Home » Blog » GOMBURZA: BAKIT MAHALAGA?

GOMBURZA: BAKIT MAHALAGA?

PADRE MARIANO GOMES 

(Gomez, ayon sa kanyang orihinal na apelyido)

 


 

Isinilang si Padre Gomez sa Santa Cruz, Maynila noong Agosto 2, 1799. Itinuturing siyang isang tornatrás o torna atrás o iyong may magkahalong dugo na Indio, Intsik at Kastila; karaniwang ang ama ay Kastila at ang ina ay mestisang Intsik. Ang kanyang mga magulang ay sina Alejandro Francisco Gomez at Martina Custodio.

 

Pumasok siya sa mga paaralang Letran at UST. Naghanda naman siya sa pagpapari sa Seminaryo ng Maynila na ngayon ay San Carlos.

 

Taong 1824 nang maging parish priest si Fr Gomes ng Bacoor, Cavite. Nakakitaan siya ng kasipagan sa pag-aalaga sa espirituwal na kabutihan ng mga tao, gayundin sa pagtuturo sa kanila ng kabuhayan at ng agrikultura. May maganda siyang pakikitungo sa mga kapwa pari. Kabilang siya sa mga nasyonalistang pari na nakikipagbuno para sa pantay na karapatan at pagkilala sa mga paring secular (o iyong hindi miyembro ng mga religious order tulad ng Dominicans, Franciscans, Augustinians – tinatawag ding prayle – at mga Jesuit na noon ay siyang namumuno sa mga simbahan sa Pilipinas at sa mga paaralan).

 

Ang mga paring secular (ngayon ay tinatawag na diocesan na) ay kinabibilangan ng mga mestisong Kastila (na tinatawag na Filipino dahil dito isinilang sa bansa) at mga katutubong Pilipino. Ipinapalagay noon ng mga Kastilang pari at mga opisyal ng pamahalaan na hindi karapat-dapat ang mga paring secular na magpalakad ng mga parokya bilang mga parish priest.

Subalit ang katotohanang si Fr Gomes ay naghawak ng isang malaking parokya sa Cavite ay patunay na pinagkatiwalaan siya at itinuring na karapat-dapat.

 

Bagamat isinilang na Gomez, pinalitan niya ang baybay (spelling) ng kanyang pangalan sa Gomes nang malaman niyang may mga kapangalan pa siyang mga paring prayle sa Laguna at Cavite. Aktibo si Padre Gomes sa lathalaing La Verdad, isang pahayagan.

 

Isinakdal si Padre Gomes sa hinalang pag-aalsa at pagtataksil sa Espanya dahil sa naudlot na Cavite mutiny o pag-aalsa sa Fort San Felipe Neri. Hindi napatunayan ang mga paratang sa kanya subalit hinatulan  pa rin siya ng kamatayan kasama ang mga paring sina Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora. Pinatay sila sa pamamagitan ng garrote,  isang uri ng pagpatay sa pamamagitan ng pagsakal o pagbasag ng spinal cord habang nakaupo ang papatayin.

 

Pinatay ang tatlong paring martir na Pilipino noong Pebrero 17, 1972, 150 taon ang nakalilipas sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta). Si Padre Gomes ang pinakamatanda at sinasabing pinaka-kalmado sa tatlo dahil na din dignidad ng kanyang edad at dahil alam niyang wala siyang kasalanan. Ang huli niyang mga salita ay: Pupunta ako sa isang lugar kung saan maging ang paglaglag ng mga dahon mula sa puno ay hindi mangyayari kundi sa kalooban ng Diyos.”

 

 

 

 

 

PADRE JOSE BURGOS

 


 

Tubong Ilocos Sur, isinilang si Padre Jose Burgos noong Pebrero 9, 1837 sa pamilya nina Jose Tiburcio Burgos, isang opisyal na Kastila at Florencia Garcia, isang mestisang Pilipina. Nag-aral siya sa Letran at UST at doon din naghanda sa pagpapari. Kilala sa katalinuhan at kasipagan, nakapagtapos siya ng tatlong kurso, dalawang Master’s degree at dalawang Doctorate degree.

 

Tulad ni Padre Gomes, si Padre Burgos ay isang nasyonalista na humingi ng reporma sa simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay karapatan sa mga paring Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga isinulat. Nabasa ito ng mga opisyal na Kastila na nagsimulang mag-alinlangan sa kanyang mga adhikain at nag-akala na siya ay sumusuporta sa pagsasarili ng Pilipinas mula sa Espanya.

 

Isang estudyante at kakilala ni Padre Burgos, si Felipe Buencamino ay nasakdal sa paratang na pagpapalaganap ng damdaming nasyonalista sa pamamagitan ng mga pulyeto na ikinalat sa kaniyang paaralan na humihingi ng kalayaang akademiko. Nakulong si Buencamino at iba pa dahil dito. Sa tulong ni Padre Burgos, nakalaya din siya matapos ang apat na buwan at kinailangan niya ng isang guro na tutulong upang makahabol siya sa mga naiwang aralin sa paaralan. Pinili ni Buencamino si Padre Burgos upang maging guro niya.

 

Tagapagtanggol ng mga karapatan ng mga paring Filipino si Padre Burgos at ito ay makikita sa kanyang mga debateng sinalihan tungkol sa usapin ng lahi at nasyonalismo. Ang reputasyong ito ang magiging mitsa ng kanyang pagkakasangkot sa pag-aalsa sa Cavite. Kasapi din si Padre Burgos sa isang kilusang nagpupulong noon sa tahanan sa Santa Cruz ni Padre Mariano. Pinangungunahan ito ni Jose Maria Basa at kinabibilangan ng iba pa tulad nina Agustin Mendoza, Maximo Paterno, at Ambrosio Rianzares Bautista. Pakay ng kilusang ito ang paghingi ng reporma.

 

Matapos ang pag-aalsa sa Cavite noong Enero 20, 1872, nabanggit sa paglilitis ng isang kasama sa pag-aalsa na si Bonifacio Octavo na isang taong nagngangalang Zaldua ang siyang nanguna sa pagkalap ng mga kasapi para sa pag-aalsa. Nabanggit ding si Padre Burgos ang nag-utos kay Zaldua na gawin ito. Hindi napatunayan ang paratang na ito dahil sa magulong salaysay at mga detalye. Subalit ipinahayag ni Gobernador Heneral Rafael Izquierdo sa Madrid na ang pagsaksing ito ang patotoo sa kanyang mga hinala, at pilit niyang ipinataw ang sala kay Padre Burgos, at dalawa pa, sina Padre Mariano Gomes at Padre Jacinto Zamora bilang utak ng sedisyon. Magkakasama silang ginarote sa Bagumbayan noong Pebrero 17, 1872. Hanggang sa huling pananalita bago ang pag-garote, idiniin ni Padre Burgos na wala siyang kasalanan.

 

Kaibigan ni Padre Burgos si Paciano, ang kuya ni Jose Rizal. Siya ang nagkuwento kay Jose sa mga naganap sa tatlong pari. Isusulat ni Jose Rizal ang kanyang nobelang El Filibusterismo bilang parangal sa ala-ala ng mga pari. At kaya nga tinawag na GomBurZa ang tatlong martir ay dahil sa ganitong pagkakasunod-sunod binanggit ni Rizal ang kanilang mga apelyido sa kanyang dedikasyon sa aklat – Gomez, Burgos, Zamora.

 

 

PADRE JACINTO ZAMORA

 


 

Anak nina Venancio Zamora at Hilaria del Rosario, ipinanganak si Padre Jacinto Zamora noong Agosto 14, 1835. Sinasabing siya ay isang mestisong Kastila. Nag-aral muna siya sa Pandacan at pagkatapos ay sa Letran at nang lumaon ay lumipat sa UST. Nagtapos siya ng kurso sa Canon at Civil Law sa doon. Naghanda naman siya sa pagpapari sa Seminaryo ng Maynila tulad ni Padre Mariano Gomes.

 

Nadestino siya sa mga parokya sa Marikina, Pasig at Batangas matapos siyang maordenahan bilang pari. Tulad ni Padre Burgos, nadestino din siya sa Katedral ng Maynila. Isa rin siyang tagapagtaguyod ng reporma para sa karapatan ng mga paring Pilipino.

 

Dahil sa kanyang libangan na paglalaro ng baraha matapos ang Misa, nasangkot siya sa pag-aalsa sa Cavite. Ayon sa kuwento, may ugali ang mga magkakalaro ng baraha na magsabi ng salitang “armas at pulbura” bilang lihim na code tungkol sa perang isusugal. Nakitaan si Padre Zamora ng isang paanyaya para sa laro ng baraha na may nakasulat na “dalhin na ang mga armas at pulbura” noong gabi na maganap ang pag-aalsa. Ipinakahulugan na ito ay isang pahiwatig tungkol sa rebolusyon at ginamit itong ebidensya laban sa pari. Kasama sina Padre Gomes at Padre Burgos, pinatawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng garrote si Padre Zamora. Nang araw na iyon, walang naiwang huling salita ang pari dahil siya ay tulala at tila nilayasan na siya ng kanyang katinuan sa mga naganap na pangyayari sa kanyang buhay.

 

 

 

ANG TUNAY NA NAGANAP SA CAVITE MUTINY O PAG-AALSA SA FORT SAN FELIPE NERI SA CAVITE

 

Ayon sa mga unang akda, ang Cavite Mutiny ay pinamunuan ng isang sundalo, si Francisco La Madrid dahil sa hindi pagsu-suweldo sa mga sundalo doon. Subalit ayon sa mga bagong tuklas na dokumento, may isang nabuong pagkakampi-kampi ng mga malalakas na tao sa lipunan para sa isang sabay-sabay na pag-aalsa at pagkalas mula sa Espanya. Dahil may nagbunyag ang plano, nakarating ito sa kaalaman ng mga awtoridad na Kastila. Napigilan ang iba na sumama at tanging ang mga taga-Cavite lamang ang nagpatuloy.

 

Nang malaman ng Gobernador Heneral Izquierdo na ang mga nag-plano ng malawakang pagkalas na ito ay mga Mason at mga kapatid niya sa samahang ito, ipinadakip ang mga ito subalit iniligtas sa parusang kamatayan. Ipinatapon lamang ang mga tunay na utak ng pag-aalsa sa Cavite – sina Maximo Inocencio, Crisanto de los Reyes, at Enrique Paraiso – sa malayong lugar lugar. Ito ay isang pagtatakip ng kapwa Mason sa kapwa Mason. Inutusan ang isang Francisco Zaldua na inutusan upang magsinungaling at iparatang ang sala kay Padre Burgos at sa mga pari.

 

Alam ng mga tao na kasinungalingan ang mga sakdal sa tatlong pari. Maging ang Arsobispo ng Maynila na si Arsobispo Gregorio Meliton Martinez ay tumangging hubaran ng abito (alisin sa pagkapari) ang Gomburza bago sila patayin, kahit ito ang hiling ng Gobernador Heneral. Iniutos pa nga ng Arsobispo na patugtugin ang mga kampana ng lahat ng simbahan sa lungsod sa oras ng pagbitay sa mga pari bilang parangal sa kanila. Nagpugay ang mga tao sa mga pari nang araw ng kanilang kamatayan. Inilibing ang mga pari sa sementeryo ng Paco.

 


 

Hindi lamang si Jose Rizal ang humugot ng inspirasyon sa pag-aalay ng buhay ng Gomburza. Maging si Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ay tahasang binanggit ang kanilang paghanga at hangad na paghihiganti sa ginawa sa mga ito ng mga Kastila. Sa mga dokumento ng Katipunan, may isang salaysay si Jacinto tungkol sa tatlong pari na walang kasalanan subalit binitay ng mga Kastila.

 

Ang Gomburza ang nagsilbing ilaw ng paghahangad ng mga bayani ng bansa upang mag-asam ng kalayaan para sa ating bayan. Ganito kahalaga ang Gomburza. (featured photo above from deviantart.com)