500 YEARS OF CHRISTIANITY: FR. FRANCISCO BALUYOT ET AL – ANG UNANG PARING PILIPINO
SA PAGGUNITA SA 500 TAON NG KRISTIYANISMO SA PILIPINAS
Si Archbishop Diego Camacho (1697-1706) ang obispong Kastila na pang-11 Arsobispo ng Maynila, at ang kanyang kahalili na si Archbishop Francisco de la Cuesta (1707-1723) ang natitiyak sa kasaysayan na mga unang nagtiwala sa mga taal na Pilipino o Pilipinong lahing Malay (tinatawag na “Indio” ng mga panahong iyon) na maging paring Katoliko.
Si Archbishop Camacho ang Ama ng mga Paring Pilipinong Sekular (o Diyosesano).
Narito ang listahan ng mga naitalang unang Pilipinong pari; karamihan ay galing sa maharlikang pamilya ng mga Lakan:
1. Fr. Francisco Baluyot ang unang siguradong “Indio” na na-ordenan bilang paring Katoliko noong Disyembre 1698.
– Mula sa pamilyang Baluyot na may maraming pari; tubong Pampanga
– naglingkod sa Cebu
2. Fr Jose de Ocampo naging pari anim na buwan matapos ang ordinasyon ni Fr Baluyot – ang unang Chinese mestizong naging pari sa Pilipinas.
– Unang Chinese Filipino din na nagtapos ng “licentiate” at “magistral” degrees sa UST seminary
3. Fr. Ignacio Gregorio Manesay – ikalawang “Indio” na naging pari
– Translator kay Archbishop Camacho sa mga pagdalaw nito sa mga parokya.
– Naging “confessor” para sa mga babae at lalaki sa archdiocese
4. Fr. Alfonzo Baluyot – maaaring kapatid o pinsan ni Fr Francisco; naging ikatlong Indio na naging pari noong 1703.
– Unang Indio “capellan” (tagapamahala ng isang parokya; hindi ganap na parish priest; katumbas ng chaplain ngayon)
– Unang Indio na misyonero (sa Nueva Segovia sa Ilocos)
5. Fr Juan Crisostomo at Fr Juan Mañago, Abril 2, 1705. Si Fr Mañago ang unang graduate ng UST seminary na may pangalang Pilipinong Malay.
– Naging assistant parish priest ng San Pedro de Tunasan
6. Fr Martin Baluyot Panlasigui na ginawaran ng ordinasyon ni Bishop Andres Gonzales ng Nueva Caceres noong 1705; maaaring kapatid o pinsan ng naunang Fr Francisco at Fr Alfonso sa itaas.
– Unang Pilipinong Indio na naging “parish priest” subalit nagtagal bago pormal na nailuklok sa posisyong ito sa parokya ng Abuyon sa Bondoc, Tayabas (Quezon ngayon)
– Unang Indio din na diocesan secretary ng Nueva Caceres
7. Fr. Pedro Domingo de Leon, Fr Pedro Pasqual at Fr Santiago Garzia, noong Mayo 1706. Si Fr Pasqual ang unang Pilipinong pari na notaryo ng simbahan.
8. Fr Sebastian Polintan, unang paring na-ordenan ni Archbishop de la Cuesta ilang buwan matapos itong dumating sa Maynila; una sa ikalawang batch ng mga paring Indio
– Unang Indio din na na-assign bilang ganap na parish priest ng archdiocese ng Maynila – sa Sto. Tomas de los Montes (Batangas).
9. Fr Tomas Valdez Solit, ikalawang paring Indio na na-ordenan ni de la Cuesta; nabigyan ng titulong Capellan)
Salamat po kay:
Luciano PR Santiago, The Hidden Light: The First Filipino Priests, Philippine Studies, 1983