SAINTS OF DECEMBER: SAN JUAN DIEGO

DISYEMBRE 9 SAN JUAN DIEGO (ST. JUAN DIEGO CUAUHTLATOATZIN), ERMITANYO (HERMIT) A. KUWENTO NG BUHAY Marami sa atin ang may debosyon sa Mahal na Birhen ng Guadalupe. Ang kaibigan kong si Fr. Joey Guinto, SVD, ay may malalim na debosyon sa Guadalupe at lahat ng collectibleitems tungkol dito ay sinisikap niyang magkaroon din siya.  Ang ating santo ngayon ang sanhi ng pagkakabatid natin ng mensahe ng Guadalupe. Nagpakita ang Mahal na Birhen ng Guadalupe noong Disyembre 9, 1531, sa Tepeyac, sa Mexico, sa isang lalaking miyembro ng tribong Chichimeca na sinasabing isa sa mga may nangungunang sibilisasyon noong panahon na iyon. Simpleng tao lamang si San Juan Diego pero sa kanya ipinagkatiwala ang hamon na ipahayag ang mensahe ng Mahal na Birhen para sa obispo at para sa lahat ng mga tao sa kanyang bansa.  Isinilang is San Juan noong 1474 at namuhay siya bilang isang manghahabi, magsasaka at manggagawa. Hindi mayaman si San Juan pero malalim ang kanyang pananampalataya at tatlong beses isang linggo siya ay tumatanggap ng Banal na Komunyon. Araw-araw din siyang nagsisimba. Sa araw na iyon ng Disyembre, nagpakita kay San Juan ang Mahal na Birhen bilang isang magandang dalaga na nakagayak bilang isang princesa ng mga Aztec. May dalang mga mensahe ang Mahal na Birhen para sa obispo ng lugar at si San Juan ang naatasan na maging tulay para sa mga mensaheng ito. Sa kanyang balabal o tilma, natatak ang imahen ng Mahal na Birhen ng Guadalupe at ang larawang ito ang naging hudyat upang maniwala ang obispo at sundin ang mga kahilingan ng Mahal na Birhen. Ito ang himala ng Guadalupe – na ang balabal na pinaglagyan ni San Juan ng mga rosas, nang kanyang ilantad sa harap ng obispo, ay naging tila “self-portrait” na naglalaman ng larawan ng Mahal na Birhen. Ang balabal ni San Juan ay nakalagak magpa-hanggang ngayon sa basilicang Guadalupe.  Ang larawan ng Birhen ng Guadalupe ang kaisa-isang larawan ni Maria na hindi iginuhit ng kamay ng tao.  Matapos ang kanyang misyon, si San Juan ay nanirahan bilang isang ermitanyo (hermit) malapit sa unang kapilya na ipinagawa sa lugar ng aparisyon, sa Tepeyac. Ang ermitanyo o “hermit” ay isang taong naninirahan nang mag-isa (hindi tulad ng monasteryo na may komunidad o pamayanan ang mga monghe, pari o madre) upang manalangin at magsakripisyo para sa karangalan ng Diyos. Tumulong din si San Juan Diego bilang isang katekista sa mga taong naglalakbay sa kapilya upang matunghayan ang banal na larawan at magdasal sa Mahal na Birhen, ang Ina ng Diyos.  Ang mga nakakilala sa kanya ang naglahad ng kanilang napansin na kabanalan ni San Juan.  Ang mga magulang daw sa Mexico ay may isang bendisyon at kahilingan para sa kanilang mga anak tuwing babasbasan nila ang mga bata: “Gawin ka nawa ng Diyos na tulad ni Juan Diego.” Talaga sigurong hinangaan nila at kinapulutan ng magandang halimbawa ang lalaking ito na nakakita at nakipag-usap sa Ina ng Diyos. Noong 2002, si San Juan Diego, na namatay noong May 30, 1548 sa gulang na 74, ay tinanghal na santo ng ating simbahan sa pamamagitan ng isa ring santo, si Papa San Juan Pablo II (St. John Paul II). B. HAMON SA BUHAY Nakakalungkot isipin na maraming Katoliko ang tumatalikod sa kanilang pananampalataya at isa sa unang inaalis nila ay ang kanilang pagmamahal kay Maria. Magdasal tayo ngayon, sa tulong ni San Juan Diego, na sana ay maging mas malalim ang ating pananampalataya kay Hesus at sana ay mapalapit din tayong lubos kay Maria. Ipagdasal din natin ang mga kaluluwa ng mga batang pinaslang sa pamamagitan ng aborsyon, dahil ang Birhen ng Guadalupe ang Patron Saint ng Pro-Life Movementna lumalaban sa aborsyon sa buong daigdig. Ngayong Adbiyento, maging tulad nawa tayo ni San Juan Diego sa pagkakaroon ng simpleng puso at kababaang-loob. K. KATAGA NG BUHAY MT. 6;19 Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. (from Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 443