SAINTS OF JANUARY: SANTA ELISABET ANN SETON
ENERO 4
NAMANATA SA DIYOS (RELIGIOUS WOMAN)
A. KUWENTO NG BUHAY
Mahalaga sa mg Katoliko sa United States of America si Santa Elisabet Ann Seton dahil siya ang unang santang tubo sa bansang iyon. Kaya ang araw na ito ay isang natatanging kapistahan para sa ating mga kapatid na sa USA.
Si Santa Elisabet Ann Bayley (apelyido sa pagka-dalaga) ay isinilang sa New York noong 1774. Ang kanyang ama ay isang kilala at magaling na doktor at propesor sa tinatawag na Columbia University ngayon. Ang pamiya ni Elisabet Ann ay pawang mga Protestante; sila ay mga Episcopalians(isang grupo na matatagpuan din sa Pilipinas ngayon).
Dahil maykaya naman sila, si Elisabet Ann ay nabigyan ng mabuting edukasyon ng kanyang pamilya. Subalit kapansin-pansin na sa pagkabata pa lang niya ay mayroon na siyang pagmamahal sa mga mahihirap
Taong 1794, ikinasal si Elisabet Ann kay William Seton. Ang kanilang pagmamahalan ay nagbunga para sa kanila ng 5 anak. Maganda ang takbo ng kanilang buhay hanggang bumagsak ang kabuhayan ng mag-asawa. Masyado itong dinibdib ni William at siya ay nagkasakit at naghina. Dahil dito nagtungo ang pamilya at nakitira sa mga kaibigan sa Livorno, Italy. Ang mga kaibigan nila ay mga Katoliko at doon, unti-unting naunawaan at napamahal kay Elisabet Ann ang kanilang pananampalataya.
Namatay si William sa Italyat umuwi si Elisabet Ann sa New York pagkatapos ng halos kalahating taon. Sa puso niya ay malakas na ang kanyang pagnanais na maging isang Katoliko. Tumanggi ang kanyang mga kaibigan sa America sa kanyang planong ito dahil ang kahulugan nito ay iiwanan niya ang kanyang pagiging Protestante. Hindi nagpapigil si Elisabet Ann at nabinyagan siya noong Marso 4, 1805.
Tinalikuran siya ng kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan sa America dahil sa kanyang pasyang ito. May mga pari na nag-anyaya sa kanyang magsimula ng isang paaralan para sa mga batang babae sa lungsod ng Baltimore. Naging maganda ang takbo ng paaralan at umunlad ito. Binigyan ng mga pari si Elisabet Ann at ang kanyang mga assistants ng patakarang susundin sa kanilang buhay-paglilingkod (rule of life). Pagkatapos ay pinayagan silang mamanata para sa Diyos at mag-suot ng abito ng mga madre.
Ang simulain ni Elisabet Ann at mga kasamang madre ay naging pundasyon ng parochial school systemsa buong America. Siya mismo ang naghahanda ng mga guro at pati ng mga textbookspara sa mga estudyante.
Patuloy pa din ang kanyang misyon sa mga mahihirap at sa mga American Negroes (ito ang tawag noon sa mga African Americans) na noon ay kalimitang ituring na mga alipin ng mga mapuputing Amerikano. Nagbukas din si Elizabeth Ann ng mga ampunan para sa mga batang ulila sa Philadelphiaat New York.
Ang itinayong grupo ng mga madre ni Elisabet Ann ay lumaki at dumami ang mga miyembro hanggang magbunga ito ng 7 sangay. Ito ang naging unang religious congregation ng mga babae na talagang umusbong sa United States.
Namatay si Santa Elisabet Ann noong 1821 sa batang edad na 46 lamang. Itinanghal siya bilang santa noong 1975.
B. HAMON SA BUHAY
Si Santa Elisabet Ann Seton ay naging isang asawa, ina, guro at madre. Sa pabago-bago ng mga hamon sa kanyang buhay, isang bagay lamang ang nanatiling matatag at hindi nagbago – ang kanyang pagmamahal sa Diyos at sa mga mahihirap. Paano mo ipinakikita ang iyong kabutihan sa mga taong mahihirap at nangangailangan ngayon ng iyong tulong?
Ngayong Bagong Taon, sa pamamagitan ni Santa Elisabet Ann, maging malawak nawa ang ating paglingap at pagmamalasakit sa kapwa.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 18:10
Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito: talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)