KASALANAN AT KAHINAAN: ANO ANG GAGAWIN KUNG NADAPA O NAHULOG DITO?
Kung dama mong nakagawa ka ng pagkakamali (kasalanan), maging ito man ay dala ng kahinaan ng sarili o pinag-planuhan at ninais, huwag sobrang maguluhan dahil dito; huwag hayaang mawalan ng loob o mabahala; subalit agad-agad lumapit sa Diyos at sabihin sa Kanya, na may kapakumbabaan at pagtitiwala: “Panahon po ngayon, O Diyos ko, na kitang-kita ko ang aking sarili. Ano nga ba ang aasahan sa isang marupok at bulag na nilalang tulad ko kundi ang pagkakamali at kasalanan?” Tumigil ka sandali at hayaan mong maramdaman mo ang matalim na sakit na dulot ng iyong pagkakasala. Pagkatapos, walang pagkabahala o pagkatigatig na ituon mo ang iyong galit laban sa mga pagnanasa na naghari sa iyong puso, lalo na iyong nagdala sa iyo sa kasalanan. Sabihin mo: “Panginoon, mas malala pa sigurong kasamaan ang nagawa ko kung hindi Mo po ako iniligtas ng Iyong walang hanggang kabutihan.” Pagkatapos, mag-alay ng maraming pasasalamat sa Ama ng Awa; mahalin mo Siya nang higit sa dati, lalo ngayong nabatid mo na sa halip na iwanan ka Niya dahil sa iyong maling ginawa, narito pa rin Siya at nag-aabot ng kamay sa iyo, dahil sa ayaw Niyang madapa kang muli sa katulad na pangyayari. Sa huli, puno ng pagtitiwala, sabihin mo sa Kanya: “Ipakita Mo po sa akin, O Diyos ko, ang tunay Mong sarili; tulungan Mo po ang abang makasalanang ito na maramdaman ang Iyong banal na awa; patawarin ako sa aking mga kasalanan; huwag pabayaang mawalay o malayo sa Iyo, ni katiting man, upang huwag na muli akong makapanakit ng Iyong kalooban.” Pagkatapos nito, huwag nang mag-abala na isipin kung pinatawad ka nga ng Diyos o hindi. Lalo ka lang maguguluhan. Sayang lang ang oras. Galing ito sa kayabangan at panlilinlang ng demonyo na, habang ginugulo ang iyong kaluluwa, nais na saktan at gambalain ka pa. Sa halip, isuko ang sarili sa Kanyang mabathalang awa at ituloy ang iyong mga gawaing espirituwal na kalakip ang kapayapaan na parang walang naganap na anumang pagkakasala. Kahit ilang beses mang saktan natin ang Diyos sa isang araw, huwag mawalan ng tiwala sa Kanya. Gawin mo ang itinuro ko sa iyo, sa ikalawa, ikatlo, at sa huling pagkakataon tulad nang sa una… Ang ganitong paraan ng paglaban sa demonyo ay isang paraan na labis niyang kinatatakutan dahil alam niyang ito ang lubos na nagpapasaya sa Diyos, at lagi naman itong nagtutulak sa demonyo sa matinding pagkalito, dahil nakikita niya na natalo siya ng taong kanyang napakadaling nalupig sa ibang mga pagkakataon. Kaya, kung ang pagkakasala na sawimpalad mong nagawa ay nagdudulot sa iyo na maging ligalig at panghinaan ng loob, ang unang bagay na dapat mong gawin ay sikapin na mabawi ang iyong kapayapaan ng kaluluwa at ang iyong tiwala sa Diyos… (Isinalin mula sa aklat na The Spiritual Combat) Upang wakasan ang puntong ito, idadagdag natin sa pagninilay: “Totoong mapanganib na gumawa ng mali at dapat nating gawin ang lahat upang iwasan ang gumawa ng mali. Subalit isipin mo lang na, sa ating katayuan bilang mga tao, mas mapanganib kung panay kabutihan lamang ang ating magagawa sa buhay. Magiging mitsa iyan ng kayabangan o pagmamataas; magiging mapagpaimbabaw tayo at mapanghusga ng kapwa; makakalimutan nating ang lahat ay kaloob ng Diyos; walang mas higit na sagabal sa tunay na pag-ibig kundi ang pagmamataas. Ito ang dahilan at minsan pinapayagan ng Diyos na tayo ay madapa sa mga pagkakamali sa buhay. Pasalamatan natin Siya dahil ayaw niyang tayo ay maligaw ng landas. (At pagkatapos ng pagsisising ito at pagbabalik muli ng kapayapaan sa iyong puso, ipangako na magku-Kumpisal ng mga kasalanan sa Sakramento ng Pakikipagkasundo sa tulong ng inyong pari sa pinakamaagang pagkakataon.) (isinalin mula sa aklat ni P. Jacques Philippe, Searching for and Maintaining Peace. Salamat po…) paki-share sa isang kaibigan… Share on FacebookTweet Total Views: 470
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed