BANAL NA ORAS/ VIRTUAL VISITA IGLESIA PARA SA PAGHILOM NG MUNDO SA COVID-19: HUWEBES SANTO
A. PAMBUNGAD NA AWIT
AT PAGTATANGHAL NG KABANAL-BANALANG SAKRAMENTO
Habang itinatanghal ng pari ang Kabanal-banalang Sakramento sa altar, luluhod ang tanan at aawit ng tradisyunal na imno, “O Salutaris Hostia” o ibang awit pangsamba na kaugnay ng tema ng buwan. *Gabay: P= Pari; N = Namumuno; T = Tagabasa; B = Bayan
O Salutaris Hostia
O salutaris Hostia,
Quae caeli pandis ostium:
Bella premunt hostilia,
Da robur, fer auxilium.
Uni trinoque Domino
Sit sempiterna gloria,
Qui vitam sine termino
Nobis donet in patria.
Amen.
(o kaya sa Tagalog)
O Ostya ng Kaligtasan (sa saliw ng O Salutaris Hostia)
O Ostya ng kaligtasan
Pinto ka ng langit na bayan
Tulong mo laban sa kaaway,
Mangyaring sa ami’y ibigay.
Puri sa Diyos na Maykapal,
Sa tatlong Personang marangal,
Poon nawa’y aming makamtan
Ang langit na masayang bayan. Amen.
P o N: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo
B: Amen.
1. Pambungad (nakaluhod ang lahat):
P o T:
Sa kanyang buhay at paglilingkod sa mga tao, ibinunyag ng ating Panginoong Hesukristo ang Kaharian at gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, kabilang dito ang mga pagpapagaling sa maysakit na nagningas ng apoy ng pananalig, nagpahina ng alon ng alinlangan, at nagpamalas ng tunay na puso ng Diyos. Ngayon, kailangan ng daigdig ang pagpapagaling o paghilom dahil maging mga bansa o mga indibidwal na tao ay tadtad ng mga sugat ng kasalanan, karamdaman at kasakiman. Habang nagtitipon tayo, alalahanin natin ang mga lugar sa mundong ito at lalo na sa ating bansa kung saan ang sugat ng karahasan, pagpatay, at pagpapabaya sa tao ay sumisigaw para sa pansin, kapatawaran, at paghilom ng Diyos.
Sa natatanging paraan, ipanalangin natin ang mapanghilom na kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng pinarurusahan ng sakit ng katawan at kaluluwa. Nananalig tayong pagagalingin tayo ng Diyos dahil ang kanyang pag-ibig ang nag-uudyok sa kanyang hipuin tayo kung saan tayo pinakamahina at pinaka-nangangailangan ng tulong. Patuloy na nagpapagaling ngayon ang Diyos ng Bibliya na humilom noon at nagbigay ng pag-asa. Nanghihilom si Hesus sa isang dahilan lamang – mahal na mahal niya tayo! Ito ang nagpapalakas ng loob natin na lumapit sa kanya na may pananampalataya at pagtitiwala.
Sa Banal na Oras na ito, tunghayan natin si Hesus, ang ating Tagahilom at Dakilang Manggagamot. Ang kanyang Mapanghilom na Puso ay na-uumapaw sa mapayapang katiyakan na ang naghahanap sa kanya ay makasusumpong ng kagalingan sa kanilang mga karamdaman (Is 53:5), kalusugan at pagpapago (Mk 3: 5-6), at ibayong lakas para muling maglingkod (Lk. 4:39).
2. Papuri at Pasasalamat (nakaluhod ang lahat)
P: Halina’t magpuri sa Diyos na Tagahilom natin at hingin sa kanyang iunat ang kanyang mga kamay upang pagalingin ang wasak nating daigdig, sugatang katawan, at mahinang espiritu. Ang ating tugon ay: Panginoong Diyos, sambitin mo ang Salita at kami’y gagaling.
Ama, nilikha mo ang mundong ito upang tamasahin ang kabuuan ng buhay at upang lahat ay makakilala sa iyong taos-pusong pagbibigay ng buhay, kahulugan, at pakay. Sambahin at luwalhatiin ka nawa bilang Amang naghihilom ng iyong mga anak…
Hesus, Dakilang Manggagamot, nadurog ang puso mo sa harap ng mga naghihirap sa katawan, isip at kaluluwa at niyakap mo ang mga hilahil ng tao upang ipadama ang iyong pagmamahal. Purihin at sambahin ka nawa bilang Salitang nagdadala ang pagpapagaling sa lahat…
Espiritu Santo, na tinawag ni Hesus bilang Daliri ng Diyos (Lk 11:20), ang kapangyarihan mo ay namalas sa pagbangon ng mga nalugmok at sa pagbubuong muli na ng nawasak. Luwalhatiin at ipagdangal ka nawa sa iyong gawaing pagpapalakas at pagbuhay sa aming kaluluwa…
3. Panalangin para maranasan ang paghilom (nakatayo ang lahat)
P:Manalangin tayo para sa kaloob na pagpapagaling sa ating sarili, sa ating mga minamahal, at sa lahat ng mga umaasa sa mapaghimalang pakikitungo at makapangyarihang kilog ng Diyos sa kanyang bayan.
Diyos ng kabutihan at awa, ipinasya mong ang daigdig ay maging kaaaya-aya at angkop para sa lahat, isang daigdig kung saan namamayani ang ligaya at kapanatagan ng buhay. Dahil sa aming mga kasalanan sa mahabang panahon, umagos ang kapangyarihang nag-uudlot ng paglago, naninira ng buhay, at nag-aakay sa kamatayan. Napakaraming mga tao ngayon ang nagdurusa dahil sa nasirang pagkatiwasay ng kanilang buhay.
Kaugnay ng dalangin namin ngayon ang mga nasa banig ng karamdaman sa mga pagamutan, klinika at tahanan. Inaalala namin ang mga walang pangtustos sa kanilang paggaling at walang pambili ng kanilang gamot. Itinataas namin sa iyo ang mga itinakda nang walang pag-asang gumaling pa. masdan mo ang kanilang mga luha at ang kanilang takot at pagka-inip sa matagal na paghihintay.
Narito kaming taglay ang aming mga pagdaing bunga ng mga katawang bugbog sa kapaguran at kabigatan, sa kahirapan sa paghahanap-buhay, sa katandaan at kapabayaan. Habang pinagagaling mo kami lalo naming nadarama ang konkreto mong pag-ibig sa amin. Ang paghilom mo ang siyang patunay ng iyong kapangyarihan, at lalot higit ng iyong habag. Akayin nawa kami ng iyong Anak at dalhin sa tunay na buhay. buhayin nawa ng Espiritu mo ang aming pag-asa at turuan kaming magtiwala sa iyo sa bawat sandali.
Sa Banal na Oras na ito, ang Mapanghilom na Puso ni Hesus ang magbibigay ng kahulugan sa aming mga dusa, maggaganyak sa aming tuklasin ang iyong mukha sa gitna ng pagsubok, at magsasalita sa amin ng Salitang nagpapalayas ng lahat ng karamdaman ng kaluluwa at katawan.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristong Anak Mo, na nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.
B: Amen.
(sandaling katahimikan upang sumamba)
B. PAGDIRIWANG NG SALITA NG DIYOS
1. Panalangin ng mga Salmo (nakaupo ang lahat)
P o N: Halinang ialay sa Panginoon ang mga papuri at pagsamo mula sa mga Salmo.
(Maaaring dasalin ang mga Salmo nang marahan upang magnilay. Maaari itong basahin nang sabay ng lahat o sagutan ng mga nakaupo sa magkabilang dako ng pagtitipon – kanan, kaliwa – na may dalawang tagapamuno. Bagamat tatlong Salmo ang mungkahi, ang pasyang gamitin ang isa o dalawa lamang ay na sa kamay ng mga naghanda ng pagdiriwang.)
Salmo 34
Papupurihan ko ang Panginoon sa lahat ng panahon,
Papuri sa kanya ang laging nasa bibig ko.
Sa Panginoon nagmamapuri ang aking kaluluwa,
Dinggin ito ng mga hamak at sila’y magalak.
Dakilaing kasama ko ang Panginoon,
Sabay nating ipagbunyi ang kanyang pangalan,
Hinanap ko ang Panginoon at sinagot niya ako,
Pinalaya ako sa lahat kong pangamba.
Masdan siya at magningning,
Hindi mahihiya ang inyong mga mukha.
Dumaing ang dukhang ito at dininig siya ng Panginoon,
At iniligtas sa lahat niyang suliranin.
Nakabantay ang anghel ng Panginoon
sa paligid ng mga may pitagan sa kanya at sila’y
sinasagip.
Tikman ninyo at tingnan na mabuti ang Panginoon;
Masaya ang taong sa kanya kumakanlong.
Magpitagan sa Panginoon, kayong mga banal niya,
Hindi kinakapos ang mga may pitagan sa kanya.
Hikahos at gutom ang mga batang leon,
Ngunit di kinakapos sa anumang mabuti ang naghahanap sa Panginoon.
Halina, mga anak, ako ay pakinggan,
Pitagan sa Panginoon ang ituturo ko sa inyo.
Sino ang taong naghahangad ng buhay,
Pinagnanasahang makita ang mga araw na mabuti?
Bantayan ang ‘yong dila sa masama,
Ang ‘yong mga labi sa pagsasalita ng panlilinlang.
Lumayo sa masama at gumawa ng mabuti,
Pakamithiin ang kapayapaa’t ito ang pagsumikapan.
Laban sa masasama ang mukha ng Panginoon
Upang burahin sa lupa ang kanilang alaala.
Nasa makatarungan ang mga mata ng Panginoon,
At ang kanyang mga tenga sa kanilang mga daing.
Dumaraing sila’t nakikinig ang Panginoon,
At inililigtas sila sa lahat nilang suliranin.
Malapit ang Panginoon sa pusong sugatan
at inililigtas niya ang nasisiraan ng loob.
Kay raming paghihirap ang makatarungan
At pinalalaya naman siya ng Panginoon sa lahat ng
ito.
Iniingatan ang lahat niyang mga buto,
Isa man sa mga ito’y walang mababali.
Kasamaan ang pagpatay sa tampalasan,
Sa mga namumuhi sa makatarungan.
Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga
lingcod
At di mapapahamak ang lahat ng kumakanlong sa
kanya.
Luwalhati sa Ama,
at sa Anak at
sa Espiritu Santo.
Kapara noong unang-una,
ngayon at magpakailanman
at magpasawalang hanggan. Amen.
(sandaling katahimikan bago dumako sa susunod na Salmo)
Salmo 5
Mga salita ko’y dinggin, O Panginoon,
Bigyang-pansin ang aking panaghoy.
Pakinggan ang sigaw ng paghingi ko ng saklolo,
O aking Hari at aking Diyos!
Sa’yo ako sumasamo, O Panginoon.
Sa bukang-liwayway, dinidinig mo ako;
Sa bukang -liwayway, sa’yo ako dumudulog,
Naghihintay at nananabik.
Hindi ka diyos na nasisiyahan sa masama;
Walang masamang makapananahan sa piling mo.
Hindi makakatayo sa harap mo ang mayayabang.
Kinamumuhian mo lahat ng gumagawa ng masama,
Nililipol mo lahat ng sinungaling.
Kinasusuklaman ng Panginoon ang mga uhaw sa dugo at puno ng pandaraya.
Ngunit ako, makatutuloy ako sa’yong tahanan
Dahil sa masagana mong kagandahang-loob.
Buong-pitagan akong sasamba sa banal mong
templo.
Akayin ako, Panginoon, sa’yong katarungan.
Dahil sa aking mga kaaway, tuwirin ang ‘yong landas
sa aking harapan.
Sapagkat walang katapatan sa kanilang mga labi,
Puno ng kapahamakan ang kanilang kalooban,
Hinukay na libingan ang kanilang lalamunan,
At matatamis na salita ang nasa kanilang mga dila.
Parusahan sila, O Diyos, gaya ng nararapat,
Sila nawa ang mapasama sa kanilang mga balak.
Ipagtabuyan sila sa dami ng kanilang kasalanan
Pagkat sa’yo sila naghihimagsik.
Ngunit magagalak lahat ng nananalig sa’yo
Sisigaw sa tuwa magpakailanman.
Ikinakanlong mo sila, sa’yo sila magdiriwang,
Silang may pagpapahalaga sa’yong pangalan.
Ikaw nga, Panginoon, ang pagpapala ng mga
matuwid,
Kagandahang-loob mo’y kalasag sa kanyang paligid.
Luwalhati sa Ama,
at sa Anak at
sa Espiritu Santo.
Kapara noong unang-una,
ngayon at magpakailanman
at magpasawalang hanggan. Amen.
(sandaling katahimikan bago dumako sa susunod na Salmo)
Salmo 36
Kasalanan ang kausap ng mga tampalasan
Sa kaibuturan ng kanyang kalooban.
Walang takot sa Diyos sa kanyang mga mata.
Ang galing-galing niya sa kanyang mga mata
Para makita’t kamuhian kanyang pagkakasala.
Kasamaa’t panlilinlang ang mga salita ng kanyang
bibig,
Tinalikuran ang karununga’t kabutihan.
Laman ng puso’y masama hanggang sa higaan,
Nagmamatigas sa daang di-mabuti,
Walang masamang inaayawan.
Abot-langit, Panginoon, ang ‘yong malasakit,
Hanggang-ulap ang ‘yong katapatan.
Tulad ng mga bundok ng Diyos ang ‘yong
katarungan,
Tulad ng kalalim-laliman ang ‘yong mga kahatulan.
Inililigtas mo, Panginoon, ang tao at hayop.
Walang singhalaga ang malasakit mo, O Diyos!
Kayat sa lilim ng ‘yong mga pakpak kumakanlong
mga anak ni Adan.
Nabubusog sila sa sarap ng ‘yong sambahayan,
Pinapainom nila sa ilog na ‘yong Eden.
Pagkat nasa’yo ang bukal ng buhay,
Sa liwanag mo nakikita naming ang liwanag.
Pamalagiin ang ‘yong malasakit sa mga kumikilala
sa’yo
Ang ‘yong katarungan sa mga may pusong tapat.
Huwag akong patapakan sa mayabang,
ni ipataboy sa kamay ng tampalasan.
Haya’t nangabuwal, mga gumagawa ng masama,
Lugmok at di makabangon pa.
Halina’t papurihan ang Diyos Amang
Makapangyarihan
At ang Anak Niyang Si Hesukristong Panginoon ng
tanan
At ang Espiritu Santong nananahan
Sa ating puso magpakailanman. Amen!
(sandaling katahimikan bago dumako sa Panalanging Pang-Salmo)
2. Panalanging Pang-Salmo (nakatayo ang lahat)
P: Magsitayo po tayo at manalangin…
Pinasasalamatan Ka namin, Diyos na Makapangyarihan, dahil sa ibinigay Mo sa amin ang kaningningan ng araw at ang katahimikan ng gabi. Idinadalangin Namin na sa Iyong masaganang kabutihan, hipuin Mo ang mundo ng Iyong mapanghilom na pag-ibig at palibutan ang aming mga puso ng kapangyarihan ng Espiritung sa ami’y muling magbabangon. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
B: Amen.
(Habang nakaupo ang lahat, magkakaroon ng panahon ng pagsamba; maaaring magpatugtog ng banayad na musikang makatutulong sa pagninilay; maaaring gawing kulimlim ang mga ilaw kung sa gabi.)
3. Pagbasa mula sa Mabuting Balita/ Kasulatan
Tatayo ang lahat habang umaawit ng Aleluya o bersikulo (kung panahon ng Kuwaresma o kung ang pagbasa ay hindi mula sa mga Ebanghelyo o Mabuting Balita). Babasahin ang Mabuting Balita sa ibaba, o ang Mabuting Balita para sa Misa ng araw na ito, o anumang angkop na pagbasa, kahit hindi mula sa mga Ebanghelyo.
P: Sumainyo ang Panginoon.
B: At sumainyo rin.
P: Pagbasa mula sa Mabuting Balita ayon kay Mateo (8:5-13)
Pagdating ni Hesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa ilalim ng aking bubong. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Dahil tao rin akong nasa ilalim ng kapangyarihan ng iba, at may mga kawal na nasa ilalim ko mismo at sinasabi ko sa isa: ‘Pumaroon ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya.” Nang marinig ito ni Hesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “ Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng Langit. At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at doon ang iyakan at pagngangalit g mga ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon.
P: Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
B: Pinupuri Ka namin, Panginoong Hesukristo.
(Maaaring magbigay ng pagninilay ang pari kaugnay ng tema, na susundan ng tahimik na pagsamba. Kung walang pagninilay ng pari, nakaupo at tahimik ang lahat na magninilay sa pagbasang ipinahayag. Makakatulong ang banayad na “background music.” May mungkahing mga gabay sa pagninilay at pagdarasal sa susunod na bilang para sa indibidwal o maliit na grupo.)
4. Mga Mungkahi para sa Personal na Pagninilay (kung walang pagbabahagi ng pari)
* Buong layang pinaglingkuran ni Hesus ang mga maysakit na lumapit sa kanya. Ang paglingap na ito ay bunga ng kanyang habag para sa mga nagdurusa, at hindi dahil nais lamang niyang ipakitang siya ay makapangyarihan. Mayroon bang mga kamag-anak o kaibigan tayong nangangailangan ng ating presensya o tulong ngayon? May panahon ba tayo para sa kanila o may maiaabot ba tayong tanda ng ating pagmamahal?
* Ang paghilom ay kaloob ng Diyos. Kapag ibinigay ito sa atin, tanggapin nang may pasasalamat. Kung kailangan naman nating maghintay o magtiis pa, hilingin sa Espiritu na gawaran tayo ng biyaya ng pagtitimpi, pagpapaubaya at pag-aalay.
* Itaas sa Panginoon ang iyong hinihinging kagalingan at gayundin ang mga maysakit na nagpapatulong sa iyong mga dasal.
5. Awit sa Mahal na Puso
Matapos ang pagbabahagi ng pari o tahimik na pagninilay at panalangin, mag-aalay ng Awit sa Mahal na Puso ni Hesus. May mga tradisyunal na bersyon sa dulo ng aklat na ito.
6. Panalangin ng Bayan para sa Paghilom
P: Taglay ang pananampalataya sa Mapanghilom na Puso ni Hesus, tumayo tayo at manalangin may lakas-loob na gagawin niya tayong buo at maligaya sa kanyang Kaharian. Sa bawat pagluhog, ating sasambitin: Panginoon, pagalingin mo kami at ibalik sa katiwasayan.
Tagabasa:
Para sa mga nariritong may nararamdamang sakit ng katawan…
Para sa mga maysakit na natagpuang malala ang kalagayan…
Para sa mga maysakit na walang pangtustos sa gastusin…
Para sa mga nagtalaga ng sarili upang alagaan ang mga maysakit na mahal sa buhay…
Para sa mga maysakit na kailangang itago ang kalagayan dahil sa kahihiyan…
Para sa mga doktor na may misyong magpagaling ng karamdaman ng kapwa…
Para sa mga batang nagdurusa kahit sila ay walang-malay…
Para sa mga matatandang unti-unting nanghihina…
Para sa mga mabubuting loob na tumutulong sa mga dukhang maysakit…
Para sa mga maysakit na nasa bingit ng kamatayan…
Para sa mga maysakit sa isip at kaluluwa…
Para sa mga maysakit na nais makipagkasundo sa Diyos…
Tahimik na alalahanin ang mga pansariling kahilingan… (katahimikan)
B: Ama namin, sumasalangit Ka…
P: O Mahal na Puso ni Hesus, batid kong isang bagay lamang ang imposible sa Iyo at iyan ay ang maubusan ng awa para sa mga naghihirap at nangangailangan. Maawa Ka sa aming abang mga makasalanan at pagkalooban kami ng biyayang aming hinihiling sa Iyo sa pamamagitan ng Kalinis-linisang Puso ng Iyong Inang si Maria na siyang Ina din namin sa larangan ng biyaya. Amen.
C. PAGBABASBAS NG KABANAL-BANALANG SAKRAMENTO
AT MGA PANGWAKAS NA PANALANGIN
Luluhod ang lahat habang inaawit ang Tantum Ergo. Maghahandog ng insenso ang pari sa altar.
Tantum ergo Sacramentum
Veneremur cernui:
Et antiquum documentum
Novo cedat ritui:
Praestet fides supplementum
Sensuum defectui.
Genitori, Genitoque
Laus et jubilatio,
Salus, honor, virtus quoque
Sit et benedictio:
Procedenti ab utroque
Compar sit laudatio. Amen.
Priest: Panem de caelo praestitisti eis.
All: Omne delectamentum in se habentem.
Priest: Oremus:
Deus, qui nobis sub sacramento mirabili, passionis tuae memoriam reliquisti: tribue, quaesumus, ita nos corporis et sanguinis tui sacra mysteria venerari, ut redemptionis tuae fructum in nobis iugiter sentiamus. Qui vivis et regnas in saecula saeculorum.
All: Amen.
o sa Tagalog:
Lahat Tayo ay Mag-alay
Lahat tayo ay mag-alay
sa Panginoong Hesus
ng pananalig na tunay
para tanggaping lubos
itong bagong kasunduan
sakramentong kaloob.
Sa Amang D‟yos
at kay Hesus
magpuri lahat tayo.
Purihin din ang kaloob
na Espiritu Santo
upang laging maihandog
ang ating sakramento.
Amen. Amen.
P: Binigyan Mo sila ng tinapay buhat sa langit
B: Na naglalaman sa kanyang sarili ng lahat ng katamisan
P: Manalangin tayo:
O Diyos, na sa ilalim ng kamangha-manghang Sakramento ay iniwan Mo sa amin ang alaala ng Iyong hirap at sakit; ipagkaloob Mo nawa’y sambahin namin ang banal na mga hiwaga ng Iyong Katawan at Dugo, na nawa’y lagi naming madama sa aming mga sarili ang mga bisa ng Iyong kaligtasan; Ikaw na nabubuhay at naghaharing kasama ng Diyos Ama sa kaisahan ng Espiritu Santo, Diyos magpakailanman at magpasa walang hanggan.
B: Amen.
(Kukunin ng pari ang lalagyan ng Kabanal-Banalang Sakramento upang basbasan ang mga tao. Pagbalik sa luhuran, pangungunahan niya ang pagdarasal ng Pagpupuri.)
Pagpupuri
P at B:
Purihin ang Diyos.
Purihin ang kanyang santong ngalan.
Purihin si Hesukristo,Diyos na totoo at tao namang totoo.
Purihin ang ngalan ni Hesus.
Purihin ang kanyang kabanal-banalang Puso.
Purihin ang kanyang kamahal-mahalang Dugo.
Purihin si Hesukristo sa Santisimo Sakramento sa altar.
Purihin ang Espiritu Santo, ang mang-aaliw.
Purihin ang Dakilang Ina ng Diyos na si Maria Santisima.
Purihin ang kalinis-linisang paglilihi sa kanya
Purihin ang maluwalhating pag-aakyat kay Maria, kaluluwa at katawan.
Purihin ang ngalan ni Maria, Birhen at Ina.
Purihin si San Jose,ang kanyang kalinis-linisang esposo.
Purihin ang Diyos sa kanyang mga anghel at kanyang mga Santo.
(Matapos ang sandaling katahimikan, ibabalik ng pari ang Kabanal-Banalang Sakramento sa tabernakulo, sa saliw ng awiting O Sakramentong Mahal o iba pang angkop na awit kaugnay ng tema ng buwan. Pagkatapos, tahimik na lilisan ang lahat.)
O Sakramentong Mahal
O Sakramentong Mahal
Na sa langit buhat
Ang puri ng kinapal
Iyong-iyong lahat
Iyong-iyong lahat.