SAN HOMOBONO: PANALANGIN PARA SA NEGOSYO
Panalangin sa Paglago ng Negosyo sa Tulong
ni San Homobono
Sino si San Homobono?
Si San Homobono Tucenghi ang patron ng mga negosyante. Isa siyang taong may pamilya. Naging mangangalakal siya ng magagandang kayo o tela mula sa puhunan na pamana sa kanya ng kanyang amang maykaya sa buhay.
Naging masipag si San Homobono sa paghahanap-buhay. Lagi ding bukas ang palad niya sa mga nangangailangan ng tulong dahil alam niyang ito ang dahilan kung bakit siya nabibiyayaan ng Diyos – upang magbahagi sa mga mahihirap.
Araw-araw kung magsimba si San Homobono upang pasalamatan ang Diyos sa mga biyaya at upang humingi ng gabay sa kanyang negosyo. Dahil dito, higit siyang pinagpala ng Panginoong Diyos at hinangaan ng kanyang kapwa. Siya ang patron ng lugar na tinatawag na Cremona sa Italya. Namatay noong 1197, ang kanyang kapistahan ay Nobyembre 13.
PANALANGIN KAY SAN HOMOBONO PARA SA MAUNLAD NA NEGOSYO
Minamahal at mapagmahal na San Homobono, ang iyong katapatan sa trabaho at kabutihan sa kapwa ay nagdulot ng pagpapala sa iyong pamayanan at ng kaluwalhatian naman sa Panginoong Diyos. Tulungan mo po akong sundan ang halimbawa mo sa kasipagan at katapatan sa negosyo at tulungan na huwag mahulog sa tukso ng pagka-ganid o katakawan sa salapi at huwag mag-isip na manlamang sa kapwa o sumira ng kalikasan.
Gabayan mo ang aking negosyo o hanapbuhay upang ako ay umunlad habang lumalago din naman sa kabanalan at paglilingkod sa Diyos at kapwa. Sa ngalan ni Kristong Panginoon namin. Amen.