Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO K

IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO K

 

HINDI ITO SI “MARITESS!”

Lk 1: 39-45

 


 

 

Walang gustong matawag ngayon na Maritess. Kasi naman galing ang salitang ito sa meme na “Mare, anong latest?,” isang linya ng mga tsismosa na handang umakyat sa mataas na hagdan maka-scoop lang ng balita sa kapitbahay.

 

Sa Mabuting Balita ngayon, nagtagpo ang magpinsang Maria at Elisabet na masayang nagbahaginan ng kanilang mabuting kapalaran sa kamay ng Panginoon. Masaya si Maria na magkakaanak na ang baog niyang pinsan. Manghang-mangha si Elisabet sa presensya ng Anak ng Diyos sa sinapupunan ng nakababatang pinsang si Maria.

 

Inihanda ng Diyos ang pagdating ng kanyang Anak, hindi lamang sa hanay ng mga lalaki kundi sa hanay din ng mga halos di napapansing mga babae. Kasama sa listahan ng mga babaeng ninuno ng Panginoong Hesus ang prostitute na si Rahab, ang kabit na si Batseba, ang banyagang si Ruth, at si Tamar na nagpanggap na haliparot para maanakan siya ng kanyang biyenang lalaki. Ang mga babaeng ito ay kinatawan ng mga hindi perpekto at ng mga Hentil. Dahil sa kanila, ang tala-angkanan ni Hesus ay naging linya ng mga Hudyo at mga Hentil.

 

Ang pinakamahalagang babae ay si Maria. Lahat ng tao sa tala-angkanan ni Hesus ay mula sa isang ama, subalit ang anak ni Maria ay walang ama (Mt 1). Kay Maria, may bagong simula, malayo sa kasaysayan ng mga lalaki. Sa kanya sumibol ang kasaysayan ng Diyos sa piling ng mga tao, at hindi ito gawa ng tao.

 

Hindi ugnayan ng nag-iibigan ang dahilan ng Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos. Sa halip, ang pananampalataya ng isang aba, bata at walang sinasabing dalagang bukid ang nakahalina sa puso ng Diyos. Ang “opo” ni Maria ang naging mitsa upang ang pangako ng Diyos ay magkatotoo: narito na ang Diyos sa piling natin… ng lahat ng tao, hindi lang Hudyo kundi pati mga dayo!

 

Nakapasok si Elisabet sa listahan ng magigiting na babae dahil ang kanyang anak ang magiging tagapaghanda ng lalakaran ng Mesiyas. Ipinakikita ni Maria at Elisabet kung paano ang kabutihan ng Diyos ay kumikilos, hindi sa pamamagitan ng matapang, malakas, o mayaman, kundi sa pamamagitan ng tapat, masunurin, at simpleng tao na tumatanggap sa kalooban ng Diyos. Kahit gaano tayo ka-simple, basta matatag ang ating pananampalataya tulad ni Maria at Elisabet, matutupad sa atin ang pangako ng Panginoon.

 

Manalangin tayong maging atin ang tatag ni Maria, ang katapatan ng mga babaeng bukas sa plano ng Diyos.