang itinuturing nilang “makasalanan at makamundo” na hindi tulad nila. Kalyado ang puso nila sa mga damdamin ng kapwang nilalait nila. Alam kaya nilang, ang sinusugatan nila mismo ay ang puso ng Diyos?
Nakapanghusga ka ba kahit hindi mo alam ang buong katotohanan? Nanghusga ka ba batay lang sa itsura ng tao? Naki-chismis ka ba sa halip na kausapin nang tapatan ang taong pinag-uusapan? Sabi ng Panginoon katumbas yan ng pagpaparangal sa Diyos sa bibig lamang at hindi sa puso, pagsamba sa Diyos na walang saysay. Patawarin mo po ako Panginoon, at ilayo sa ugali ng isang basher!