Home » Blog » 500 YEARS OF CHRISTIANITY: BISHOP JORGE BARLIN – ANG UNANG PILIPINONG OBISPO

500 YEARS OF CHRISTIANITY: BISHOP JORGE BARLIN – ANG UNANG PILIPINONG OBISPO

SA PAGGUNITA SA 500 TAON NG KRISTIYANISMO SA PILIPINAS

Tubong Baao, Camarines Sur si Jorge Imperial Barlin na isinilang noong Abril 23, 1850 sa mga magulang na sina Mateo at Francisca.

Naging pari si Fr Jorge noong 1875 bilang pari ng Nueva Caceres sa batang edad na 28 taong gulang.

Mababa ang tingin ng mga superior sa mga paring Pilipino noong panahong iyon subalit ang obispong Kastila na si  Bishop Francisco Gainza ang  nakakita ng potensyal kay Fr Barlin. Inalagaan niya ito at binigyan ng mga pananagutan sa simbahan.

Naging Vicar Forane siya ng Sorsogon at parish priest ng capital nito. Pinangunahan niya ang simbahan at maging ang pamahalaan sa mga panahon ng rebolusyon ng mga Pilipino laban sa Espanya. Naroon din siya bilang pinuno sa panahon ng paglilipat ng pamahalaan sa puwersang Amerikano.

Nang mag-aklas si Fr Gregorio Aglipay at nagtangkang magtatag ng sariling simbahan hiwalay sa Roma, inalok si Fr Barlin na maging pinuno sa simbahang itatatag. Tumanggi siya dahil hindi niya nakitang maganda ang planong ito. Nanatili siyang matapat sa Simbahang Katoliko.

Pinamahalaan din niya ang pagbabalik ng mga ari-arian ng simbahan na kinamkam ng mga miyembro ng Aglipayan Church.

Hinirang na obispo si Fr Barlin noong 1905 at inordenan bilang ganap na Obispo noong June 29, 1906 bilang ika-28 obispo ng Nueva Caceres.

Siya ang unang Pilipinong Obispo ng Simbahang Katoliko. Ang kanyang motto ay Bonus Miles Christi(mabuting sundalo ni Kristo).

Habang dumadalaw sa Roma para sa tinaguriang ad limina visit ng mga obispo, namatay si Bishop Barlin doon at doon na rin nailibing. Nakikitira siya noon sa tahanan ng mga Dominicans at siya ay inilibing sa kanilang mausoleo sa Verano cemetery. Sa paglipas ng panahon, hindi na matukoy ang eksaktong puntod ni Bishop Barlin kaya hindi maiuwi sa Pilipinas ang kanyang mga labi.

Tulad ng ating mga OFW, namatay na walang pamilya o kaibigan at malayo sa minamahal na bansa ang unang obispong Pilipino.

(original article by Fr. RMarcos for this blog; use of this must responsibly acknowledge the author and source; photo above sourced from the internet)

References:

https://www.catholicnewsagency.com/news/the-hunt-for-the-remains-of-the-first-filipino-born-bishop-53672

https://en.wikipedia.org/wiki/Jorge_Barlin

https://dioceseofkalookan.ph/jorge-barlin-first-filipino-bishop/